ni Fely Ng - @Bulgarific | February 1, 2022

Hello, Bulgarians! Nagpasalamat si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa desisyon nitong luwagan ang mga panuntunan sa international na biyahe.
“This will definitely help the economy and sustain the growth we experienced in the fourth quarter of 2021,” wika ni Concepcion.
Noong Enero 28, inihayag ng IATF ang Resolution No. 159, na nag-alis sa facility-based quarantines para sa nagbabalik na overseas Filipinos at mga dayuhan kahit saang bansa pa sila nanggaling. Sa halip, hahayaan ang mga darating na pasahero na i-monitor ang sarili sa anumang sintomas sa loob ng pitong araw mula sa kanilang pagdating at iulat sa lokal na pamahalaan na kanilang pupuntahan sakaling makaranas sila ng sintomas.
Ire-require na lang ng IATF ang mga pasaherong kumpleto na ang bakuna na magpresinta ng negatibong RT-PCR test na ginawa 48-oras bago umalis. Magkakabisa ang kautusan sa Pebrero 1 para sa nagbabalik na overseas Filipinos na kumpleto ang bakuna at sa Pebrero 10 para sa mga dayuhang kumpleto ang bakuna at mula sa mga bansang hindi required ang visa.
Pansamantalang sinususpinde ng kautusan ang klasipikasyon ng bansa bilang “Green”, “Yellow”, o “Red”.
“This aligns with the proposal to adopt a change from a pandemic to an endemic mindset,” wika ni Concepcion.
Pinuri rin ni Concepcion ang nasabing hakbang bilang kailangang pagkilos na siyang bubuhay sa sektor ng turismo ng bansa, na lubhang naapektuhan dahil sa halos dalawang taon ng mga pagbabawal sa biyahe na itinakda para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
“We can now welcome both leisure and business travelers, and this will redound to benefits downstream for our MSMEs,” wika niya.
Bago rito, hiniling nina Concepcion at OCTA Research Fellow Fr. Nicanor Austriaco sa IATF na simulan na ang pagbalangkas ng exit plan ng bansa mula sa pandemya. Kabilang sa mga unang hakbang ay ang pagpapaluwag ng restriksiyon sa international travel, dahil pinaniniwalaang lilikha ito ng napakaraming benepisyo sa ekonomiya ng bansa. Dagdag pa rito, nakikita ito bilang mahalagang hakbang para tumaas ang tiwala sa mga bakuna.
Habang nakaranas ang bansa ng pagtaas sa mga bagong kaso kasunod ng holiday season at pagpasok ng Omicron variant, naobserbahan ang pagbaba ng kaso sa kalagitnaan ng Enero at lalo pa itong bababa pagsapit ng Pebrero.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



