ni Fely Ng - @Bulgarific | February 08, 2022

Hello, Bulgarians! Isa ang inyong lingkod sa naimbitahan kamakailan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang pamamahagi ng 50 units Patients Transport Vehicles (PTV) na ginanap sa Toyota Otis, Paco Manila, ang mga nasabing sasakyan ay may kabuuang P99.5-M na ipinamigay para sa iba’t ibang Local Government Unit (LGUs), kaya’t tumataginting na P1.9-M ang naiuwi ng bawat tumanggap.
Ang unang batch na nabigyan ng PTVs para sa taong 2022 ay ang sumusunod na rehiyon at munisipyo, Region I (Ilocos Norte at La Union); CAR-Cordillera Autonomous Region (Ifugao); Region II (Isabela, Nueva Viscaya at Quirino); Region III (Zambales, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Bataan, Aurora at Tarlac); Region IV (Batangas, Quezon, Rizal, Laguna at Palawan); Region V (Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Masbate, Catanduanes; NCR, (Caloocan at Malabon).
Katuwang ang mga empleyado ng Toyota, inihayag sa event ang mga kailangang malaman at obligasyon ng mga tumanggap ng sasakyan upang maiwasan ang problem nito sa hinaharap.
Sinabi ni Vice-Chairperson at General Manager Royina Marzan Garman sa kanyang mensahe na mayroong pang 250 units ang ipamamahagi para sa taong ito. Kaya muli niyang hinihikayat ang mga naroroon sa aktibidad na suportahan ang mga produkto ng PCSO at gayundin sa mga dati nang tumatangkilik, na patuloy na maging katuwang ng ahensiya sa pamamagitan ng pagtaya sa lotto, digit games at tiket ng STL. “Nakikiusap po ako sa inyo, suportahan po natin ang mga larong may puso ng PCSO dahil kung walang tataya sa aming mga laro, wala rin po kaming magagamit na pantulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong medikal at wala din po kaming maibibigay ng tulad ng mga ipinamigay namin ngayon,” sabi ni GM Garma.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



