ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 22, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog.
Bagama’t isa sa pinakamatalinong nilalang sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, madalas sa mga pagdedesiyong ginagawa, laging may pagdadalawang-isip at pag-aalinlangan ang Aso. Kaya sa halip na maghakot ng maraming tagumpay at ligaya sa buhay, ang mga ito ay nababalam, naglalaho o nauusyami sa kawalan. Minsan naman, tuluy-tuloy na sanang magiging maligaya at matagumpay ang isang Aso, pero dahil habang ginagawa niya ang isang proyekto nang may pagdadalawang-isip pa rin ang kanyang sarili, hindi niya lubos na nae-enjoy ang masarap na lasa ng pagwawagi at tagumpay. Gayunman, kung sa bawat kilos at gawain ng Aso ay tuluy-tuloy niyang ipatutupad ito, walang pagdadalawang-isip at mabilis niyang gagawin at tatapusin ang isang proyketo o plano na kanyang pinag-isipan, higit na magiging matagumpay at masarap ang lasa ng ligaya at pagwawagi para sa isang Aso, higit lalo sa buong 2020 hanggang 2021.
Kaya naman kung ikaw ay isang Aso at may naiisip kang magandang proyekto ngayong 2020, walang pagdadalawang-isip mo itong ipatupad dahil sa ganyang paraan, matitiyak ang iyong ligaya at tagumpay.
Dagdag pa rito, ang Aso ay isa sa pinakamasarap kasama at kaibigan dahil sa kanyang pagiging tapat at loyal. Bukod sa pagiging tapat na kaibigan, siya rin ay matulungin at laging handang lumingap at dumamay sa mga kaibigan niyang nangangailangan.
Kadalasan, inuuna niya ang kapakanan ng kanyang kaibigan kaysa sa kanyang sarili, na nagiging dahilan upang ma-misinterpret ng kanyang pamilya ang aksiyon niyang ito kung saan iisiping mas mahal niya ang kanyang mga kaibigan kaysa sa pamilya. Pero hindi naman ganu’n ‘yun, sa halip, tunay lang na sobra-sobra ang pagmamalasakit ng Aso sa kanyang mga kaibigan, lalo na sa panahong siya ay nasa kagipitan at talagang nakikita niyang nangangailangan ng kanyang tulong ay hinding-hindi niya ito matatanggihan.
Dagdag pa rito, mabilis magpasya ang Aso, lalo sa mga hindi niya kilala. Sa unang kita pa lamang niya ang isang tao, nasasagap agad ng kanyang intuition kung ang samahan ay mauuwi sa pagkakaibigan o pagtatalusira. Kaya naman hindi na pinatatagal ng Aso kung sakaling naramdaman niyang mabuti kang tao dahil ibibigay agad niya sa iyo ang kanyang tiwala. Kabaligtaran naman nito, kapag naramdaman niyang hindi ka magiging mabuting kaibigan sa unang pagkikita pa lang, tiyak na mahihirapan kang makuha ang kanyang tiwala at pagmamahal. Kadalasan, tama ang kanyang mabilis na paghusga at pandama sa mga taong una pa lang niyang nakikita at nakakasalamuha, pero minsan ay sumasablay din naman ang kanyang pang-amoy.
Itutuloy




