ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 2, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2012 at 2023, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Kuneho o Rabbit.
Bukod sa palaging kampante ang isang Kuneho, sinasabing sobrang magara at kakaiba naman ang kanilang malalaki at magagarang pangarap. Para sa isang Kuneho, kahit wala siyang gaanong materyal na mga bagay na hawak sa kasalukuyan, basta patuloy siyang nangangarap at may imahinasyon ng magandang bukas, hindi lamang sa kanyang sarili kundi sa bawat nilalang sa mundong ito, sa ganu’ng paraan, tunay ngang ligtas sa kahirapan at talaga namang masayang-masaya na ang damdamin, puso at ang mismong kaluluwa ng isang Kuneho.
Sa career at pagnenegosyo, sinasabing higit na magtatagumpay ang Kuneho sa mga gawaing may kaugnayan sa pangongolekta ng lumang bagay tulad ng mga porselana na panahon pa ng Kastila ng mga sinaunang Chinese merchants. Uunlad at lalago rin ang kabuhayan ng mga Kuneho sa mga bagay na may kaugnayan sa arts tulad ng painting, sculptures at iba pang collectible materials kung saan dahil sa katagalan o dahil sa mataas na kalidad ng pagkakagawa, may mataas itong value o halaga. Sa ganu’ng mga koleksiyon, bigla silang yayaman at makakatiba ng malaking halaga.
Sa pakikipagrelasyon at pakikipagkapwa-tao, sinasabing bagama’t sensual at sabik din sa romansa at harutan, sinasabing bihirang-bihira namang makipagrelasyon ang pihikan na Kuneho.
Kilala rin ang isang Kuneho bilang pabagu-bago pag-iisip at damdamin pagdating sa pakikipagrelasyon, at madalas na niloloko nila ang kanilang sarili sa panahong sila ay tunay nang umiibig at nagmamahal. Kaya kadalasan, kahit mahal na mahal na talaga nila ang isang tao o ang kanilang matalik na kaibigan, ide-deny o hindi pa rin nila aaminin sa kanilang sarili na sila ay tunay na nagmamahal. Kaya ang nangyayari, dahil sa ugali nilang ito na hindi tapat sa sarili at palaging nagkukunwari at nagtatago ng kanilang damdamin, kadasalan ay matagal bago makipag-commit at makapag-asawa ang isang Kuneho.
Bukod sa pagiging pihikan at dinadaya ang sarili, pala-iwas din ang Kuneho kapag napapansin na niyang may nagkakagusto sa kanya. Hindi niya rin alam kung bakit siya ganu’n, basta gusto lang niyang iwasan ang isang lalaki o babae na nagkakagusto sa kanya.
At para sa isang Rabbit o Kuneho, bagama’t parang iwas o aloof siya pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, para sa kanya, hintayin mo siyang magkagusto sa iyo, magparamdam o manligaw. Sa ganu’ng paraan kayo magkakasundo ng isang Kuneho dahil para sa kanya, hindi mo siya dapat unahan sa pag-ibig dahil mas gusto niyang siya ang unang nagpapadama ng likas niyang pagiging romantiko at malambing.
Bagama’t hindi agad nagko-commit sa pag-ibig at pakikipagrelasyon sa opposite sex, makakaasa ka naman sa sobrang concern at pagmamahal ng isang Kuneho sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang at kapatid. Basta’t may kaugnayan na sa pagtulong sa kapamilya, ‘wag kang magdadalawang-isip na lumapit sa isang Kuneho dahil tiyak na gaanuman kabigat ang iyong problema, kahit may kaugnayan pa ito sa materyal na aspeto, tiyak na tutulungan ka ng isang Kuneho.
Itutuloy






