top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 09, 2021



“Palagi kayong manalangin, at magpasalamat sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay HesuKristo.”


Ito ang pakiusap ni Pablo sa mamayan ng Tesalonica (1Tesalonica 15:16-18). Ito rin ang turo ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Lucas (Lucas 11:5-13) noong Huwebes, “Sinabi pa rin niya sa kanila, ‘Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo’y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap,’ ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon para bigyan ka ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makakatagpo; kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Kayong ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito’y humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” (MBB05: Magandang Balita Biblia 2005)

Ang walang sawang paghingi, pakiusap sa Diyos na tulungan tayo sa lahat ng panahon sa anumang ginagawa natin upang palaging maayon ito sa Kanyang banal na kalooban. Ito ang tunay na diwa ng panalangin, ang walang sawang, walang tigil, walang katapusang pag-asa, pagtatanong, paghingi ng tulong, pagsangguni, pakikipag-ugnay sa Diyos. Sinikap nating gawin ito sa nakaraang 51 taon ng aking buhay mula 1970 hanggang 2021, mula ng panahon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos hanggang sa lahat ng mga dating sumunod na Pangulo na sina Cory, Fidel Ramos, Erap, Gloria Macapagal Arroyo, PNoy hanggang P-Digong.


Isinagawa natin ang walang sawa, walang tigil na pagsusuri at pagtutuligsa ng anumang mali o pang-aabuso na kinasangkutan ng nagdaang pitong administrasyon.


Hindi madali ito at hindi rin ligtas, dahil anumang ating matuklasan sa pag-aaral at pagsusuri ng mga nagdaang administrasyon, hindi maaaring manahimik at walang gawin. Palagi tayong namamahayag at kumikilos laban sa anumang abuso o katiwalian ng nagdaang administrasyon.


Nakalulungkot kapag nakakausap natin ang nagsasabing, “Ang galing-galing ng mga Marcos dahil itinuro ng kanilang ama ang “disiplina” sa mamamayan. Ang disiplina ang mahusay na paraan upang umunlad ang lahat sampu ng buong bansa. Sa ganitong pananalita, parang hindi nangyari ang Martial Law, at walang nawala, natortyur at napatay noong panahon ng Martial Law. Nakalulungkot ding marinig na okay si Lacson dahil hindi ito gumamit ng pork barrel, tila nakalimutan o hindi narinig o napag-aralan ang kaso ng pagkamatay nina Corbito at Dacer noong panahon ni Erap at ng pagpatay sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng.

Nakalulungkot din na marinig na mabait at may magandang kalooban si Pacquiao, pagkatapos nitong paulit-ulit ipagtanggol ang parusan bitay sa dahilang “binitay si HesuKristo sa krus.” Nakalulungkot ding marinig na okay si Isko pagkatapos nitong sabihing, “Hayaan ang due process ng mga korte na umiral sa kaso ni Sen. Leila de Lima, samantalang, hindi sinunod ng pamahalaan ang due process sa pagkulong at paglilitis ng Senadora.


Nakalulungkot ding marinig na kailangang iboto si Sara para merong “continuity” ang kabutihang sinimulan ng ama nito, samantalang ay hindi nakikita ang continuity din sa panggigipit sa anumang oposisyon, sa maraming namatay sa tokhang, sa patuloy na paghahandog ng palaki nang palaking bahagi ng ating bansa sa mananakop na China, atbp.


Nakalimot kaya tayo o sadyang pinalalabo ang katotohanan upang ang kabaliktaran nito ang umiral sa mga isipan, puso at kaluluwa ng mga tao. Sa totoo lang, hindi pagkalimot o pagiging makalilimutin ng taumbayan ang problema kundi ang sinasadyang pagpapalaganap ng mga kasinungalingan o kabaliktaran ng tunay na nangyari para magmukhang mabuti ang masasama at magmukhang masasama ang mabubuti.


Nagdeklara na sa wakas noong Huwebes si VP Leni Robredo. Nakatutuwang marinig, “Iboboto ko si Leni dahil sa malinis na hangarin nito at dahil sa wagas at walang sawang paglilingkod nito sa lahat, lalo na sa mahihirap. Pag-aralan, suriin, kilatisin, pag-usapan ang buhay ni VP Leni at walang makikitang malaki at nakababahalang depekto, kahinaan o kasiraan.


Gayunman, simulan na natin ang matiyagang panalangin at sabayan ito ng malalim na pag-aaral, pagsusuri, pagtatakayan ng buhay, pagkatao at mga nagawa ng iba’t ibang kandidato. Ito ang buhay na madasalin, ang buhay na palaging kaugnay ang Diyos at ang mundong kinikilusan Niya at ng Kanyang kaaway.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 03, 2021



Napaka-gandang inspirasyon… Dalawang banal na sinilang sa magkaibang panahon, ngunit malaki ang pagkakahawig nina Santa Teresita ng Batang si Hesus at San Francisco ng Assisi.


Hindi naging mahirap ang magsulat ng pagninilay sa Pista ni Santa Teresita kaugnay ng papalapit nang pista ni San Francisco ng Assisi noong ika-4 ng Oktubre 2021. Kinailangan nating magbigay ng omeliya sa ika-7 araw ng nobenaryo para sa pista ni San Francisco noong Biyernes, ika-1 ng Oktubre 2021. Habang sinusulat ang omeliya, naiisip ko ang mga nangyayari kaugnay ng simula ng pagdedeklara sa Commission on Elections o COMELEC ng filing ng COC o Certificate of Candidacy. Naunang mag-file si Manny Pacquiao, na kakandidato sa pagka-pangulo ng basa. Alam nating nagdeklara na si Isko, ngunit hindi pa siya nagpa-file. Gayundin sina Vicente "Tito" Sotto at Panfilo "Ping" Lacson. Samantala, hindi pa rin nagpa-file ng kandidatura si Bongbong. Uurong pa kaya at magbabago ng isip ang mga ito? Malamang ay hindi na dahil kapansin-pansin sa karamihan ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ay siguradung-sigurado at kampanteng-kampante na mananalo sila.


Nakilala sina San Teresita at San Francisco sa kanilang pagiging mapagkumbaba. Ang tawag kay Santa Teresita ng Batang si Hesus ay ang Munting Bulaklak, o “Little Flower” dahil itinuturo niya ang “maliit na pamamaraan”. Nakilala rin si San Francisco bilang ang “Poverello” na ang ibig sabihin ay ang maliit na lalaki. Ano ang ibig sabihin ng kaliitan sa buhay ng dalawang santo? Kapwa sila mapagkumbaba at walang bahid ng kayabangan sa anumang sinasabi o ginagawa ng mga ito. Oo, kung tutuusin, walang santo na hindi mapagkumbaba. Napakalinaw na tanda ng kabanalan ang kapakumbabaan dahil mahirap isipin at tanggapin ang imahe ng santong nakikipagtalo at nakikipag-away sa Diyos.


Ang pangalawang ituturo ng mga santo ay ang Kabanalan ng Kalooban ng Diyos. Hangga’t hindi malinaw sa atin ang kalooban ng Diyos, hindi rin magiging malinaw kung ano ang dapat nating gawin. At kung ipipilit natin ang ating nakikita, naiisip at napipiling pasya, malinaw na hindi mahalaga sa atin na alamin ang kalooban ng Diyos. Maselan at masalimuot ang kalooban ng Diyos, kailangan itong maingat na kilatisin. Kailangan ng panahon, pag-iingat at tiyaga na kilatisin, alamin at sundin ang kalooban ng Diyos.


Hindi kaya ito ang dahilan ng mabagal na pasya ni VP Leni Robredo? Kaya’t madalas natin siyang marinig na nagsasabing, kailangan ko ng panahong kumilatis at piliin ang kalooban ng Diyos.


Halos lahat ng makakalaban niya na buong-buo na ang desisyong tumakbo. Huwag nating tanungin kung bakit at paano ang mga ito nagpasya. Napakahalagang unawain kung bakit hanggang ngayon ay wala pa siyang malinaw na pasya? Siya ba ay bumibuwelo o tumitiyempo lang at sigurado na siyang tatakbo o totoong nag-iingat, nagdadasal at kumikilatis ito ng kalooban ng Diyos?


Isang malinaw na ugali ng mga banal ay ang kanilang kakayahang maghirap o magdusa ng tahimik. Ganito sina Santa Teresita na matagal at tahimik na nagtiis ng kanyang sakit na Tuberculosis. Ganito rin si San Francisco, na tiniis ang kanyang Tracoma o sakit sa mata na ginawa siyang labis na maselan sa ilaw. Nakalulungkot tingnan na bihirang ipakita at ipadama ng maraming kandidato ang kakayahang maghirap, magdusa, magdasal at maingat na kilatisin ang kalooban ng Diyos.


Kung ganito rin ang kandidato, na hindi siya nagmamadali at sinisikap na pakinggan at pakiramdaman hindi lang ang pulso ng taumbayan, kundi ang pulso ng Diyos, higit na mahalaga sa kanyang malaman ang kalooban ng Diyos na kung kalooban nitong kumandidato siya, tiyak na gagamitin siya ng Diyos at dadaan sa kanya ang banal na liwanag, lakas, karunungan at tapang ng Diyos.


Nawa’y palalimin at patiningin pa ang kaliitan ng mga banal sa iyo VP Leni at tulungan ka sa lalong madaling panahon na magpasya. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 26, 2021



Noong 1996 ang unang taon ng tatlong taong pagdiriwang ng sentenaryo ng rebolusyon laban sa mga Kastila. Ito rin ang simula ng Gomburza, KKK at Trans-Pilipinas Run.


Dahil sa mga nagaganap na gulo at karahasan sa ilang bahagi ng Mindanao, isinagawa natin ang "Takbo para sa Kapayapaan" mula sa Cotabato City hanggang Cagayan de Oro. Sa sumunod na taon, 1997 ay naganap ang "Takbo para sa Kalikasan sa Kabisayaan". At nahati sa dalawa ang 1998 sa "Takbo para sa Malinis at Mapayapang eleksyon" at "Takbo para sa Kalayaan".


25-taon na ang nakararaan mula nang patakbo nating nilakbay ang buong kapuluan. Napakaraming nangyari mula kay dating Pangulong Fidel V. Ramos hanggang kina ex-P-Erap, ex-P-GMA, ex-P-Noy at lalung-lalo na sa administrasyon ng kasalukuyang Pangulo. Bagama’t napakaraming mabibigat na isyu ang hinarap ng taumbayan mula naunang mga lider ng bansa, kakaiba ang mga pinagdaraanan natin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.


Hindi nawawala ang korapsiyon at karahasan at dumagdag pa ang pandaigdigang krisis ng COVID-19.


Madilim, sobrang dilim ang kapaligiran ng ating bansa. Napakaraming namatay dahil sa pandemya. Mahigit nang 37, 405 ang namatay. At ang pinakamataas na impeksiyon sa isang araw ay umabot na ng mahigit 26,000. Mula noong isang taon umabot na ng 2,453,328 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan o nahawa. Kung anu-anong eksperimento na ang isinagawa ng pamahalaan -- kaliwa't kanan ang quarantine. Kung anu-ano ang announcement na nanggagaling sa Department of Health at Malacañang.


Noong Miyerkules, samantalang binabakunahan ang humigit-kumulang 300 residente ng Barangay Toro, nakausap natin ang isang Counselor na naiimbitahan ng mga Obispo sa kani-kanilang diyosesis upang magbigay ng panayam sa Mental Health o kalusugan ng isipan. Paliwanag ng Counselor na napakaraming tinatamaan ng depresyon, panic-attack at kung anu-ano pang mga hindi nakatutulong, bagkus ay nakakasamang kondisyon sa utak o kaisipan. Hindi nga lumalabas ang marami at naghahangad na manatiling ligtas sa impeksiyon, ngunit maraming nagkakasakit sa kaiisip at pag-aalala dahil parami nang parami ang mga kaso.


Lumalabo at dumidilim, hindi lang ang katawan kundi ang kaisipan ng marami. At kapag ang isipan ay humina at nagkasakit, hindi malayong magkasakit din ang katawan. At sa gitna ng panganib ng pandemya, ganun na lang ang bangayan ng mga pulitiko. Kaya’t patuloy lang ang paghahanap buhay at araw-araw na pakikibaka ng mga maralitang taga-nayon at lungsod. At kahanga-hanga ang maraming nagsisikap mabuhay at maghanap-buhay sa gitna ng isang katerbang batas na nagbabawal ng iba’t ibang gawain.


At dahil damang-dama ang pait at bigat ng kahirapang dulot ng pandemya, maraming pinaghihinaan ng loob at meron ding tuluyan nang nawawalan ng pag-asa’t kinikitil ang sariling buhay. Maraming natuto ng magkulong sa kani-kanilang tahanan at tawagin itong normal. Oo, kailangang mag-ingat, ngunit hindi sa puntong tuluyan nang mawalan ng sigla, kulay, kabuluhan at direksiyon ang buhay.


Kailangan nating muling lumabas sa kulungan ng ating mga sarili at ipagtanggol ang katinuan at kalayaan ng ating isipan at kalooban. Kailangang ibalik hindi lang ang pagtitiwala sa sarili kundi ang pananampalataya sa Diyos na buhay -- sa Diyos ng buhay.


Kaya’t muling magsisimula ang mahabaang paglalakbay mula sa dilim tungo sa liwanag. Tuluyan na nating itatanim ang Krus ng Paglalakbay at Misyon para sa Paghihilom at Proteksiyon (Pilgrim Mission Cross of Healing and Protection) mula sa Pampanga hanggang Bulacan at Metro Manila. Maglalakad tayo mula ika-8 hanggang ika-28 ng Setyembre 2021 mula simbahan ng Santiago Apostol, Betis, Pampanga hanggang Immaculate Conception Cathedral, Malolos Bulacan at magtatapos sa Parokya ng Santa Clara sa Dagat-dagatan, Navotas.


Iaalay natin ang mahabang paglalakad bilang panalangin at sakripisyo upang manumbalik ang sigla, tapang at katatagan ng pananampalatayang Kristiyano na pinahina ng pandemya at ng kapaligirang tigib sa takot at kalituhan.


Tara na, maglakad, maglakbay, sindihan ang kandila o sulo ng pananampalataya, bagtasin ang mahabang landas na balot sa dilim at magtiwalang sasalubungin tayo ng maluwalhating liwanag ng bukang liwayway.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page