ni Fely Ng - @Bulgarific | September 22, 2021

Hello, Bulgarians! Ang Social Security System (SSS) ay nag-extend ng deadline ng pagbabayad para sa Hulyo 2021 kontribusyon ng mga regular employer mula Agosto 31, 2021 hanggang Setyembre 30, 2021.
Sinabi ni SSS President at CEO Aurora C. Ignacio, na ang extension ay konsiderasyon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatupad sa buwan ng Agosto 2021 sa National Capital Region (NCR), at iba pang lalawigan, lungsod, at munisipalidad sa bansa.
Ang mga post-dated check ng mga employer na may aprubadong mga installment proposal na dapat bayaran noong Hulyo at Agosto 2021 na hindi nadeposito dahil sa mga paghihigpit sa community quarantine ay idedeposito sa Setyembre 30.
Gayunman, ang mga deadline sa pagbabayad ng mga regular employer para sa mga naaangkop na buwan pagkatapos ng Hulyo 2021 ay susundin ang kanilang regular na iskedyul, na kung saan ay ang huling araw ng buwan kasunod ng naaangkop na buwan. Kung sakaling ang deadline ay tumapat sa Sabado, Linggo, o holiday, maaaring magbayad sa susunod na araw na may pasok.
Ang kontribusyon ng mga regular employer at kanilang mga empleyado para sa buwan ng Agosto 2021 ay maaaring bayaran hanggang Setyembre 30, 2021, habang ang kanilang mga kontribusyon para sa buwan ng Setyembre 2021 ay maaaring bayaran hanggang Nobyembre 2, 2021, dahil ang Oktubre 31 ay Linggo at special non-working holiday ang Nobyembre 1.
Samantala, ang deadline ng pagbabayad para sa mga kontribusyon noong Hulyo 2021 ng mga miyembro ng household employer, at self-employed, voluntary, non-working spouse (SE/VM/NWS), at land-based Overseas Filipino Worker (OFW) ay mananatiling pareho.
Para sa mga household employer at miyembro ng SE / VM / NWS ang deadline ng remittance ay sa huling araw ng buwan kasunod sa naaangkop na buwan o kwarter. Sa kabilang banda, ang mga land-based OFW ay maaaring magbayad ng kanilang mga kontribusyon para sa naaangkop na buwan ng Enero hanggang Setyembre ng nasabing taon hanggang Disyembre 31 ng parehong taon, habang ang buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ng nasabing taon hanggang Enero 31 ng sumunod na taon. Kung sakaling natapat ang deadline ng Sabado, Linggo, o holiday, maaaring magbayad sa susunod na araw na may trabaho.
Halimbawa, ang mga household employer, at SE/VM/NWS ay maaaring magbayad ng kanilang mga kontribusyon noong Hulyo, Agosto, at / o Setyembre 2021 hanggang Nobyembre 2, 2021, dahil ang Oktubre 31 ay Linggo at ang Nobyembre 1 ay special non-working holiday.
“As our government continues to implement measures to curb the spread of COVID-19, which includes limiting face-to-face contact, we highly encourage our members and employers to use our various online facilities for their SSS payment transactions,” pahayag ni Ignacio.
Maaaring ma-access ang mga channel sa pagbabayad ng SSS sa https://bit.ly/SSSPayments, habang ang impormasyon tungkol sa iba't ibang serbisyong online sa SSS ay magagamit sa http://bit.ly/expreSSS.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang SSS Facebook at YouTube sa "Philippine Social Security System," Instagram sa "mysssph," Twitter sa "PHLSSS," o sumali sa Viber Community nito sa "MYSSSPH Updates."
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



