top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 29, 2021



“Kusina ni Dok Sally” ang tawag natin sa programa ng pagbabahagi ng pantawid-gutom sa Barangay Pinyahan noong nakaraang taon, samantalang “community pantry” naman ang nauuso ngayon.


Kausap natin noong isang araw ang isang taga-Tanay, Rizal na nagsimula ng kanilang community pantry sa harap ng simbahan ng San Ildefonso sa Tanay, Rizal.


Noong lunes lang sila nagsimula at parami nang parami ang nais tumulong at parami nang parami rin ang dumarating na naghahanap ng pagkain at mailuluto. Pagod ang mga volunteers, ngunit nag-umapaw ang kanilang sigla at sipag dahil sa suportang ibinibigay ng mga kaibigan, kaparokya at iba pang nagbabahagi ng tulong.


Tiyak nating napakaraming ganitong inisiyatibong hindi naibabalita at napapansin, subalit nagpapatuloy dahil napakaraming may wagas na pagnanais na makipagkapwa-tao. Upang maiwasan ang pagdagsa ng tao, sinikap na magbahay-bahay at suyurin ang pamayanan upang maagang mabigyan ng stab ang bibigyan ng pagkain sa bawat araw.


Sa bawat araw na nagpapakain tayo sa Kusina Ni Dok Sally, merong tiyak at itinakdang bilang na mabibigyan. Nilinaw ito nang husto sa mga tao dahil malinaw na hindi kayang mabigyan ang lahat araw-araw. Isang malinaw at mahigpit na sistema ang kailangan sa pagbibigay ng pagkain o anumang ayuda. Kailangang lubos na maiwasan, lalung-lalo na ngayong may pandemya pa tayo ang anumang pagdagsa ng tao dahil kapag mangyari ito, napakahirap nang itong pigilan.


Malungkot ang nangyari noong Biyernes ng umaga sa ‘birthday community pantry’ ni Angel Locsin. Maaga silang nagpamigay ng 300 stabs. Madaling araw pa lamang ay marami na ang nakapila sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Malinaw na mauubos agad ang 300 daang stabs.


Kaya nang dumagsa ang mga tao at wala nang maibigay na stabs, nagsimula nang magkagulo. Reklamo ng marami, bakit hindi sinabing para sa mga taga-Batasan lamang ang community pantry? Nangyari pa ang trahedya ng pagkamatay ni Rolando dela Cruz, 67-anyos na naitakbo pa sa East Avenue Memorial Hospital.


Lubos na nalungkot si Angel Locsin at humingi ng tawad sa pamilya ng nasawi. Nangako pa itong tutulong sa mabigat na trahedyang dumalaw sa pamilya. Dahil sa dami ng taong dumagsa sa Barangay Holy Spirit, kinailangang pumila ng matagal ang marami at kasama na si Rolando na hindi na nakatagal dahil sa tagal na nakapila at nakatayo ito.


Gayunman, maraming salamat Angel sa pakikpagkapwa-tao. Huwag tayong magsasawang tumulong sa nangangailangan. Maraming-maraming salamat.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 27, 2021


Usapan sa barangay sa pagitan ng Barangay Health Worker (BHW) at mamamayang (M), hinihikayat magpabakuna:


BHW: Sana, magpabakuna kayong lahat. Malaking bagay ang magpabakuna dahil kailangang protektado tayo sa COVID-19 at ang mga bagong “variants” nito.


M: Kailangan ko pa ba ‘yan? Basta nag-iingat lang ay hindi kami madarapuan ng anumang virus.


BHW: Opo, maganda ang nag-iingat, ngunit hindi sapat ang pag-iingat, tulad kapag tag-ulan, kailangan palagi tayong may dalang payong para hindi mabasa. May pagkakahawig ang pandemya sa masamang panahon, ngunit higit pa itong nakapipinsala at nakapapahamak sa tao.


M: Mahirap magpabakuna, baka ma-Dengvaxia pa. Paano kung ma-COVID 19 dahil sa bakuna? Hindi pa mapagkakatiwalaan ang mga bakuna dahil kulang pa ng testing at sapat na panahon.


BHW: Walang perpektong bakuna. Unang-una, ginawa ang mga bakuna sa iba’t ibang bansa. Magkakaiba ang pamamaraang ginamit upang mabuo ang mga ito. May bukod-tanging katangian ang bawat bakuna. Ang mahalaga ay makita ang kahalagahan nito para sa kalusugan at kaligtasan ng bawa’t isa.


M: Seryoso bang sagipin ng pamahalaan ang taumbayan? Bakit tila panay ekonomiya ang kanilang pinag-uusapan at hindi unahing sugpuin ang COVID-19? Nakailang lockdown na, may GCQ, ECQ at MECQ na tayo — meron pang NCR Bubble Plus? At sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng COVID 19, samantalang sunud-sunod nanagdedeklara na COVID-free ang mga bansa?


BHW: Kaunting tiyaga lamang. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para sa mamamayan. Maghintay lang tayo na masama sa mga babakunahan. Kailangan munang unahin ang tatlong prayoridad: ang mga frontliners, senior citizens at comorbidity o may asthma, hypertension, diabetes, sari-saring sakit sa puso at iba pa.


M: Oo nga, meron kayong tatlong priorities, ngunit kung talagang prayoridad ang mga ito, sana’y bilisan ninyong matapos ang tatlong sektor na nais unahin dahil sila ang mga vulnerable sa mamamayan.


BHW: May mga problemang hindi madaling lutasin tulad ng kakulangan sa bakuna na nauna nang i-order ng ibang bansa kaya’t hirap tayong magpabakuna. Kung wala o kulang ang bakuna, apektadung-apektado ang pagbabakuna.


M: Kaya nawawalan ng kumpiyansa ang mamamayan, partikular ang mga kailangang lumabas araw-araw sa kabila ng posibleng kapahamakan. Kung hindi lalabas, baka magutom ang aming pamilya.


BHW: Sa totoo lang, napakarami nating nabakunahan sa mga nagdaang buwan, lampas nang isang milyon. Hindi ito maliit na bagay.


M: Ha, isang milyon lang? Paano natapos nang bakunahan ang ilang bansa ng higit sa 70% ng kanilang populasyon samantalang tayo parang magsisimula pa lamag at mabagal pa? Kung mabilis ang pamahalaan sa pagbabakuna, maaaring mababa lang ang bilang ng mga nahawa at namatay. Kapag kalusugan ang pinag-uusapan, mahalaga ang timing o ang tamang panahon.


BHW: Karamihan sa mga namatay ay may edad na at may comorbidity. Anuman ang gawin namin, kung dinapuan ng COVID-19 ay may edad at may sakit, kailangan lang kumilos kami agad at dalhin sa mga ospital ang tinamaan nito.


M: Oo, naaalala ko lang ang napakaraming turistang galing sa China noong nagsimula ang nakaraang taon. Kailangang-kailangang mabuhay at hindi mamatay ang ekonomiya, kaya’t gagawin ninyo ang lahat, maisalba at patuloy na maging matibay ang ekonomiya. At ganun nga ang nangyari: napakaraming na-COVID at namatay na hindi nabakunahan. Marami sa mga namatay ay hindi nabakunahan kahit nagsimula nang mabakunahan ang marami sa ibang bansa. Malinaw ang sinasabi ng maraming mga siyentipiko at doktor. Mas maganda at mas mainaw ang may bakuna na kaysa wala.


BHW: Kaya maghanda na at maghintay na kayo ay paparating na sa inyo ang bakuna at…?


M: Talaga! Kailan? Oo nga. Mas magandang mabakunahan kaysa hindi. Ang mahirap lang ngang tanong ay kailan nga?

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 17, 2021



Pumanaw noong Linggo, ika-11 ng Abril 2021 ang aking mahal na ina pagkatapos ng mahigit 20-araw na pakikibaka sa kanyang karamdaman sa De Los Santos Memorial Hospital. Sinubaybayan ko ang kanyang kalagayan sa bawat araw ng pagkaka-ospital. Maraming pagkakataong natuwa tayo dahil tila lumalakas siya sa halip na humihina. Subalit, nag-iba ang takbo ng lahat apat o limang araw bago siya pumanaw.


Naging balisa na siya at madalas natutulog. Humina nang husto ang kanyang boses kumpara sa mga araw ng unang linggo ng kanyang pagkaka-ospital. Malakas at matapang ang kanyang boses. Ito ang normal na tinig ng aking ina na nakilalang mahigpit, ngunit magaling na guro sa kanyang mag-aaral. Isa na rito ang pumanaw na artistang-komedyanteng si Paquito Diaz.


Ang malakas, matapang, tiyak at tuwiran niyang tinig ang palagi nating maaalala dahil maraming pagkakataong natanong ng marami kung kanino ako nagmana sa matinding pambabatikos sa mga tiwaling opisyal, mabilis nating sagot, “Sa ‘king mahal na ina.”


Kaya noong kanyang kalakasan sa ospital, nasaksihan natin sa pamamagitan ng video call sa kanyang “caregiver” kung paano siya makipag-usap at minsan’y makipagsagutan pa sa kanyang mga nars at doktor. Buong tapang nitong inirereklamo ang paulit-ulit na pagtusok sa kanyang mga braso, daliri at kamay ng mga karayom. Ipinahayag nito ang kanyang pagkainis sa mga tubo (oxygen), canola na nakapasok sa kanyang ilong at nang tuluyan siyang nawalan ng gana.


Napakasakit makita’t marinig ang unti-unting paghina ng katawan at tinig ng aking mahal na ina sa mga huling araw bago siya mamaalam sa kanyang napakaganda’t makabuluhang buhay. At wala na tayong hawak ngayon kundi ang buhay at mananatiling palaging buhay na alala ng kanyang pagkata, paninindigan at pagpapahalaga.


Pagkatapos ng kanyang cremation noong Martes, ika-13 ng Abril 2021, binigyang-diin natin ang walang kakupas-kupas niyang pamana: ang pagtingin at paghanga sa kagandahan, kapayakan, katipiran at ang walang hanggang pagmamahal na walang inaasahang anumang kapalit.


Ilang beses nakilala ang kanyang kagandahan. Una, bagama’t galing sa mahirap na pamilya, nakilala ng kanyang mga kamag-aral ang kanyang kagandahan. Kasabay ng kanyang kagandahan ay ang talino kaya siya ang naging valedictorian sa Torres High School at sa kanyang pagtatapos sa Philippine Normal University. Matalas ang mata niya sa kagandahan. Mabilis niyang pupurihin ang sinumang babaeng kakaiba ang kagandahan. Mahilig siya sa mga bulaklak, mamahalin o karaniwan. Marami kaming bougainvillea at madalas kong marinig sa kanya, “Anak ang ganda ng mga bulaklak.”


Hindi kinakailangang maging magarbo, palagi siyang simple at ordinary, tila nakikita rin niya sa kapayakan ang kagandahan. Marahil ito ang nakita niya sa aking ama na sa kabila ng kakisigan nito noong ito ay binata pa, napaka-simple niya. Walang luho, yabang at nagpatuloy itong ganito hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.


Sa halip na gumastos, mas pipiliin niyang magtipid at mag-ipon. Hindi ito nagsa-shopping sa mall, kundi sa talipapa o sa mga tindahan lamang sa paligid ng aming barangay. Halos hindi natin nakita itong magsuot ng alahas o bumili ng bagong damit.


Walang hanggang pagmamahal na walang inaasahang anumang kapalit. Anumang hingin natin sa kanya ay hindi niya ipinagkakait. Mabuti na lang at nahawa tayo sa kanyang kasimplehan at katipiran.


Noong mga huling araw at sandali ng kanyang buhay, madalas tayong tumatawag sa kanyang caregiver upang makausap siya. Pahina nang pahina ang kanyang boses. Noong una, nasasabi pa niyang, “Oo, alam kong ikaw si Fr. Robert.” Magdarasal kami, babasbasan ko siya at sasagot siyang, “Amen.” Ngunit sa mga huling sandali noong linggo, magtatanong ako sa kanya, “Ungol na lang ang aking maririnig.” Ngunit sa kabila ng nakalulungkot na tunog ng dating tinig na malakas, tiyak at matapang ay naramdaman natin ang lalim ng koneksiyon ng dalawang puso—ng ina at ng kanyang anak.


Hindi na makikita ng aking mata, maririnig ng mga tainga at mararamdaman ng mga palad ang aking ina, ngunit, sa hindi mabilang na ala-ala ng kanyang kagandahan, talino, kapayakan, katipiran at walang hanggang pagmamahal, sapat nang pumikit ako’t pakinggan ang tibok ng aking puso… nandoon siya, buhay siya ang pinakamamahal kong ina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page