top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 22, 2025



Fr. Robert Reyes


Kaaalis lang noong isang araw ng mga kinatawan ng Ministry ng mga Pamilyang Migrante ng Diyosesis ng Cubao. Nagtungo ng Taipei, Taiwan ang naturang grupo upang makipagtagpo at makipag-usap sa mga kinatawan ng pamilyang OFW na naghahanapbuhay sa Taiwan. Ginagawa nila ito upang patatagin ang programa ng Ministry ng mga Migranteng Pamilya ng Diyosesis ng Cubao. Bakit merong ganitong programa ang Diyosesis ng Cubao?


Hindi lang ang Diyosesis ng Cubao ang merong programa para sa mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya. Ang buong Simbahang Katoliko at lahat ng mga Simbahang Kristiyano at mga iba’t ibang sekta at grupo ang matagal nang bumuo at nagpapatakbo ng ganitong programa dahil sa laganap ang sitwasyon ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo. 


Marami ang mga dahilan ng paglaganap ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo? Merong dalawang malinaw at pangunahing dahilan. Una, ang positibong hatak ng pandaigdigang ekonomiya o ng globalisasyon. Pangalawa, ang kahirapan na bunga ng mga mali o ‘di makatarungang polisiyang pang-ekonomiya ng iba’t ibang bansa.


Dahil sa una, bukas na ang mundo ng paggawa sa maski na sino. Sa bawat bansa merong dalawang uri ng manggagawang Pilipino, ang “skilled” o manual at ang mga propesyonal. Malaking tulong sa pamilya ang makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit marami ring mabibigat na hamon ang kakaharapin ng mga ito. Tingnan natin ang istorya ni Joey sa Hong Kong.


“Wala na si Joey,” ang dumating na pagbati sa akin ng isang OFW na nakasama natin sa Hong Kong noong 2007. Isang OFW si Joey na dumating sa Hong Kong sa mga huling taon ng dekada 90. Malakas at mahusay kumita si Joey, kasama ng iba pang mga propesyonal na lalaking OFW. At noong mga panahong iyon nakilala niya ang kanyang magandang asawa na si Aida. Nagligawan, nag-asawa at nagsimula ng kanilang munting pamilya ang dalawa sa Hong Kong.  


Sa madalas nating pagdalaw sa mga madreng Poor Clares sa isla ng Lamma, nakilala natin sina Joey, Aida at ang kanilang tatlong anak. 2007 noon at kararating ko pa lang sa Hong Kong.  Madalas akong dumalaw sa mga kaibigang madre sa Lamma Island. Ang mga madreng Klarise (Poor Clares, mga anak ni Santa Klara) ang nagpakilala sa akin sa mag-asawa at kanilang mga anak. Ngunit iba na ang kalagayan ni Joey noong nagkakilala kami. Meron na itong sakit sa bato at kailangan na niya ang panghabangbuhay na gamutan sa pamamagitan ng “peritoneal dialysis.” Mabuti na lang at mahusay ang Universal Health Care Program ng Hong Kong. Libre ang mga gamot at mababa ang singil sa anumang operasyon o treatment sa mga pampublikong ospital.


Dahil dito, tumagal ang mga iba’t ibang gamutan kay Joey. 


Mula 2007 hanggang 2014: peritoneal dialysis; 2014 hanggang 2018: hemodialysis; 2018: kidney transplant na nagpahaba ng kanyang buhay hanggang ika-17 ng Marso 2025.


Naging regular na pasyalan at tagpuan ng ilang mga kababayang OFW ang maliliit ngunit magandang tahanan nina Joey at Aida sa Lamma Island. Naging mahalagang bahagi ang mga palitan ng opinyon at kuwentuhan sa kanilang tahanan sa pagbuo ng Buhay Ka, isang Cancer-Support Group sa Hong Kong. 


Salamat sa Universal Health Care Program ng Hong Kong tumagal ang buhay ni Joey. At dahil permanent resident na sina Joey at Aida, tuluy-tuloy ang tulong ng pamahalaang Hong Kong sa kanila. Pero sa mga karaniwang OFW na ang karamihan ay babaeng domestic helpers, bukod ang hindi ganoon kalaki ang sahod. Hindi nila maaasahan ang permanenteng suporta at tulong ng pamahalaan. Kapag sila ay nagkasakit at na-terminate o natanggal sila sa trabaho kailangan nilang makakita ng bagong trabaho, bagong amo sa loob ng dalawang linggo at kung hindi, sila ay sapilitang mapapauwi ng pamahalaan. 


Isa ito sa mahalagang dahilan sa pagbuo namin ng Buhay Ka Hong Kong. Ibang laban na kapag merong malubhang sakit ang OFW sa Hong Kong o sa ibang bansa. Depende sa batas ng mga host countries, ang pananatili ng mga migranteng manggagawa sa kanilang trabaho. Kapag may kanser ang OFW sa Hong Kong malaki ang papel ng employer. Merong ilang hindi ite-terminate ang kanilang kasambahay na OFW. Merong magte-terminate naman sa mga ito kaagad. 


Kung may kanser at terminated, hindi ganoon kadaling makahanap ng trabaho. Maghahanap pa ng pansamantalang matitirhan sa mga shelter ng mga simbahan at NGO o sa mga kaibigang merong uupahang “flat.”


Matagal na nagtulungan ang mga kasapi ng Buhay Ka. Sa mga panahong iyon, malaki ang tulong nina Aida at Dyogi sa ating mga OFW na kasambahay. 

Mahabang paglalakbay at pakikibaka sa karamdaman ang pinagdaanan ni Joey.Tumagal ito ng 21 taon mula 2014 hanggang 2025.



Kuwento ito ng isang buhay ng ating mga OFW. Maraming iba’t ibang kuwento pa ang kailangan nating marinig upang maunawaan ang makulay, mahirap at mapaghamon na buhay ng ating mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya.


Salamat sa kanilang pananampalataya sa Diyos, sa pagmamahalan ng mag-sawang Aida at Joey, sampu ng kanilang mga anak, sa pagtutulungan at pagdadamayan ng mga kapwa OFW sa Hong Kong, nanaig ang pag-asa at pagsisikap tungo sa buhay na marangal at makabuluhan sa kabila ng mabibigat na banta, balakid at hamon.

Taos-pusong pakikiramay kay Aida.  Paalam Joey at mabuhay ka!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Mabilis, nakakagulat at sadyang bumulabog sa lahat ang mga pangyayari sa mga nagdaang mga araw. Maraming natuwa, marami ring nagalit, maraming nabuhayan ng pag-asa, maraming dinapuan ng galit at pagnanasang maghiganti. 


Dumagsa ang mga reklamo at nauwi pa sa legal na demanda. Nagkaroon din ng sari-saring pagkilos mula mga rally sa maraming bansa at sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Maraming nagsabi at nagtanong kung ganito na nga ba talaga tayong mga Pinoy, hating-hati at magulung-magulo?


Ang sabi ng isang panig: “Hindi sinunod ang ‘due process, kinidnap nila ang pangulo’; hindi nila ibinigay at iginalang ang kanyang mga karapatang pantao, matanda na at may sakit na siya ngunit hindi nila pinayagang pumunta muna sa ospital; pinabayaan nilang yurakan ng ibang bansa ang ating soberanya, puwede namang dito na litisin ang sinuman dahil maayos at gumagana naman ang ating sistema ng katarungan, gayundin ang ating mga korte.”

 

Ang sabi ng pangalawang panig: “Ngayon kayo ang nagrereklamo na hindi kinikilala ang inyong mga karapatang pantao at hindi sinusunod ang ‘due process’ samantalang noong nasa poder kayo, libu-libo ang inyong ‘napatay’ at nagpasyang ubusin sila hanggang mawala ang salot ng droga; ngayon ninyo ginagamit ang panghihimasok ng ibang bansa sa ating soberanya samantalang noong panahon ng inyong panunungkulan pinayagan ninyong pumasok at magtayo ng mga konkretong istraktura sa ating mga karagatan.”


Dalawang pananaw o opinyon lang ba ang ating naririnig at nababasa mula sa dalawang panig? Nasaan ba ang katotohanan? Ano ba talaga ang tunay na nangyari?

Hindi ba’t talaga namang dumanak ang dugo ng maliliit at mahihina na “binantaang ipis na dapat lipulin” dahil bahagi ang mga ito ng salot ng droga? Hindi ba’t libu-libong biyuda at ulila ang naiwanang wala nang ama, kuya, pati na bunso, kaibigan, kaeskwela, kapitbahay? At maraming testigong nangahas mamahayag na ang ating kapulisan pa ang nangunguna sa pagpaslang umano kasabwat ang kanilang mga ‘assets’ at pare-pareho silang nagkubli sa kani-kanilang mga bonnet at helmet?!


Pumangit, humirap, naging lubhang mapanganib ang ating kapaligiran noon. Delikadong magsalita at magtanggol sa mga biktima ng karahasan at inhustisya na saklaw ng salitang kilala sa tatlong titik na EJK o extra judicial killing. Ang hindi makatarunga’t walang ‘due process’ na pagpatay, hindi ng mga may sala kundi ng kung sinu-sinong nasa listahang pinaghihinalaang ‘ipis,’ na bahagi ng salot ng droga. Kasabay nito ang pagsilang ng mataba’t masibang sektor na kilala sa pagkakalat ng mga nakakasirang kuwentong hindi totoo, na laban sa mga kaaway ng pinuno ng giyera laban sa droga at pabor na pabor naman sa pinuno at sa kanyang mga kampon. Kay pangit ng kapaligirang pisikal at sosyal at maituturing na higit na pangit ang mundo ng social media.


Nang umalis ang eroplanong lulan ang dating pangulo, tila merong kakaibang damdaming lumalaganap. Hindi man lubos na ‘gumagana’ at sing tino ang sistema ng katarungan dito sa atin, meron pa rin sa ibang sulok ng daigdig na maayos, matino at gumaganang batas, ang ‘rule of law’ na hindi kontrolado ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya tulad ng sa Pilipinas. 


Hindi lahat madilim at pangit, meron pa ring sirit, pilantik, munting ilaw ng pag-asang galing hindi lang sa labas kundi sa loob din ng ating bansa. Doon sa kalalim-laliman ng bawat tao at Pilipino nananahan ang kagandahan at kabutihan na umiiral at hindi mamamatay o papayag na mamatay dahil likas na bahagi ito ng ating pagkatao at pagka-Pilipino.


“Napakapangit ng ating bansa (sabay mura ng PI),” ganito ang binitiwang salita ng bise presidenteng anak ng dating pangulo. Ganoon ang kanyang nakasanayan at ganoon din ang kanyang karanasan dahil ganoon siya.


Ngunit merong ibang pananaw at pag-uugaling hindi marahas dahil hindi makasarili. Naniniwala sa iwi at likas na kabutihang nagtatago sa loob ng bawat tao. 


Ito na rin marahil ang puwersa ng pagbabago na pinagmulan ng mga pangyayari sa nagdaang mga araw. Merong mas maganda, mas maunlad, mas mapayapa’t ligtas na mundo, at ito ang malalim na inaasam-asam ng bawat isa. Ito ang itinanim ng Diyos sa puso ng lahat ng Kanyang nilikha. Ito ang pinagmumulan ng pag-asa!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 15, 2025



Fr. Robert Reyes


“Napakasama ng lahing ito!” Ito ang mga salita ni Hesus sa ebanghelyo (Lukas 11:29-32) noong nakaraang Miyerkules. Ito rin ang ebanghelyong ginamit namin sa misa sa EDSA Shrine bilang, “pagsuporta sa ICC at rule of law, at pakikiisa sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.”


Dinaluhan ng ilang mga lider at personalidad ang misang mabilisang inorganisa at inalay makaraang ihain ang ICC warrant of arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang paghatid dito sa mismong araw na iyon sa headquarters ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Ang mga sumusunod na pahayag ay hango sa ating omeliya sa naturang misa:                  


“Napakasama ng lahing ito!” Mabibigat na salitang binitiwan ni Kristo tungkol sa mga Israelita. Bakit Niya tinawag silang napakasama? At ano ang ibig Niyang sabihin sa, “Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas.”


“Napakasama” dahil sa kabila ng mga sinasabi at ginagawa ni Kristo nahihirapang maniwala sa kanya ang mga tao at hingi nang hingi ng palatandaan mula sa langit.


Hingi nang hingi pa rin sa Kanya ng kung anu-ano. Hingi nang hingi ng kung anu-anong ayuda at pabor para mapaniwala lang sila. Ano ang nangyari sa loob ng 29 na taon pagkaraan ng pitong presidente (Cory-FVR-ERAP-GMA-PNoy-Duterte-BBM)? Anong nangyari sa nakaraang walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM?


Hindi ba’t hingi pa rin tayo nang hingi ng mga palatandaan mula sa langit at ng kung anu-ano? Nasanay na tayo ng kahihingi at tinamad na tayong gumawa, magsikap, magsakripisyo, magtaya, lumaban at manalangin para sa pagbabago. 


Mula EDSA I hanggang ngayon. Mula kay Duterte hanggang kay BBM, nanghina at halos mawala ang pananagutan, ang commitment ng marami. Maraming natuwa sa pulitika at sa mga pabuya at pribilehiyo nito. At napakaraming nagkasya na lang sa mga ilusyon ng walang hanggang pangako ng mga pulitiko at sa panandaliang kaligayahan ng ayuda.


Dumami ang mga trapo, nanganak at lumaganap ang mga dinastiya. Lumakas at tumatag ang paternalism, ang kultura ng ayuda na pinaiiral ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya. Hindi ba’t kung anu-ano ang ipinangako ni Duterte, tulad ng, “mawawala ang trapiko sa EDSA sa loob ng anim na buwan at mawawala sa Pilipinas ang droga na pangunahing salot ng ating lipunan? At mula simula hanggang katapusan ng kanyang anim na taon, sumigaw at naghamon si FPRRD ng, “Kill, Kill, Kill!” At ang nakakapangilabot, nakakatindig balahibo, sumabay ang marami sa kanya sa pagsigaw din ng “Kill, Kill, Kill”. 


Sa loob ng anim na taon at halos tatlong taon rito ay panahon ng pandemya, lumakas at yumaman ang kanyang pamilya at ang pamilya ng mga malalapit niyang kasosya at kaibigan.


Samantalang dumami ang naniwala kay Duterte, tumahimik at natakot ang marami sa paglaganap at paghahari ng takot at karahasan (reign of terror and violence). 


Nakatulong ang pandemya na kinatakutan ng lahat at kasabay nito, nagpatuloy pa rin ang extrajudicial killings. Subalit, sa gitna ng pagsigaw ng kill, kill, kill ng mga kakampi niya at pananahimik ng marami, merong mga grupo at indibidwal na hindi tumigil sa pamamahayag at pagkilos laban sa kultura ng pagpatay. 


Habang isinisigaw ang ‘kill, kill, kill,’ tuloy ang pagkilos para ipagtanggol ang buhay, live, live, live. Inalagaan ng ilan ang mga biyuda at ulila ng EJK. Nagsalita at walang sawa o takot ang ilan laban sa kultura ng pagpatay, laban sa sinasabing presidenteng ‘nagpapapatay’. Hindi nawala, hindi nagsawa, hindi nanghina ang kanilang pananagutan!


Dumami ang mga trolls. Naging hanapbuhay ang pagpapalaganap ng kasinungalingan at fake news. Naging trabaho ang pagpatay hindi lang ng tao kundi ng katotohanan. 


Maraming natuwa at patuloy na natutuwa sa mga upload ng trolls sa TikTok, Instagram, YouTube, messenger at FB. Bumabaw at nawala ang kritikal na pag-iisip. Napalitan ito ng nakaka-entertain, nakakatawa ngunit hindi totoo. Nadagdagan ang kultura ng ‘kill, kill, kill’ at lie, lie, lie.


Humihingi sila ng palatandaan ngunit walang ibibigay sa kanila kundi ang palatandaan ng naranasan ni Jonas. Nilulon at nanatili sa tiyan ng balyena si Jonas. Bakit? Dahil naduwag siya. At hindi niya sinunod ang inuutos sa kanya ng Panginoon. Nanghina, nawalan siya ng pananagutan dahil sa kanyang takot. Ngunit sa loob ng balyena sa loob ng tatlong araw ng kadiliman, gutom at uhaw natauhan siya. Iniluwa siya ng balyena noong handa na siya. Hindi na siya takot. Hindi na siya bulag, pipi at bingi.


Nagtungo siya sa Niniveh at nangaral. Nakinig ang hari at inutusan ng hari ang lahat na mag-ayuno, magsuot ng sako at magbudbod ng abo sa sarili: tao at hayop. Nagbalik-loob sila sa Diyos at tinalikuran ang kanilang mga diyos-diyosan. 


Nasa 39 taon mula EDSA hanggang ngayon, maraming naging bulag, pipi at bingi, nawalan ng pananagutan. Walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM ay gayon din. Ngunit, namunga na ang pagsisikap ng ilan na huwag matakot, magsawa, manghina sa pamamahayag at paglaban para sa tama at totoo. 


Salamat sa mga sumigaw at lumaban para sa buhay, buhay, buhay. Namunga ang kanilang pagsasakripisyo, pagtataya at pag-aalay ng sarili.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page