top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 19, 2024



Fr. Robert Reyes


Hindinatin malilimutan ang apat na taong karanasan bilang isang karaniwang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong noong 2006 hanggang 2010. 


Maunlad at demokratiko ang Hong Kong, at hindi pa katulad ngayon na tahimik na may mararamdaman na takot at pag-iingat sa bahagi ng mga karaniwang mamamayan. At isa sa kahanga-hangang aspeto ng kaunlaran ng dating bahagi ng “Crown Colony” o

“Kolonya ng Korona” (ng Inghilera, noon sa ilalim ni Reyna Isabel) ay ang kanyang Universal Health Care. Totoo ang UHC ng Hong Kong noon, hindi lang para sa mga lokal na residente. Kitang-kita natin ang magandang epekto ng matinong Univesrsal Health Care Program o UHCP. Dahil sa UHCP ng Hong Kong, merong maaasahang tunay at makabuluhang tulong ang sinumang may sakit sa nasabing bansa. Basta’t ikaw ay may Hong Kong ID at merong legal na trabaho (sa legal na kumpanya o legal na residente ng HK) ikaw ay makatatanggap ng mga benepisyo ng UHCP ng HK. 


Ganoon na lang ang pasasalamat ng mga OFW na may cancer. Anumang “diagnostics” na kailangan nila gaya ng mammogram, cancer marking level sa dugo, pet scan, MRI, citi scan o x-ray at iba pa, halos libre lahat ang mga ito. Handa ka lang sa halagang HK500$, makakakuha ka na ng anumang kailangan mo mula diagnostics test, operasyon, chemotherapy, hospitalization, at iba pa. 


Mahalaga lang kung ikaw ay OFW na hindi ka mawalan ng empleyo. Kapag na-terminate ng iyong employer dahil sa sakit mo, meron kang dalawang linggong maghanap ng bagong employer bago ka mapauwi ng Immigration. Dahil dito, nagtayo ng mga “shelter” ang iba’t ibang simbahan at grupo para tulungan ang mga nate-terminate na OFW dahil sa sakit o iba mang dahilan. Kung mabait ang iyong employer, tuluy-tuloy ang iyong pagtatrabaho at kita habang tumatanggap ka ng mga benepisyo mula sa UHCP ng Hong Kong.


Salamat na lang sa mga mabubuting employer, sa mga simbahang tumutulong at sa gobyernong merong tunay na malasakit sa lahat ng mga mamamayan at residente ng HK, hindi mo kailangang matakot at mag-alala na wala kang mababalingan sa panahon ng matinding krisis ng kalusugan.


Hindi ganito sa Pilipinas. Noong mga nakaraang buwan, nagpahayag ang kalihim ng Pananalapi na si DOF Sec. Ralph Recto na merong P89 bilyon na excess o labis sa pondo ng PhilHealth. Dahil dito, sinimulan niyang ilipat paunti-unti ang naturang labis na pondo ng PhilHealth sa National Treasury. Inumpisahan niya ang paglipat ng P30 bilyon. 


Noong nakaraang araw ay isa pang P30B hanggang sa ang buong P89B pondo na labis ng PhilHealth ay nailipat na sa National Treasury. 

Ayon sa grupong naghain ng reklamo sa Korte Suprema, hindi konstitusyunal, hindi legal ang ginawa ng kalihim ng DOF. Maaari siyang makasuhan ng “technical malversation” o “plunder.”


Sinamahan ang dating Justice ng Korte Suprema ng ilang mga mamamayan tulad nina Conchita Carpio, dating Ombudsman, Heidi Mendoza, dating auditor ng COA, Cielo Magno, dating Usec. ng DOF. Naroroon din tayo sa parte ng simbahan at taumbayan. 

Nakatutuwa ang mga mensahe ng mga karaniwang mamamayan pagkatapos ng paghain ng reklamo ng grupo sa paglipat ng pondo ng PhilHealth sa National Treasury na labag umano sa Saligang Batas. 


Alam ng taumbayan ang malalim na problema sa sektor ng kalusugan. Kapag mahirap ka at nagkaroon ng malubhang sakit, wala kang ibang pupuntahan kundi ang kung sinu-sinong malaking tao na susubukan mong hingan ng “guarantee letter” na kailangan mo para makatanggap ng kailangang tulong upang magamot ang iyong karamdaman. 

Walang katapusang paghahabol sa mga malalaking tao, senador, kongresista, mayor, PCSO, Pagcor at kapag walang-wala nang matakbuhan, pupuntahan mo na rin ang mga simbahan na wala namang hiwalay na pondo para sa ganitong problema at pangangailangan. Hindi kagulat-gulat na sa huli, mauuwi na lang sa hamak na “albularyo” o lokal na manggagamot na laging merong maipapayong lunas sa anumang sakit. 


Kung hindi mamamatay sa sakit ang maysakit, hindi malayong mamatay ito sa pagod sa kakahanap ng tulong pinansyal para sa kanyang pangangailangan. 


Sa Hong Kong, malubha man ang sakit, mapa-cancer man o anuman, hindi kinakailangang manglimos, maghabol, pumila mula madaling-araw sa labas ng ospital.

Naroroon ang pamahalaang naglalaan ng tulong mula sa tunay at maaasahang Universal Health Care Fund na hindi maaaring galawin o paglaruan ninuman at ramdam ito ng mga residente ng HK. Hindi nawawala at nababawasan ang pondo para sa kalusugan sa Hong Kong. Simple lang kung bakit. Kulong kaagad ang opisyal kapag merong anumang anomalya. Ito lang ang problema, wala tayo sa Hong Kong.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 13, 2024



Fr. Robert Reyes

Ang ika-1 ng Oktubre, pista ni Sta. Teresita OCD, pinangalanang obispo ng Diyosesis ng Gumaca, Quezon si Padre Euginius Cañete MJ. Ang ika-4 ng Oktubre, pista ni San Francisco ng Assisi, pinangalanan ni Pope Francis si Padre Elias Ayuban bilang obispo ng Diyosesis ng Cubao. Ang ika-6 ng Oktubre, pinangalanang cardinal si Obispo Pablo “Ambo” David ng Diyosesis ng Caloocan. 


Ang mga unang araw din ng Oktubre ay sunud-sunod na mga pista ng pamilya Franciscana. Ika-2 ng Oktubre ay pista ni Maria ng Mga Anghel (Mary, Our Lady of the Angels), ika-3 ng Oktubre ay ang kilalang “Transitus” o kamatayan ni San Francisco na kinikilalang paglipat ng santo mula sa mundo tungo sa kalangitan, sa kaharian ng Ama.


Sa kalangitan naganap ang mahiwaga’t banal na paglipat, pag-ibang lugar, pag-ibang estado ni San Francisco ng Assisi. Sa kasalukuyan, sunud-sunod ang paglipat at pag-iibang estado ng tatlong alagad ni Kristo. Mula mga karaniwang pari magiging obispo sina Padre Cañete MJ (Missionaries of Jesus) at Padre Ayuban CMF (Claretian Missionaries). At mula isang karaniwang obispo ng Caloocan, magiging cardinal (tagapayo ni Pope Francis) si Obispo David.


Ang tatlong diyosesis ay masaya at literal na nagulantang sa balita. Matagal nang walang obispo ang Diyosesis ng Gumaca nang mamatay ang kanilang obispong si Obispo Victor Ocampo. Tapos na ang kanilang paghihintay dahil meron na silang obispo sa katauhan ni Padre Cañete. Nagulantang din kami sampu ng aming Obispong Honesto Ongtioco ng Cubao nang pangalanan ni Pope Francis ang kapalit nito ay si Padre Ayuban. Ganoon na lang ang pagkagulat at galak ng mga taga-Diyosesis ng Caloocan nang ang kanilang obispo ay pangalanang cardinal ni Pope Francis.

Ano na ang gagawin ko? Saan ako magsisimula? Sino ang dapat kong kausapin? Sino’ng makakatulong sa akin. Ano ang dapat kong ihanda para sa araw ng aking konsakrasyon bilang obispo o sa araw ng aking pagtanggap ng titulong cardinal ng Simbahang Katolika?


Malinaw namang walang dapat alalahanin ang tatlong nabanggit na pari at obispo. Tutulungan sila ng Roma sa pamamagitan ng Nuncio (kinatawan ng Papa sa Pilipinas). Tutulungan sila ng kani-kanilang kaparian at layko sa masalimuot na preparasyon para sa dakilang araw ng konsakrasyon at pagtanggap ng titulong cardinal ng simbahan.

Madaling pag-usapan ang mga panlabas at materyal na preparasyon mula sa isusuot, sa magiging daloy ng liturhiya, sa mga mangungunang cardinal at obispo sa liturhiya ng konsakrasyon, sino at dami ng mga iimbitahan, ang ihahanda, kakainin at iinumin? Subalit hindi lang materyal at panlabas ang kinakailangang preparasyon.

Kababalik lang ng kaparian ng Diyosesis ng Cubao mula Baguio. Katatapos lang ng aming sama-samang panalangin o retreat. At nagkataong pumaloob sa panahon ng paghahanda, ng transition ang aming retreat. 


Nabanggit ko ang mga sumusunod na paghahanda. Una, noong taong 1991 isinagawa ng mga obispong Katoliko sa Makati ang “Second Plenary Council of the Philippines” o PCP2. Isang mahalagang prinsipyo sa naturang pagtitipon ng mga obispo, pari, layko at relihiyoso ay ang pagtingin, pag-aaral at pang-uunawa sa mga “Ilaw at Anino,” “Lights and Shadows” sa karanasan ng simbahan sa mga nagdaang panahon at kasalukuyan.

Pangalawa, kailangang magkaroon ng seryosong proseso ng pangingilatis ng kalooban ng Diyos o ng pagsusuri at pagkilala kung nasaan at paano kumikilos ang mabuti at masamang espiritu. Dapat pangalanan at iwaksi ang mga sinasabi, ginagawa at pinagagawa ng masamang espiritu. Dapat ding pangalanan at pakinggan nang husto ang sinasabi at pinagagawa ng mabuting espiritu.


Pangatlo, kailangang maging bukas sa hinihinging “transition”, ang paglipat, pagbabago mula sa dati hanggang sa bagong pamumuhay ng simbahan. Kailangan ng masigasig at mapagpasalamat na “tuloy po” at ng matapang na “paalam” (generous hello and courageous goodbye).


Sa mga ibinahaging salita ni Obispo Honesto Ongtioco, ng Diyosesis ng Cubao sa nagdaang 21 taon aniya, “Ang pagdating ng bagong obispo, ng aking kahalili ay isang bagong araw, ‘spring time’ para sa ating lahat”. 


Tama ang obispo, ngunit hindi lang minsan kundi tuluy-tuloy ang paglilipat at pagbabago, mula sa dating buhay tungo sa higit pa at mas maganda ayon sa kalooban ng Diyos. Sa mga salita ng paring nagpadaloy ng aming retiro/apat na araw na panalangin at pagninilay, hindi madali at punumpuno ng sakit at bigat ang paglipat at pagbabago mula sa luma tungo sa bago, ngunit punumpuno rin ito ng pag-asa. Mangyayari ang mabuti, ang maganda na nais ng Diyos, kailangan lang maniwala. Kailangan lang magtiwala. Kailangan lang ang tunay at malalim na pag-asa.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 12, 2024



Fr. Robert Reyes

Kakaiba ang chairman ng Commission on Human Rights (CHR) noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 


Tunay ngang kakaiba si CHR Chairperson Chito Gascon dahil hindi siya natakot na paimbestigahan ang sari-saring kaso ng extra-judicial killings (EJK) noong mga panahong iyon. Malayang nag-aanyaya si Chair Chito sa kanyang tanggapan sa CHR sa mga iba’t ibang samahang ipinaglalaban ang karapatang pantao. 


Tinawag ang mga grupong ito na “HR Groups” (Human Rights Groups). Masaya at mabungang mga panahon iyon. Madalas na nagkikita-kita ang mga HR Groups sa opisina ng CHR sa imbitasyon ni Chair Gascon para talakayin ang iba’t ibang kaganapang may kinalaman sa karapatang pantao sa Pilipinas. 


Maraming salamat kay Chairperson Gascon, merong pagdadaluhan ng mga pulong at pagdiriwang ng mga HR Groups. Nahinto ang lahat ng ito noong Oktubre 9, 2021 sa napakaagang pagkamatay ni Chair Gascon. Siya ay 57 taong gulang nang mamatay.

Noong nakaraang Miyerkules, nagtipun-tipon ang mga kaibigan ni Chair Gascon sa simbahan ng Peter and Paul sa Timog para mag-alay ng misa at ipagdiwang ang buhay at alaala niya. Sayang at hindi ako nakadalo dahil sa taunang “retreat” ng mga kaparian ng Diyosesis ng Cubao. 


Sa nagdaang dalawang anibersaryo ng kamatayan ni Chair Gascon, tayo ang nagdiwang ng naturang misa. Laging dumadalo ang mga nakasama niya sa pakikipaglaban sa diktaduryang Marcos mula noong dekada 70 hanggang sa mabilisang paglikas ng buong pamilyang Marcos noong Pebrero 25, 1986.


Kung babalikan ang buhay ni Chair Gascon, madaling makikita kung bakit ganoon na lang ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa karapatang pantao. 


Nakilala natin si Chair Gascon taong 1982 noong nag-aaral ito ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Makulay at makasaysayan ang taong iyon dahil sa kauna-unahang pagkakataon nanalo si Chair Gascon bilang pangulo ng Student Council ng UP Diliman. Hindi kasama si Chair Gascon sa mga malalakas na grupo ng mga estudyanteng nakahanay sa mga progresibong samahan ng mga mag-aaral ng UP. 


Binuo nina Chair Gascon at mga kasama ang Nagkakaisang Tugon upang labanan ang mga malalakas na grupong progresibo sa UP. Miyembro si Chair Gascon at mga kasama sa UP Student Catholic Action. Nagulat ang mga kasama ni Chair Gascon sa pagkapanalo niya sa eleksyon noong taong iyon.  Humanga rin sa pagkapanalo ni Chair Gascon ang mga estudyanteng kanyang katunggali. Mula noon hanggang ngayon, kung siya’y nabubuhay, tuloy pa rin ang masiglang pagsulong ng mga programa para sa karapatang pantao sa CHR. 


Walang panahon na hindi isinulong ni Chair Gascon ang karapatang pantao. Kaya isa sa kilalang kasabihang lumalabas sa bibig ni Chair Gascon ay, “Keep pounding on the rock until it breaks!” Ito ang paulit-ulit ding ginagamit ng kaeskwela niyang si Chuck Crisanto sa pagsulong nito ng Martial Law Museum sa loob ng UP Diliman Campus.


Saan nanggagaling ang matibay na pananagutan, sing tibay ng bato na isulong ang karapatang pantao ni Chair Gascon? Mahigit nang 42 taon nating nakikilala si Chair Gascon, kung saan nakilala natin siya noong 1982 nang naglingkod tayo bilang katulong na pari ni Msgr. Manny Gabriel sa UP Diliman. Tumulong tayo sa pagtataguyod ng UP Student Catholic Action o UPSCA. Doon natin nakita ang pundasyon ng pananaw, paninindigan at pagkatao ni Chair Gascon. 


Merong apat na elemento ang humubog kay Chair Gascon. Una, ang kanyang pananampalataya. Laging nagtatanong siya sa atin hinggil sa pananampalataya. Regular siyang nangungumpisal upang panatilihing matibay ang kanyang kaugnayan sa Panginoong Hesu-Kristo. Pangalawa, ang kanyang pagmamahal sa Inang Bayan na kanyang pinanday sa tunay na makabayang kapaligiran ng UP Diliman. Pangatlo, ang kanyang pagiging kaibigan at bukas sa lahat. Bagama’t nilabanan niya ang hindi niya ka-kulay, kapareho sa pananaw at ideolohiya, mahinahon at magalang siya sa mga katunggali at sa lahat. Pang-apat, napakahusay niyang magsalita, magtalumpati, magpaliwanag. Ang salita ay ang kanyang sandata sa pamamahayag ng katotohanan at paninindigan na humihikayat at bumubuo ng puwersa ng pagkakaisa. Sa kanyang buong buhay hanggang sa huling sandali nito, naririyan ang tinig ni Chair Gascon na handang mamamahayag, lumaban at magsulong sa kanyang pananaw at paninindigan.


Hindi nagbago si CHR Chair Chito Gascon. Maraming mga nagsimulang aktibista ngunit naging “praktikal,” at tila pinagpalit ang pananaw at paninindigan sa magandang puwesto, magandang sahod sa pamahalaan o saan man. Napakaraming nagbago, na meron pang kumampi at naglingkod sa gobyerno sa ilalim ng kinakalaban. 

Kabaliktaran na ang bukambibig, taliwas sa dating pananaw at paninindigan. Sila ang mga naging mamamayang “weather-weather” lang. 


Salamat sa paalala Chair Gascon na ang pananalig sa Diyos, pagmamahal sa bayan, mabuting pakikitungo sa lahat, at ang matibay at tuluy-tuloy na pamamahayag ay tunay ngang “all weather,” ulan o araw man, magulo o mahinahon man, masalimuot o mahirap man at iba pa ang buhay. Salamat sa iyong halimbawa ng buhay na walang tigil at walang sawa ang pagpukpok sa bato.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page