top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 16, 2021




Nagbigay-babala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na huwag gamitin ang Ivermectin bilang gamot sa COVID-19 dahil ito ay para sa hayop at ang paggamit nito sa tao ay maaaring magdulot ng mas malubhang sakit.


Kaugnay ito ng impormasyong nakarating sa DOH na may ilang gumagamit ng mga off-label drugs para ipanggamot sa COVID-19 at kabilang nga rito ang Ivermectin.



Ayon kay Director General Rolando Enrique D. Domingo nitong Lunes, Marso 15, batay sa Advisory No. 2021-0526, ang Ivermectin ay isang veterinary product laban sa mga parasites, lisa, kuto, bulate at galis ng hayop.


Hindi ito puwedeng gawing alternatibong gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19 o kahit na anong sakit sapagkat puro, matapang at mataas ang doses nito na maaaring makalason kapag ininom ng tao.


Bagama't may isinagawang pag-aaral ang ibang bansa kaugnay ng paggamit ng naturang gamot ay iginiit pa rin na hindi ito aprubado bilang gamot sa tao, partikular na sa COVID-19.


Sa ngayon ay patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na huwag inumin ang gamot na nakalaan para sa mga hayop.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng copper face mask, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na naglabas ng advisory 2020-1181 ang FDA ng listahan ng mga aprubadong medical face mask na maaaring magamit.


Sa nasabing listahan, hindi umano kabilang ang copper mask kaya naman hindi ito medical-grade. Naging popular ang copper-infused face mask dahil nakatutulong umano ang copper sa pagpuksa ng virus at dahil sa antimicrobial layer nito.


Ngunit, karamihan sa mga ito ay butas sa parte ng baba. “Nevertheless, considering that it is still a face mask, it can still prevent the spread of COVID-19 mainly by acting as a physical barrier for droplets when a person emits droplets,” dagdag ng DOH.


Matatandaang naging viral ang kuha ng isang netizen sa Makati Medical Center na hindi pinapapasok ang mga taong may suot ng copper face mask at mask na may valve.


Naglabas na ng updated advisory ang ospital at sinabing ang ipinagbabawal na lamang nilang mask ay ang mga may valve, vent, slit o holes.


Samantala, tinatayang nasa 86.5 milyong tao na ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa JOHN Hopkins University coronavirus dashboard.


 
 

ni Lolet Abania | October 29, 2020




Nagbabala ang Malacañang sa publiko laban sa mga nagbebenta ng vaccines kontra umano sa COVID-19 na may karampatang parusa para sa mga ito.


Sa naganap na news conference sa Bohol kanina, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mahuhuling nagbebenta ng nasabing bakuna na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ay papatawan ng pagkakakulong.

“Mayroon pong ipinapataw na parusa sa kahit sinong magbebenta ng gamot o bakuna na hindi po aprubado ng FDA. Mayroon pong kulong 'yan, itigil ninyo po 'yan,” sabi ni Roque.


Nag-isyu ng statement si Roque matapos ang naglabasang text messages tungkol sa sinasabi umanong COVID-19 vaccines na ibinebenta na nagkakahalaga ng P50,000 kada isang turok.


Gayundin, noong Martes, ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nakatanggap siya ng report na isang establisimyento mula sa Makati City ang nagbebenta umano ng COVID-19 vaccines na may advertisements pang nakasulat sa Chinese.


“We’re continuously monitoring at mukhang mapapadalas po ang ating inspection doon sa facility na 'yun to make sure na hindi po nagbebenta or nag-a-administer ng unregistered na bakuna,” sabi ni Domingo.


Gayunman, patuloy ang paalala ng pamahalaan sa publiko na wala pang nadidiskubreng gamot o bakuna laban sa nakamamatay na sakit na COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page