top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 30, 2025



Fr. Robert Reyes


Kung may simula, may katapusan. Kung may buhay, may kamatayan. Ito ang isinasaad ng bawat kaarawan. Matatapos at matatapos ang maganda’t dakilang buhay na ito. Sa kabila ng ating pagkukuwari at sari-saring pagbabalatkayo na pilit nating itinatago ang totoo sa iba, hindi natin ito magagawang lubos sa ating sarili. Unti-unting darating ang mga hudyat ng katapusan na hindi natin mapipigilan. 


Para sa atin, ilusyon ang kayamanan at kapangyarihan. Walang forever ang kapangyarihan. Gustuhin man ang maging diktador habang buhay, may mangyayari’t mawawala sa’yo ang pinakamimithing kapangyarihan. At maski na hawahin ang iyong mga tagasunod, ang masang sinasamba ka, panahon lang ang kailangan upang matauhan sila’t maunawaan ang ilusyong minana nila sa inyo na unti-unti ring maglalaho.


Matagumpay mang nakabalik sa kapangyarihan ang pamilyang halos 40 taon nang napalayas ng mapayapang rebolusyong nakilalang People Power, hanggang kailan pa mahahawakan ang kapangyarihan at kayamanang tila dati pa nilang ninakaw? 

Pare-parehong naghahanap na ang magkatunggaling pamilya ng kani-kanilang mga kaaway. 


Kung sabagay, hindi ba dapat alam ng dalawang nagtutunggaliang pamilya na mas mainam na magkampihan sila’t maging isang team tulad ng pinatingkad nilang UniTeam? Ngunit para saan ba talaga ang binuo nilang team kung pare-pareho namang makitid ang kanilang mga hinahangad at ipinaglalaban. At nasaan na ang magaling na UniTeam na kanilang binuo?


Mahirap talagang bumuo ng team kung ang hangarin ay maitim at taliwas sa diwa at espiritu ng banal na buhay ng Diyos na sa sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto ay mababasa:


“Walang sinumang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Dahil kung nabuhay tayo para sa Panginoon, sa Panginoon tayo. Kung mamatay o mabuhay tayo, sa Panginoon tayo.” (Roma 14:7-9, 10-12)


Para kanino ba ang dalawang nagtutunggaling pamilya? Para kanino ba ang mga kaalyado nila? Para sa kapwa, sa bayan ba sila o tulad ng marami nang nauna at darating pa, pansariling interes pa rin ang pinakamahalaga, wala nang iba.


Nag-birthday noong nakaraang Biyernes ang tinatawag nilang “Tatay.” Kung saan-saang sulok ng kapuluan at daigdig, ipinadama ng mga sumusuporta’t naniniwala sa kanya ang kanilang pagmamahal sa kanilang “Tatay,” ngunit natitiyak ba nilang ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanila? 


Anong ama kaya ang magsisinungaling at magtataksil sa kanyang mga anak? Anong ama na sa gitna ng nakamamatay na pandemya, nakuha pang maghanapbuhay at pagkakitaan ang matinding takot at kalituhan ng kanyang mga kababayan sa gitna ng mapanganib na banta ng pandemya?


Kitang-kita sa dalawang panig ang sariling diyos-diyosan at diyos-diyosang makasarili. Kitang-kita kung paano nagnakaw at kumitil ng buhay ang dati pati ngayon. At habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng isa, pikit-matang itinatanggi kung paanong namunga ng kamatayan ang kanyang maraming kaarawan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 29, 2025



Fr. Robert Reyes


Pumasok na tayo sa ikatlong linggo ng Kuwaresma. Umiigting na ang alitan ng mabuti at masama, ng Diyos at demonyo sa mga pagbasa. 


Kitang-kita ang mapanirang epekto ng kasamaan sa tao. Sinisira nito ang tao mula sa loob hanggang sa labas, mula sa ulo hanggang sa talampakan, mula sa isip hanggang sa puso at sa kasuluk-sulukan ng kaluluwa. Hindi lang iba kumilos kundi iba na ring mag-isip, dumama, mangarap at magplano ang nakuha at lubos nang nasilo ng kasamaan. At nalalantad ito sa mga taong walang makitang mabuti sa anumang ginagawa ni Hesus. 


Sa Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes, nagpagaling si Kristo ng isang pipi at mabilis na naghusga ang ilan, “Nagpapagaling siya sa kapangyarihan ni Beelzebul (Prinsipe ng mga demonyo)!” Ngunit mabilis na nabasa ni Kristo ang isip ng mga nanghuhusga sa kanya kaya’t nasabi nito, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon.” Paano nga bang gagamitin ni Hesus ang kapangyarihan ng demonyo laban mismo sa demonyo?


Ganito nga ba ang ginagawa ng demonyo? Kumikilos siya laban sa kanyang sarili at laban sa kanyang kaharian? Malinaw na hindi. Hindi nagpapahina at nagpapatalo ang demonyo. Masipag itong nagpapalakas at nagpaparami ng kanyang mga kampon.

Kaya’t tuloy na sinabi ni Hesus, “Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian?” (Lucas 11:14-20)

Kung buo ang puwersa ng kadiliman, ng kasamaan, ni Satanas, higit na buo ang puwersa ng mabuti, ang puwersa ng Diyos.


Maraming nadadala ng puwersa ng kadiliman na sa halip na seryosohin ang demonyo at ang pinalalaganap nitong kasamaan, itinuturing pang biro o joke ito. Kaya noong Mayo 1, 2022 sa kampanya ng mga Cayetano sa Taguig, sinabi ng dating pangulo, “Pupunta at sa impiyerno, at isasama ko kayong lahat at aagawin ko ang trono ni Satanas.” 

Siyempre nagtawanan ang maraming nasa paligid niya. Biro lang, tiyak na ‘joke’ lang ang sinabi ng dating pangulo dahil mahilig naman talagang magbiro ito tulad ng mga sinabi niya tungkol sa Santo Papa at sa Diyos ng mga Katoliko.


Subalit tuluy-tuloy ang pagbibiro at pagbabalewala sa kasamaan, sa impiyerno at sa demonyo. Tuluyan na bang nababalewala ang kasamaan at ang bunga nito sa lipunan at mundo?


Naalala natin ang sinabi ng dalawang kilalang manunulat. Ayon kay Dante Aleghieri, “Ang pinakamainit na bahagi ng impiyerno ay nakalaan sa mga tao na walang ginawa sa

 

panahon ng matinding krisis ng moralidad.” Ito naman ang sinabi ni Hannah Arendt noong sinaksihan niya ang paglilitis kay Adolf Eichmann ang arkitekto ng “Holocaust” o ng paglipol sa mga Hudyo na utos ni Adolf Hitler:“Ang kasamaan sa modernong mundo ay hindi isinasagawa ng mga halimaw at mga makapangyarihang tao. Ginagawa ito ng mga mahilig at madaling sumali (joiners). Nagmumula ang kasamaan sa mga taong mapaghanap at mapaghangad ngunit walang sinusunod na anumang mataas na pamantayang moral. Buong-buong ibinibigay ng mga ito ang sarili sa kung anu-anong kilusan.”


Mapanganib ang dalawang uri ng tao, ang walang pakialam at ang mga walang prinsipyo at paninindigan. Idagdag na rin natin ang problema ng mga mahina at walang konsensya kaya’t hindi na nila nakikita, nararamdaman at nakikilatis ang kasamaan kapag ito ay mismong nagaganap sa harapan nila.


Isang malinaw na epekto ng kasamaan ay ang dibisyon, pagkakahati-hati ng mga grupo, pamilya, pamayanan at lipunan. 


Tingnan natin ang naturingang UniTeam. Nasaan na ito? Tingnan din natin ang magkapatid na Marcos. Nasaan na ang dalawa? Tingnan natin ang ating lipunan ngayon. Biro o joke ba ang pagkakahati-hati, siraan, silipan at walang sawang intrigahan ng mga grupo, sekta, pamayanan, sektor na bumubuo sa ating lipunan?

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 23, 2025



Fr. Robert Reyes

Sa hinaba-haba ng naging karanasan natin sa masasabing sistema ng katarungan sa ating bansa, matagal nang nabuo ang hindi magandang larawan tungkol dito. 

Labas-pasok na tayo sa mga korte upang samahan ang iba’t ibang mga biktima ng inhustisya, karamihan pa nga’y biktima ng karahasan at pagpatay tulad ng mga biktima ng “Ampatuan Massacre”; ang pitong binitay sa pamamagitan ng lethal injection noong panahon ni Pangulong Erap Estrada; ang maingat na plinanong pagpatay kay Dok Gerry Ortega sa Puerto Princesa Palawan; ang 12 parokyano ng naging biktima ng extra judicial killings sa dating parokya natin sa Barangay Pinyahan, Quezon City noong buong taon ng 2020 (taon ng COVID-19 pandemic) at marami pang hindi na natin kailangang banggitin pa. 


Isama rin natin ang mga sari-saring kaso na ibinintang sa akin na naging dahilan ng aking pagkakakulong mula sa kasong libelo na inihain ng mag-amang Enrile (Johnny at Jacky) laban sa akin taong 2000; ang kasong “sedition” na inihain laban sa akin ng isang kaibigan ng Korte Suprema nang sinamahan ko si Lauro Vizconde sa harap ng SC dahil sa pagpapalaya at pagpapawalang-bisa ng kaso ni Hubert Webb; at ang kasong “rebelyon” na inihain ng pamahalaan sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo nang napasama tayo sa Manila Pen Siege noong Nobyembre 2007. Naroroon na naman ang kasong “sedition” na inihain laban sa akin at iba pang pari, mga obispo at iba’t ibang sibilyan na isinampa laban sa amin ni “Bicoy” noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ano ang masasabi natin sa mga naging karanasan natin sa pamamalakad ng mga korte sa mga nabanggit na kaso? Paulit-ulit na lumulutang ang mga salitang mabagal, pinilit, manipulado, may bahid-pulitika at maraming perang sangkot, napakahina ng “due process”, napakadaling ‘kulayan at baluktutin’ ang kaso sa media at dagdag pa ngayon ang fake news, ang libu-libong bayarang trolls na gamay na gamay ang paggamit sa social media.


Bakit natin ito kailangang ilabas sa pagkakataong ito? Dahil na rin sa maingay na naratibo o kuwento na ikinakalat laban sa pag-aresto at mabilisang paghatid sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) headquarters sa The Hague, Netherlands. Heto ang mga sumusunod na binibitawang salita:  


“Walang warrant of arrest at kung meron man walang “jurisdiction” sa ating bansa ang korte, ang ICC na naghain ng warrant of arrest.”

“Meron naman tayong mga gumagana at magagaling na korte sa ating bansa kaya’t bakit hindi na lang dito litisin ang dating pangulo?”

“Marahas, hindi ayon sa batas at sa “due process” ang pag-aresto sa isang matandang tao sa katauhan ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.”

“Kung kailangang litisin bakit hindi na lang dito kung saan merong gumaganang mga korte ng batas?


Nakalimutan ba ng mga nag-iingay ngayon ang matagal nang problema sa ating sistema ng katarungan? Hindi ba nila narinig ang madalas ding banggitin na sanhi ng kahinaan ng ating sistema ng katarungan? Sabi ng marami sa wikang Ingles, “In the Philippine experience of justice in the various courts of law, it is not what you know but who you know that matters.”


Nakalimutan ba nila kung paano tumakbo ang sistema ng katarungan sa ilalim ng administrasyon ng dating pangulo? Kung paanong batas ang extra judicial killing, na tila hindi batas kundi paglabag sa batas at sa “due process.”


Ganu’n kahina ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Maski na sa tinatawag na Korte Suprema ang pinakamataas na korte sa ating bansa, na dapat kinikilala ng lahat mula karaniwang mamamayan hanggang sa pinakamakapangyarihang pangulo ng bansa. Subalit, tila hindi ganu’n ka-suprema o kataas ang pinakamataas na korte ng bansa. 


Sa kasalukuyang usapin, ipagpalagay nating hindi natuloy ang paghatid kay dating Pangulong Duterte, ano kaya ang mga maaaring mangyari? Hindi na natin kailangang ilatag ang lahat ng mga posibleng scenario dahil hindi nailipad sa The Hague ang dating pangulo.


Isang scenario, isang posibilidad lang ang puwedeng mangyari. Hindi nailipad sa ICC, sa The Hague, Netherlands ang dating Pangulong Duterte. Inilitis dito sa isang korte, maaaring sa Maynila o sa Davao. Habang nililitis ang dating pangulo, nagkakagulo sa mga kalye at sa social media. Maririnig paulit-ulit ang sigaw ng mga sumusuporta, “Duterte, Duterte, Duterte. Matanda na’t walang kasalanan. Palayain, palayain, palayain.” Maaaring madali lang, hindi matagal, matatapos ang paglilitis sa korte para sa dating pangulo. At hulaan ninyo kung ano ang magiging hatol ng korte?


Ngunit hindi ganito ang nangyari. Ang ICC, isang matatag na korte ang lilitis sa kanya. Libong testigo ang handang magsalita at humarap sa korte laban sa kanya. Salamat na lang at hindi lahat ng korte ay mahina. Salamat na lang at hindi lahat ng mamamayan ay takot at nananahimik. Ito na mismo ang mga salitang siya ang nagsabi noong 2016, “Change is coming!”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page