ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 31, 2024

Nasa 2,454 na araw o 6 taon, 8 buwan at 21 araw ang tiniis sa piitan.
Ganito katagal at kahirap ang pinagdaanang pagsubok ng dating Senadora Leila De Lima. Nagtiis, naghintay, nagbasa, nagsulat, nag-alaga ng puso’t halaman, nagdasal, nagtiwala, naniwala at sa hulihan, lumaya.
Hindi salita kundi, matinding gawa at sinadyang pagtitiwala at paninindigan ang ipinamalas ni Leila sa likod ng bakal na rehas, barb wire, matataas na pader, bakal na pintuan at armadong mga guwardiya. Walang nakakakita sa kanya kundi ang mga dumadalaw na staff ng senadora, mga kamag-anak, kaibigan at kapanalig sa pakikibaka.
Nagtagumpay ang mga kaaway niya na itago at ilayo siya sa publiko habang patuloy ang kanilang pagsira at tuluyang pagdurog at pagbura sa kanyang pangalan at reputasyon bilang abogado, lider ng oposisyon, senador at matapang na boses ng katotohanan at bisig ng katarungan.
Tiniis niya na malayo sa kanyang mahal na ina, mga kapatid, kamag-anak at kababayan sa araw ng Pasko at Bagong Taon, Mahal na Araw (Holy Week), kaarawan ng mga anak, kapatid, nanay, mga kamag-anak at kaibigan. Hindi siya pinayagang dumalo sa pagtatapos ng abogasya ng kanyang anak na lalaki. Hindi siya pinayagang sumama sa mga deliberasyong mahahalaga sa Senado sa Zoom o anumang online na paraan. Wala siyang computer, cellphone. Hindi puwedeng gumamit ng landline at walang telebisyon o radyo. Buti na lang at maaaring magbasa ng diyaryo. At pinayagang magsulat at maglabas ng kanyang mga pananaw at pagninilay sa loob ng piitan.
At loob ng tatlong taon, mula Pebrero 24, 2017 hanggang Marso 15, 2020 (lockdown), tuwing Linggo at mga mahahalagang pista ng simbahan, pinapayagan siyang dumalo sa misang inialay ng kanyang mga paring spiritual advisers na sina Father Bert Alejo, Fr. Flavie Villanueva at ang inyong lingkod, Fr. Robert Reyes.
Pinayagan ding dumalo ang ilang mga kaibigan at kamag-anak sa mga misang ito kung kaya’t nabuo ang Parokya ni Leila. Kakaibang simbahan ang Parokya ni Leila. Walang mga krus, retablo, mga upuan at luhuran, mga koro, altar at mga dekorasyong bulaklak, ngunit, puno ng pag-asa, galak at paniniwalang nakikita at nadarama sa lahat ng nakakasama ni Leila sa pagdalo sa Banal na Misa, Eukaristiya ng Panginoong Hesu-Kristo.
At sa pagkaraan ng limang taon sa loob ng piitan, naging “hostage” (bihag) pa si Leila ng mga diumanong terorista. Kundi sa galing sa negosasyon at bilis ng mata at husay sa pagbaril ng isang opisyal ng pulis, maaaring tuluyang namatay na si Leila sa loob ng piitan. Ngunit, tulad ng lahat ng nauna at sumunod na araw sa kulungan, hinding-hindi pinabayaan si Leila ng Diyos.
Pero nang mag-lockdown, pahirapan nang pumasok ng Crame para sa mga paring nais magmisa. Panahon ng pandemya at kailangang sundin ang lahat ng protocol ng pamahalaan para hindi kumalat at tamaan ng COVID 19 ang mga nasa loob ng Camp Crame Custodial Unit, ang espesyal na piitan (para sa mga PDL o persons deprived of liberty tulad ni Leila) sa loob ng Camp Crame.
Gayunpaman, pinilit pa rin naming makapasok ng piitan upang makapag-alay ng misa para kay Leila. At isa ang lingguhang pagdiriwang ng banal na misa at ang pagtitipon ng mga kamag-anak, kapanalig, mga kaibigan, mga madre at paring spiritual advisers ang isa sa pinaghugutan ni Leila ng tibay at lakas na magtagal, manatiling malusog at matalas ang isipan sa loob ng selda hanggang sa araw ng paglaya.
Ito ang dahilan kung bakit kinailangang ipagdiwang ang kauna-unahang kaarawan ni Leila sa labas ng kulungan, sa kalayaan ng pinawalang sala at napatunayang malinis at marangal.
Noong nagdaang Martes, Agosto 27, 2024, muling nagtipun-tipon ang mga kamag-anak, kaibigan at kapanalig ni Leila sa EDSA Shrine o sa Our Lady of Peace upang ipagdiwang ang kanyang ika-65 kaarawan.
Masayang-masaya ang lahat na naroroon mula kay Bishop Ted Bacani, ang tatlong spiritual advisers ni Leila, mga kamag-anak, kasama at kapanalig ni Leila. Higit sa lahat, masayang-masaya si Leila na nagpasalamat sa lahat ng pagpapala ng Poong Maykapal sa kanya.
“Faith and Freedom,” pananampalataya at kalayaan ang tema ng pagdiriwang. Kung meron nito si Leila sa simula ng kanyang pagkakakulong, sa kanyang paglaya, hindi ang higit na paglalim at paglakas ang kanyang taglay kundi ang malalim na kahandaang maglingkod at tumulong sa ganap na paglaya sa kadiliman at pananamantala ng mga makapangyarihang mapang-api sa kanyang mga mahal na kababayan.




