top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 21, 2023



Nangyari ang inaasahang pasiklab sa “Visayas Clasico” at naitala ng bisitang Dynamic Herb Cebu FC ang 3-2 panalo sa numero unong Kaya FC Iloilo sa pagbabalik ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways noong Sabado sa Iloilo Sports Complex. Matapos ang tatlong buwan na paghihintay, nagpasikat muli ang mga bituin na senyales ng mas pinatinding mga laro sa nalalabing bahagi ng pambansang liga.

Binuksan ni Mert Altinoz ng Cebu ang pagbaha ng goal sa ika-24 minuto subalit itinabla agad ni Daizo Horikoshi ang talaan sa ika-35 minuto bago nangyari ang hindi inaasahan. Itinulak sa likod si Jhan Melliza ng Kaya sa ika-43 minuto na nag-resulta sa pagtatalo at hamunan ng dalawang panig.

Umawat ang mga reperi na agad pinatawan ng red card at pinalabas sa laro sina Simone Rota ng Kaya at Daniel Gadia ng Cebu. Napilitang tapusin ang laro na may tig-10 tao lang ang dalawang koponan subalit lalong uminit ang palitan.

Matapos mahimasmasan ang lahat, nagpakilala ang bagong pirmang si Leaford Allen at naka-goal bago magwakas ang first half at ibalik ang lamang sa Cebu, 2-1. Lalong lumayo ang mga bisita sa isa pang goal ni Elijah Jacob Liao sa ika-55 minuto, 3-1.

Hindi basta sumuko ang Kaya sa harap ng kanilang mga tagahanga at ipinakita ni Horikoshi kung bakit siya ang may pinakamaraming goal sa buong PFL at ipinasok ang kanyang pangalawang goal ng laro upang magbanta sa ika-60 minuto, 3-2. Hanggang doon na lang at hindi nakisama ang talbog ng bola sa Kaya sa gitna ng kanilang mas pinatinding atake sa huling 30 minuto.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 19, 2023




Laro ngayong Linggo – Iloilo Sports Complex

3:00 p.m. Kaya FC Iloilo vs. Dynamic Herb Cebu FC

Malaking dagok ang tinanggap ng Philippines Football League (PFL) matapos ihayag ng defending champion United City Football Club na hindi na sila lalahok sa nalalabing bahagi ng pambansang liga. Sa gitna ng hindi magandang balita ay magbabalik-aksiyon ang pambansang liga matapos ang dalawang buwang pahinga sa pagdalaw ng Dynamic Herb Cebu sa numero unong Kaya FC Iloilo ngayong Linggo simula 3:00 ng hapon sa Iloilo Sports Complex.

Tinaguriang “Visayas Clasico”, nakuha ng Kaya ang una nilang tapatan, 3-0, noong Agosto 14 sa Rizal Memorial Stadium. Nakabawi ang Cebu sa muling pagkikita, 3-2, noong Oktubre 9 sa Dynamic Herb Sports Complex.

Nagsimula ang suliranin ng United City matapos hindi tuparin ng Riau Capital Live (RCL), isang kompanya sa Singapore, ang kanilang obligasyon bilang bagong mamumuhunan noong nakaraang Oktubre. Dahil dito ay naghain ng demanda ang koponan sa korte at hihintayin nila ang magiging kalalabasan nito bago gawin ang susunod na hakbang.

Samantala, naitakas ng Wales ang 1-0 panalo sa Philippine Women’s Football National Team sa pagbubukas ng 2023 Pinatar Cup Huwebes ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Pinatar Arena ng Murcia, Espanya. Tinatapos ang pangalawang laro ng Filipinas kagabi kontra Scotland na galing sa 2-0 talo sa paborito Iceland noong Miyerkules.

Ilang segundo bago magwakas ang unang 45 minuto ay pinatid ni Filipinas defender Dominique Randle si defender Rhiannon Roberts at nagpataw ng penalty ang reperi. Walang kabang sinipa papasok ni forward Kayleigh Green ang bola laban kay goalkeeper Olivia McDaniel.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 14, 2022



Napunta sa defending champion Kaya FC Iloilo ang numero unong puwesto matapos patikimin ng unang talo ang Dynamic Herb Cebu FC, 3-0, sa huling araw ng 2022 Copa Paulino Alcantara group stage, Huwebes sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa sumunod na laro, naisalba ng Stallion Laguna FC ang huling upuan sa semifinals sa bisa ng 0-0 tabla sa United City FC.


Sinimulan ni Patrick Arthur ang atake ng Kaya sa free kick sa ika-15 minuto. Dinoble ni Daizo Horikoshi ang lamang, 2-0, sa kanyang penalty kick sa ika-34 minuto matapos siyang pabagsakin malapit sa goal.

Hindi pa rin kuntento, pinapasok ni Coach Yu Hoshide si Jesse Curran sa ika-57 minuto at agad nagbago ang timpla ng laro. Dalawang minuto pa lang ang lumilipas ay nagpasahan sina Curran at Robert Lopez Mendy upang tulungan si Horikoshi na maitala ang pangalawang goal sa laro at siguraduhin ang panalo, 3-0.


Numero-uno ang Kaya na may 16 puntos buhat sa limang panalo at isang tabla habang pumangalawa ang Dynamic Herb na may 13 puntos (4-1-1). Kinailangan pang hintayin ang resulta ng pangalawang laro upang matukoy ang makakaharap ng Kaya sa semifinals ngayong Mayo 16.


Naging sapat ang 0-0 tabla para pumantay ang Stallion sa Maharlika FC Manila na parehong may apat na puntos subalit pasok ang Stallion dahil mas mataas ang kanilang goal difference na -3 kumpara sa -7 ng Maharlika. Naglaro pa rin ang Stallion na hanap ang panalo upang walang duda ang pagpasok at binomba nila ang goal ng UCFC na binantayan nang mabuti ni goalkeeper Matt Silva.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page