ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 14, 2021
Noong muling nagbalik ang “lockdown” sa National Capital Region mula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto, 2021, hindi na nagulat ang karamihan dahil sa naranasang unang lockdown last year. Madaling sumunod ang karamihan sa mga institusyon, kasama na ang mga simbahan. Maraming simbahan ang tuluyan nang isinara ang kanilang pintuan at hindi na nagpapasok ng mga parukyano, kung saan online mass ang naging sentro ng lahat ng mga pagdiriwang ng simbahan. Wala nang ibang pagtitipong nagaganap kundi ang naturang virtual o digital experience ng banal na misa. Subalit, hindi kasama sa pinagbabawal ang pag-iikot sa kabahayan upang dalawin ang mga may sakit, matatanda at may kapansanan.
Ganun kahalaga ang pagbaba, pag-iikot at pagdalaw ng pari sa kanilang mga parukyano. Kung mawawala ang mga gawaing ito, at tuluyan na ring magsara ng simbahan at kumbento dala ng malubhang pag-iingat, tuluyan na ring mawawalan ng koneksiyon ang nakararami sa kanilang simbahan. At kung merong sektor na higit na may kaugnayan sa kanilang simbahan, ito na ang sektor ng mga may edad na at umu-edad. At kung meron ding napakalaking nagawa para sa simbahan, ito na ang sektor ng matanda at tumatandang parukyano. Kaya’t nararapat lang na pagtuunan ng partikular at espesyal na atensiyon ang mga “elderly” o “senior”.
Dahil dito merong kambal na obligasyon kaming mga pari, pastor at imam. Kailangang alagaan at alalayan ang sektor ng matanda at kasabay nito ay ang sektor ng kabataan.
Ngunit, paano ito gagawin ngayong panahon ng pandemya, panahon ng pabalik-balik na lockdown, ngayong kakaunti ang dami ng nagsisimba o nangangahas ng lumabas ng kanilang bahay upang pumasok ng simbahan.
Napakaraming nagkakasakit at namamatay sa sektor ng matatanda. Hindi tayo makapamili o makahindi kapag nakiusap na ang pamilya ng yumaong matanda na basbasan at misahan ang kanilang magulang. Kung obligasyon naming sadyain ang mga tahanan ng nasawing matatanda, higit na makabuluhan na dalawin, basbasan, pakomunyunin at bigyan ng kaunting ayuda ang buhay pa at lumalaban na matatanda at tumatanda. At ganon na lang ang kapansin-pansing galak ng matatanda, “Salamat na hindi ninyo kami nakalimutan. Binigyan pa ninyo kami ng pagkain, bakuna, gamot, bitamina at iba pa.”
Ito ang tunay at matinding hamon ng pandemya: hanapin, dalawin, kilalanin at pagpahalagahan ang napakahalagang sektor na ito, bago mahuli at pagsisihan na lang natin ang lahat.