top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 3, 2022


Napakabilis ng panahon, 50-taon na agad ang nagdaan. Tunay na napakabilis ng daloy ng buhay. Sino ba sa aming magkakaeskuwela ang mag-aakalang darating ang sandaling ito—ang ika-50 anibersaryo ng aming pagtatapos sa mataas na paaralan ng St. James Academy ng siyudad ng Malabon?


Kapag ikaw ay bata, hindi mo pag-aaksayahan ng panahon ang tanong tungkol sa pagtanda, sa pagreretiro, sa pagbagal hanggang sa tuluyang paghinto ng karaniwang takbo ng buhay dahil ikaw ay tumanda at humantong na sa bandang dulo ng buhay—ng iyong ganap na pagtanda.


Nagkita-kita kaming magkaka-batch sa St. James Academy ng Malabon noong Huwebes. At dahil ako ang kaisa-isang naging pari sa batch, ipinagdiwang namin ang mahalagang yugto ng buhay sa pamamagitan ng misa.


Marami ang hindi nakarating dahil nasa iba’t ibang bansa na ang mga ito. Marami rin sa aming mga ka-batch, gayundin ang mga guro na yumao. Nakuha ko ang listahan ng mga yumaong kaeskuwela, madre at guro, at nais ko silang kilalanin:


Ang mga madre at guro: Mrs. Enriquetta L. Montajes; Ms. Soledad Salazar; Ms. Concepcion Robles; Mrs. Santay; Mrs. Lourdes Lachica; Ms. Deanna Gabrianna; Mr. Sibug; Mr. Tony Mendoza; Sr. Maria del Rey; Sr. Marie Lorraine; Sister St. Rita; Miss Hilario; Mrs. Virginia Roldan; Mr. Conrado Salazar; Mr. Tolentino; Mrs. Rufina Punzalan; Mrs. Emma Navarro; Fr. Ernie Joaquin, maraming, maraming salamat po!


Mga Kaeskuwela: Glenn Padilla; Amelita Cruz; Floresita Isip; Miguel Soyango; Asser Alonzo; Edwin Robles; Norberto Paez; Socorro de Leon; Valentin Viola; Jesus Viloria; Emetrio Domingo; Rodelio Flores; Evangeline Sioson; Wilfredo Santos; Wilhelmina Meneses; Leonardo Laiz; Conrado Nepomuceno II; Lucio Gutierrez, Jr.; Lamberto Bautista; Joseph Darwin Liu; Florentino Cayco; Veronidia Tamayo; Bienvenido Juat III at Jamie Pineda, maraming, maraming salamat mga klasmeyt!


Kung hindi kayo taga-Malabon, marahil ay walang halaga ang mga pangalang ito. Pawang titik na walang kabuluhan. Subalit para sa mga naging mag-aaral at kaeskwela ng mga nakatalang guro at estudyante, merong tahimik, bagkus ay malalim na bigat ang mga pangalang ito sa aming mga buhay pa at meron pang magagawa at maaari pa ring mangarap at mag-ambag sa ngayon at bukas.


Nang isa-isang binanggit ang pangalan ng yumao naming mga guro at kaeskuwela sa misa, binalot ako ng kakaibang espiritu at damdamin. Napakarami na nilang nauna, tiyak na isa-isa na kaming susunod sa kanila. Kailan at paano? Hindi na ito mahalaga. Ang mahalaga ay paulit-ulit nating nababasa sa Banal na Kasulatan, “Tiyak na darating ang Panginoon sa panahong hindi natin inaasahan.” Kaya kailangan natin palaging maghanda.


Ang paghahanda ay magaganap sa dalawang antas: sa personal (pansarili) at ang mas malawak na antas ng iba, ng kapwa, pamilya, pamayanan, lipunan at kalikasan. Hindi dapat balewalain ang pagdaan ng panahon na tila mas mabilis na ngayong nagkaka-edad na kaysa noong tayo’y bata pa. Gawin na ang maaari pang gawin. Iwasan ang pagpapa-bukas. Wala nang iba pang oras kundi ngayon! Kung ano ang kailangang gawin para sa materyal at pinansyal na bahagi ng buhay, gawin at harapin na. Pagdating naman sa mahahalagang relasyon—sa mga magulang, kapatid, asawa, anak at kaibigan, sabihin na sa tapat at marubdob na paraan ang tatlong mahahalagang kataga ng: salamat, sorry at mahal kita! Hindi rin bukas kundi ngayon ang pagsabi ng dapat sabihin. Dahil kung may mangyari sa sarili o sa taong pagsasabihan, wala nang panahon, wala nang pagkakataong sabihin, ipahayag at ipadama ang dapat sabihin at ipadama, dahil hindi lang wala nang oras, kundi wala na ang pagsasabihan.


Maraming salamat Malabon, St. James Academy, sa mga guro at kaeskwela. Salamat, higit sa salita, kundi sa gawa at sa pagpapahayag sa kongkretong paraan ng makabuluhan, mapagkalinga at mapagmahal.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 28, 2022


Sino ba si San Pablo? Siya ay taga-Tarsus, isang bayan ng Turkiya. Ito ang dahilan kung bakit tinawag siyang Saul ng Tarsus. Naging bahagi si Saul ng kilusan ng mga Hudyong lumalaban sa mga Kristiyano. Noong simula, bahagi siya ng mga panatikong Hudyo na tumutugis at pumapatay sa mga Kristiyano. Isang araw habang nakasakay sa asno si Saul, biglang sumambulat sa kanyang harapan ang nakasisilaw na araw na gumulat at siya’y itinulak dahilan upang siya’y mahulog sa sinasakyang asno. At nang bumagsak ito, narinig niya ang tinig na nagsasabing, “Saul. Saul, bakit mo ako inuusig?”


Nakilala ni Saul ang Panginoon at mula noo’y hindi lang siya tumigil sa pag-usig sa mga Kristiyano, kundi kinilala at sinamba niya ang Panginoon at siya’y naging isa sa mga tapat na disipulo ng Panginoon. Ipinahayag nito ang mabuting balita ng kaligtasan.


Samantala, sa pangalawang bahagi ng aming Pilgrimage mula Jerusalem hanggang Turkiya, nadalaw natin kasama ng 28 peregrino (pilgrims) ang mga lugar na binabanggit sa mga liham ni San Pablo (i.e. sa mga taga: Epeso; Galatia; Corinto; Colosas, atbp). Sa pagdalaw sa mga nabanggit na lugar ay sumakay kami ng bus na naglakbay mula dalawa hanggang walong oras marating lamang ang mga bayang mahalaga kay Apostol Pablo. Ibang-iba ang pakiramdam namin tuwing kami ay nakararating sa mga lugar—damang-dama ang lalim ng kaugnayan ni San Pablo sa mga pamayanang kanyang nadalaw, nakilala at napamahal sa kanya.


Dahil sa kanyang tiyaga, tapang at pagmamahal na taimtim na bahagi ng kanyang matinding pananalig sa Panginoon, dahan-dahang kumalat ang pananampalatayang Kristiyano sa napakalawak na bahagi ng Greece at ng Asia Minore o Anatolya na lumang pangalan ng Turkiya. Sa bawat pagkakataon ng panalangin at pagninilay, palagi nating inihahambing ang buhay ng mga kasalukuyang Kristiyano sa buhay ng mga Kristiyano noong panahon ni San Pablo.


Salamat sa mga isinulat ni San Pablo tungkol sa kanyang malalayong paglalakbay at sa mainit, buong tiyagang pamamahayag niya ng salita ng Diyos, sampu ng aming pagdalaw sa mga lugar na mismong dinalaw ni San Pablo, naging buhay na buhay ang mensahe at kapangyarihan ng mabuting balita ng Panginoon.


Nakapanlulumo ang sitwasyon ng ating bansa. Maraming nawawalan ng gana at pag-asang kumilos para sa pagbabago. Ganito rin ang pinagdaanan ng mga apostol bago nila lubos na nakilala ang Panginoon. Ngunit nagbago ang lahat ng tinawag at iminulat sila ng Panginoon sa Kanyang misyon.


Tama, ito ang dapat ibunga ng banal na paglalakbay, na muling makilala, sundin at samahan ang ating Panginoon sa pamamahayag ng buhay na totoo at ganap, sa kabila ng buhay pinakitid ng kawalan ng pagkakaisa sa kapwa, at sa mga dukha.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 26, 2022


Taong 2000 nang dalawin ako ng isang staff ng BULGAR sa parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Isa ito sa mga kilalang tabloid pero sa kabila ng pagiging sikat, hindi ako pamilyar sa pahayagang ito noon. Kaya nang anyayahan akong magsulat sa naturang tabloid, hindi ako makasagot ng oo o hindi. Kaya’t humingi ako ng panahon upang makilala ang pahayagan, “Maaari bang bigyan ninyo ako ng dalawang linggo para makilala ang inyong pahayagan?” Pumayag ito at kinabukasa’y bumili ako ng kopya nito.


Nakailang araw akong pagbasa at pagsuri. Nakita ko ang iba’t ibang balita, usapin, tips (lotto, kalusugan, horoscope atbp) na malinaw na makatawag pansin sa masa, sa karaniwang mamamayan na uhaw sa balita at impormasyon. Mahusay at malaman ang pagkakasulat ng mga artikulo. Pero ang aking inaalala, hindi tiyak kung meron akong sapat na oras upang regular na makapag-ambag sa kanila. Makalipas ang dalawang linggo, tinawag ako ng staff na dumalaw sa akin, pero humingi ako ng paumanhin sapagkat hindi muna ako magsusulat para sa Bulgar.


Lumipas ang dalawang taon, muli akong tinawagan ng Bulgar upang muling anyayahang magsulat. Sa gitna ng sari-saring isyu na humahati sa ating bansa, lalo na sa karaniwang mamamayang Pilipino, pumayag na akong magsulat—nagsimula ako noong Nobyembre, 2002. Sa kasalukuyan, dalawang dekada na akong walang puknat na nagsulat para sa naturang pahayagan. Malaking tulong sa aking pagpapasya ang samu’t saring isyu at problema na humahati at gumugulo sa mamamayan. Katatapos lang ng EDSA Dos—pinalitan si dating Pangulong ‘Erap’ ng kanyang noo’y Bise Presidenteng si Gloria Macapagal-Arroyo.


Mula noon hanggang ngayon, maingat nating sinuri ang mga pangyayari sa kapaligiran. Nanatili akong nakaugnay sa masa na kadalasa’y biktima ng trahedya at maruming pamamahala.


Salamat BULGAR sa pagkakataong maging bahagi ng tinig para sa masa. Saan man tayo dalhin ng pagkakataon—mapadpad man panahon—China, Hong Kong; Puerto Princesa, Palawan at Santiago City, Isabela; Bagong Sirang, Catanduanes; Santa Ana, Cagayan; Liliw, Laguna; Barangay Pinyahan at Barangay Bahay Toro, Quezon City at saan pa ma’y nanatili tayong mulat at pumupulso.


Maraming salamat hindi lang sa BULGAR, kundi sa lahat ng nakasama natin sa paglalamay at pagbabantay; pakikibaka at pagpupunyagi; panalangin at maka-Diyos at mapayapang pagkilos para sa pagbabago.


Matagal na ang 20 years, ngunit sa salita ni San Francisco de Asis: Mga kapatid, wala pa tayong magagawa. Muli tayong magsimula!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page