top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 30, 2024



Fr. Robert Reyes


Ika-31 ng Marso 2023 nang simulan ng ilang mga nagmamalasakit na mamamayan ang Last Friday Devotion sa Comelec. 


Bunga ito ng inihaing petisyon nina General Ely Rio, Gus Lagman at Frank Ysaac na ipaliwanag ng komisyon kung saan nanggaling ang 21 milyong boto na naipadala sa “transparency server” ng Comelec noong umaga ng Mayo 9, 2022. Ito na ang pinakamabilis na bilangan sa kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng sistemang ginamit ng Comelec. Hanggang ngayon ay wala pa ring sagot ang komisyon. Na-disqualify na rin ang Smartmatic para sa darating na midterm election at mabilis itong napalitan ng sistemang Koreanong kumpanya na MIRU.


Sa gitna ng mga nabanggit na tila anomalya na walang paliwanag ang Comelec, tuloy lang tuwing huling Biyernes ng buwan ang aming Last Friday Devotion. Napakaraming kailangang bantayan sa ating bayan, at isa ang Comelec sa mahahalagang institusyon na dapat lang tingnan dahil sa rami ng mga katanungang hindi nila masagot-sagot.


Isa sa mga mahahalagang katanungan, sino at saan nanggaling ang private IP address ng 192.168.02? Saan nagmula ito dahil hindi naman nakarehistro sa dalawang malaking kumpanya ng Telecom na hiningan ng Comelec ng tumulong sa pagpapadala ng mga boto mula sa buong bansa patungo sa transparency server? Hanggang ngayon, wala pa ring paliwanag ang Comelec tungkol dito. 


Sa gitna nito, ang Smartmatic ay na-disqualify para sa halalan ng 2025. Subalit merong mga bulung-bulungan na sa 2025 lang nadiskuwalipika ang Smartmatic at maaari raw ibalik ang prangkisa nito sa 2028. 


May bago namang “player”, ang MIRU kapalit ng Smartmatic. Ito bang bagong sistema ay mapagkakatiwalaan? At bakit hindi na kinilala ang Smartmatic para sa 2025 election?


Hindi ba maganda ang “performance” nito noong nakaraang halalan? O baka mas maganda ang ipinapangakong “performance” ng MIRU? 


Kaya naman balik-Comelec tayo noong nakaraang Biyernes. Muli na namang nag-alay ng rosaryo at misa ang ilang mamamayang hindi titigil bantayan at ‘singilin’ ang Comelec sa mga kahina-hinalang mga pangyayari sa nagdaang eleksyon na hindi malayong maulit at lumala pa sa darating na halalan. 


Sa misang inalay namin sa Plaza Roma sa harap ng Comelec, naitanong namin kung ano na ang nangyari sa pangako ng komisyon na maaaring magbukas ng ilang ballot boxes para tingnan at ikumpara ang nilalaman ng mga ito sa record ng mga na-transmit sa transparency server noong nakaraang halalan. Tila nagbago na naman ang ihip ng hangin at hindi na raw pahihintulutan ang pagbubukas ng anumang ballot box.


Maaalala natin na nag-alok sina Gen. Ely Rio na buksan ang ilang ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas at tila pumayag ang Comelec, ngunit hindi lang naitakda ang araw ng pagbubukas ng ng mga ito sa naturang lugar. 


Simple lang ang mangyayari dahil ihahambing ang laman ng ballot boxes sa datos na nasa mismong record ng Comelec noong nakaraang halalan. Mahigit nang dalawang taon matapos ang pambansang halalan. Kulang na ng isang taon ang nalalabi sa termino ng mga nakaupong opisyales. Napakahusay nga naman sa “delaying tactics” ng mga ahensya ng pamahalaan. Kaya totoo ang kasabihang, “justice delayed is justice denied!” Upuan at huwag desisyunan ang anumang kaso at hayaan lang maubos ang oras pati ang pasensya ng mga lumalaban at humihingi ng hustisya.


Noong “impeachment complain” laban kay ex-Pres. Joseph Estrada sa Senado, nang hindi binuksan ng mga senador ang “Jose Velarde” envelope at meron pang nagsayaw na senadora dahil nagtagumpay silang hadlangan ang pamamahayag sa katotohanan, doon nagalit at nagkaisa ang taumbayan. Baka ito ang dahilan kung bakit hirap na hirap din pabuksan ng Comelec ang ballot boxes?


Ngunit, hindi matitinag ang aming munting grupo. Kaya sa katapusan ng misa, habang kinakanta ang ‘Pananagutan’, muli nating isinigaw sa mga opisyal at kawani ng Comelec, “Mananagot kayo, may pananagutan kayo sa Inang Bayan at sa mga mamamayang pinaglilingkuran ninyo. Mananagot kayo!” 

 


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 29, 2024



Fr. Robert Reyes


Noong nasa kulungan pa si dating Senadora Leila De Lima, madalas naming pag-usapan ang araw ng kanyang paglaya. 


Bagama’t hindi namin tiyak kung kailan mangyayari ito, ang higit na mahalaga kaysa kalayaan ay ang katotohanan na magbibigay daan dito.


“Tiyak kong lalaya ako isang araw dahil walang basehan ang lahat ng kasong isinampa nila sa akin. Anuman ang gawin nila sa katotohanan, hinding-hindi nila ito maitatago, mapapalitan o mababaluktot. Darating at darating ang araw na lalabas ang katotohanan at papalayain ako nito ako.” Ito ang walang sawang lumalabas sa bibig ng mabuting senadora sa loob ng halos pitong taong pagkakakulong mula Pebrero 24, 2017 hanggang Nobyembre 13, 2023. Anim na taon at siyam na buwan na pagtitiis at paghihintay sa araw ng paglaya, at naroroon tayo mula simula hanggang katapusan ng kanyang pagkakakulong. Nagmimisa tayo roon linggu-linggo mula Pebrero 2017 hanggang Marso 15, 2020. At kahit may pandemya, nagsisikap pa rin tayong dumalaw at magbigay ng lakas espirituwal sa senadora. Gayundin ang ibang pari na sinikap tumaya sa gitna ng panganib ng pandemya at sari-saring banta mula sa mga kaaway ng senadora.


Isa pang katiyakang ito ni Leila na hindi lang ang katotohanan ang kakampi niya, kundi ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ang Panginoong Diyos. 


At araw-araw pagpatak ng dilim sa kanyang maliit na kuwarto sa Crame Custodial Unit, hinaharap niya ang pag-iisa, ang pagiging solitary. ‘Di tulad ng ibang persons deprived of liberty (PDL), walang kasama sa selda si Leila. Tiniis niyang mag-isa na parang isang monghe o ermitanyo at walang kausap kundi ang Panginoong Diyos. Sa ganitong kapaligiran at kalagayan ay muli niyang nakilala ang katahimikan at wagas na panalangin. At ang bunga ng panalangin sa gitna ng malalim na katahimikan ay ang paglalim at pagyabong ng pananampalataya.


Sabi nga ni Leila, parang mahabang retreat. Araw-araw binabasa niya ang mga takdang pagbasa para sa misa. Kasama ang salita ng Diyos na nagbigay ng lubos na lakas at kagalakan sa kanya sa gitna ng pagkakakulong at ang walang saysay at katuwirang paglalayo sa kanya ng kanyang mahal na pamilya, mga kaibigan at sinumpaang gawain sa Senado. 


Dagdag na pabigat kay Leila ang paghadlang sa kanyang pagtupad ng mandato bilang senador, at ang hindi makataong paglayo sa kanya sa ina at mga mahal na kapatid at mga anak. Ngunit sa kabila nito at paghiwalay sa kanyang propesyon at mandato, isa sa pinakamasipag na senador si Leila. Napakarami niyang naihaing panukala na ilan sa mga ito ang naging batas. Dito marahil nakatulong nang malaki ang pag-iisa at katahimikan niya. Napakarami niyang panahong magbasa, mag-isip at lumikha ng mga magaganda at kailangang panukalang batas.


Sa halip na madurog ang kalooban at katuwiran, lalong tumibay at luminaw ang kanyang pananaw at paninindigan. 


Para sa akin, isang napakalaking pagpapala ang kanyang pagkakakulong. Mas malalim at nakumpleto ang kanyang pag-iisip, pagbibigay ng opinyon at pagbabahagi ng mga mungkahing bunga ng mahabang oras na pagbabasa’t pagninilay na may kasamang panalangin. 


Humarap din sa sukdulang panganib si Leila, nang ma-hostage siya ng mga nakakulong na terorista sa Crame. Salamat sa mahusay na pagligtas sa kanya ng isang opisyal ng pulis at buhay si Leila.


Tuluyang lumaya na rin noong Lunes ang dating senadora matapos na maabsuwelto sa lahat ng kasong isinampa laban sa kanya.


Sa paglaya ni Leila mula sa pagkakakulong at sa mga ‘di makatarungang pagsampal sa kanya ng mga imbentong kaso, hindi lang siya ang lumaya. Isa siyang maliit ngunit tunay at konkretong hakbang tungo sa kinabukasang pinapangarap ng lahat. Kailangan lang matutunan din ng lahat ang kahulugan ng kanyang pinagdaanan. Hindi basta ipinagkakaloob ang kalayaan dahil ito ay pinaglalaban, pinagtitiisan at pinagdarasal hanggang sa makamit. Malinaw din na hindi pa tapos ang laban ni Leila kahit malaya na. Alam din niyang maraming dapat lumaya ngunit patuloy pa rin silang biktima ng ‘di makatarungang sistema, mapagsarili at matinding pamumulitika.


Gayunpaman, taos pusong pasasalamat sa mga lumaban at nagdasal para kay Leila. Malinaw na ang paglaya niya ay paglaya din nating lahat!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 22, 2024


Fr. Robert Reyes

Pumasa na sa Kamara ang Divorce Bill.


Ipinasa na ito sa Senado upang pag-usapan at pagtalunan ito hanggang sa tuluyan nang maipasa o maibasura ang panukalang batas. Pinakahuli at tila nag-iisa na lang bansang walang diborsyo ang Pilipinas. Halos lahat ng bansa ay meron nang batas ng diborsyo. 


Isa sa pinakamataas ang mga kaso ng diborsyo ay ang Estados Unidos. Dahil sa usung-uso at karaniwan na sa naturang bansa ang ganito, hindi lang isa o dalawang beses na nagaganap sa buhay ng mga mag-asawa ang paghihiwalay at paghahanap ng bagong asawa. Sabi nga ng ilang mga nakakausap kong mga migranteng Pinoy sa Amerika, parang bumibili na lang ng sapatos ang pag-aasawa. Maaari mong gamitin o hindi ang sapatos at ito ay puwede mo nang palitan. Kadalasa’y nagagamit naman sandali pero mabilis na kasawaan ito. Walang problema sa kapalit, maraming bilihan ng sapatos. 


“Ganyan na ba ang pag-aasawa, parang bumibili ka na lang ng sapatos?” tanong ko sa mga taga-Amerika. Ano ang matagal nang pantapat ng Simbahang Katolika sa diborsyo?


‘Annulment’ o ang proseso ng pagpapatunay na ‘walang kasal mula pa sa simula ng pagsasama ng dalawang nagpakasal.’ “Nullus ab initio!” Wala mula sa simula. Walang tunay na relasyon. Walang tapat na pagmamahal. Walang totoo at malayang pagpapasyang magpakasal. Walang taos na pagpapakilala ng sarili at mga mahahalagang dapat ipagtapat na inilihim sa isa’t isa. Dahil dito, walang naganap na tunay na pagsasama at pag-iisang dibdib, isip, kaluluwa at katawan. 


Ganoon na lang kabigat at katagal ang pagkuha ng “declaration of nullity o annulment” sa Simbahang Katoliko. Kaya’t nakapagsalita na rin si Pope Francis sa mga abogado ng simbahan (Canon Lawyers), “’Wag ninyong pahirapan ang mga dumaraan sa proseso ng annulment.” Kung tutuusin, ang dahilan lamang ng pawang kahirapang kumuha ng annulment ay ang lubhang seryoso at banal na katangian o kalikasan ng sakramento ng matrimonyo. Tunay ngang hindi maihahambing sa pagbili ng sapatos ang pag-aasawa. Napakahalaga ang ugnayan ng lalaki at babaeng naghahangad na tumanggap ng sakramento ng matrimonyo sa simbahan.


Sagrado ang desisyon na magpakasal. Kung hindi seryoso at hindi totoo mula simula ang pag-iisang dibdib ng nagpasyang magpakasal, ayon sa simbahan, walang kasal na naganap dahil peke o hindi seryoso ang desisyon at mga kondisyon ng pagpapakasal. At kung hindi rin sila tunay na ikinasal, paano sila maghihiwalay?  


Noong nakaraang halalan ng 2022, tumakbo ang UniTeam, ang pinagsanib-puwersa sa pulitika ng dalawang makapangyarihang pamilya ng mga Marcos at Duterte. Todo-ngiti at puri sa isa’t isa ang namahayag na “kasal” na sila at magsisikap na maglingkod nang tapat at totoo sa taumbayan. Alam ng lahat na pareho lang pagdating sa ambisyon ang dalawang pamilya.


Nakatikim na ng 21 taong kapangyarihan ang isang pamilya. Namamayagpag naman ang isang pamilya sa kanilang balwarte sa Mindanao at siyempre tumuntong din sa pinakamataas na poder sa bansa ng anim na taon. Parehong ambisyoso at uhaw sa kapangyarihan. Puwedeng ikasal sa pulitika ang ganitong mga pamilya. Pero sino na ang kanilang mamahalin na ngayong hiwalay na sila?


Palasak na ang kasabihang, “In politics there are no permanent friends, only permanent interests.” Tunay na permanenteng interes lang ang umiiral sa pulitika at walang totoo at permanenteng mga kaibigan.


At ito ang malinaw na koneksyon sa diborsyo at pulitika. Kung mababaw ang batayan ng pag-aasawa o ang pagsasanib-puwersa ng dalawang pamilyang pulitikal, kapwa hindi ito magtatagal.


Maging sa pag-aasawa o sa pulitika o sa anumang gawain, kung walang seryoso, totoo, tapat at malinis na intensyon, sa simula pa’y wala nang tunay na pagkakaisa kundi pagpapanggap at paggagamitan lamang.


Kung merong “trapong” pulitiko, meron ding “trapong pag-aasawa.” Ano ang solusyon para hindi magkaroon at dumami pa ang trapong pagsasamahan sa pulitika man o sa pag-aasawa? Malinaw na hindi bagong batas tulad ng diborsyo, kundi masinsinang paglilinis, pagsasaayos, pagpapatatag ng mga mag-aasawa upang makita, maisabuhay hanggang katapusan ang tunay at wagas na pagsasama. 


Ganundin sa pulitika, hindi batas o pagbabago ng batas (ConCon) kundi ang paglilinis mismo ng napakarumi at napaka-plastik na ugnayan ng mga nagsasabing maglilingkod nang may katapatan at pagmamahal sa Inang Bayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page