ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 28, 2021
Kaarawan ni Sen. Leila de Lima kahapon. Magandang okasyon ito upang pasalamatan at pagpugayan ang magiting na lider na naging inspirasyon at pinaghuhugutan ng lakas ng marami. Mahirap, masakit at tunay na nakagagalit ang patuloy na inhustisya ng pagkulong sa taong inosente. Sa kaarawan niya, nararapat lang ulit-ulitin ang panawagang: Wakasan ang inhustisya!
Isa sa mahahalagang institusyon ng demokrasya ay ang sistema ng katarungan. Sa anumang mahalagang katanungan na nangangailangan ng pinakamatibay at pinakamataas na kasagutan, tayo ay umaasa sa Korte Suprema. Nasaan na, kumusta ito? Wala pang isang taon sa puwesto ang pangulo, mabilis kumilos ang iba’t ibang sangay ng gobyerno para idiin ang senadora.
Hanggang ngayon, sa kabila ng kawalan ng ebidensiya, iginigiit pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang pagkakasangkot ng senadora sa ilegal na droga.
Noong Hunyo, 2018 ay umapela ang senadora sa Korte Suprema, na suriin ang kanyang pagkakakulong batay sa mga alegasyong sangkot siya sa ilegal na droga. Tanging si Justice Caguiao lamang ang tumutol at nagsabing, nalabag ang mga karapatan ng senadora, batay sa Konstitusyon, samantalang, siyam na Justices ang bumoto na walang nalabag sa kaso laban sa kanya, at dapat lang ituloy ang paglilitis dito. Kaya nagsimula at nagpatuloy ang paglilitis. Dinaluhan niya ang lahat ng hearing. Matiyaga itong pinakinggan, gayundin ng kanyang mga abogado, ang pagharap ng mga testigong madalas nagbubulaan. Ano kayang bigat at sakit ng kalooban ang nararamdaman nito tuwing hinaharap sa husgado ang mga bulaang testigo?
Mula arestuhin at ikulong sa Kampo Crame si Sen. De Lima noong ika-24 ng Pebrero, 2017, sinikap nating dalawin ito kada linggo sa kanyang piitan upang ipagdiwang ang banal na misa. Sa kabila ng matagal at hindi makatarungang pagkakakulong ng senadora, hindi nadurog ang pagkatao nito. Kitang-kita ito ng mga dumalo at nakinig sa mga bahaginan sa mga misa sa krame.
Malungkot ang mga panahong ito. Hirap na tayong dumalaw sa senadora. Hindi madaling makaahon sa pagkawala ng sariling ina. Subalit, sapat nang isipin ang kanyang hindi makatarungang pagkakakulong at bigla na lang nating maririnig ang kanyang hindi malunud-lunod na tinig na buong galak at tapang kong sinasabayan:
“Hindi ako titigil. Hanggang sa aking huling hininga, lalaban ako para sa katotohanan at katarungan…para sa Diyos, para sa aking bayan at mga kababayan!”