top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Fely Ng - @Bulgarific | October 1, 2022



Hello, Bulgarians! Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagot pa rin nito ang COVID-19 test para sa mga nagbabalik na OFWs sa bansa, alinsunod sa IATF Resolution No. 168, s. 2022. Sa Advisory No. 2022-0026 ng PhilHealth kamakailan, inaprubahan sa isang Special Meeting ng PhilHealth Board na pinangunahan ng Officer-in-Charge ng Department of Health at Board Chair Dr. Maria Rosario S. Vergeire ang nasabing benepisyo bilang pagkilala na rin sa mahalagang bahaging ginagampanan ng mga OFWs sa bansa.


Magpapalabas naman ng Circular ang PhilHealth para sa kumpletong guidelines para rito na may bisa mula Agosto 31, 2022. Kamakailan ay inilabas ang PhilHealth Circular No. 2022-0018, kung saan nakabatay ang COVID-19 testing coverage sa DOH Memorandum No. 2022-013 o “Updated Guidelines on Quarantine, Isolation and Testing for COVID-19 Response and Case Management for the Omicron Variant.”


Ayon sa nasabing Circular, babayaran ng PhilHealth ang RT-PCR tests, plate-based man o cartridge-based, ng mga sumusunod na priority groups: A1 o healthcare workers, A2 o senior citizens, A3 o persons with comorbidities at high risk para sa malubhang sakit at iba pang may sintomas ng COVID-19 maliban sa A1, A2 at A3.


Binigyang-diin sa nasabing Circular na hindi inirerekomenda ang COVID-19 testing para sa screening ng mga taong walang sintomas ng COVID-19 maging ang kanilang asymptomatic na close contact. Sa halip ay inirerekomenda ang pag-monitor sa mga may sintomas. Kung sakali namang kailanganin ang testing, ito ay dapat isagawa limang araw mula sa huling araw ng exposure sa COVID-19. Sagot ng PhilHealth ang plate-based RT-PCR test mula P800 hanggang P2,800 samantalang ang cartridge-based PCR naman ay mula P500 hanggang P2,450 depende sa pinanggalingan ng test kit.


Ipinaalala rin na binabayaran nito ang facility-based rapid antigen test (RAT) sa halagang P500. Ito ay magagamit ng mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19 sa mga accredited Community at Home Isolation Benefit Package providers. Maaari rin itong ma-avail ng mga pasyente na naka-admit sa mga accredited hospitals at infirmaries/dispensaries.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | September 29, 2022


Hello, Bulgarians! Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng isang bagong technology firm at kompanyang nakabase sa Cebu City, upang isulong ang lubos na paggamit ng teknolohiya sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Napagkasunduan ng ITechConnectPH at Suki Trading Corporation mula sa Cebu City, na palakasin ang pagpatupad ng teknolohiya sa iba’t ibang larangan. Napansin ni Undersecretary Sancho Mabborang ng Department of Science and Technology (DOST), ang umano’y mahina o mababang implementasyon ng teknolohiya kaya’t sa pamamagitan ng ITech… ni Francisco “Popoy” Pagayon, presidente ng Filipino Inventors Society Producers Cooperative (FIPC) ay inaasahang magkaroon ng high rate of adoption.


Batay sa nilagdaang MOA sa pagitan nina Pagayon at Victoriano Ocon, presidente ng Suki Trading, napagkasunduang ang kompanya ng una ang magsasagawa ng marketing ng intellectual property (IP) ng korporasyong Suki. Magbebenta ng IP ng kompanya ni Ocon, ang ITech. Ang pagsulong sa IP ay isasagawa sa maraming rehiyon ng bansa, tulad ng sa Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5 at CAR. Ang promosyon ay maaaring sa pagbenta ng technology at technical information; intellectual property rights na kinabibilangan ng patents, trademarks, copyrights, system designs at iba pang may kinalaman sa IP. Ang iba pang IP na isusulong ay mga dokumentong may kinalaman sa impormasyon, tulad ng hinggil sa technology, technical know-how at technical knowledge.


“Dito ay matitiyak natin na tataas ang adoption rate sa DOST dahil hindi lamang limitado ’yong pakikipag-ugnayan sa mga inventor, kundi sa mga researchers, scientists, engineers na mayroong technology na puwedeng ibenta, puwedeng i-commercialize or for public good,” ani Mabborang.


Ang Suki Trading Corp. ay nagbebenta rin ng agri-industrial machinery at construction equipment.


Napagkasunduang magbabayad ng P1-M ang Suki Trading Corporation sa ITechConnectPH bilang signing fee. Bibigyan din ng karapatan ang kompanya na ma-access ang anumang technology, intellectual property rights, documents at technical information mula sa Suki Trading.


Ang ITechConnectPH at Suki Trading Corporation ay parehong miyembro ng DOST Small Enterprise Technology Upgrading Program (DOST-SETUP).

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | September 27, 2022



Hello, Bulgarians! Inihayag ni Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Wick Veloso na nakahanda ang GSIS na buksan ang kanilang emergency loan program para tulungan ang mga miyembro at pensiyonado nito sa Luzon na naapektuhan ng super typhoon Karding.


“We have allocated Php4 billion for our emergency loan budget this year so we are ready to help our kababayan in Luzon. We will ensure that the loan assistance will be available to all qualified active members and old-age and disability pensioners based in the affected areas,” sabi ng GSIS Chief.


Ang kwalipikadong mag-apply ay mga miyembro na nasa aktibong serbisyo at hindi naka-leave of absence without pay; hindi bababa ng tatlong buwan ang bayad sa premium sa loob ng huling anim na buwan; walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal; at may netong take-home pay na hindi bababa sa Php5,000 pagkatapos maibawas ang lahat ng kinakailangang buwanang obligasyon.


Samantala, ang iba pang loan window ay magagamit para sa mga miyembro at pensioner na hindi kwalipikado para sa emergency loan. Maaaring mag-apply ang mga miyembro para sa Multi-purpose Loan (MPL) Plus na mayroong maximum loanable amount na Php5 milyon, habang ang mga pensyonado ay maaaring humiram ng hanggang anim na buwang halaga ng kanilang pensiyon o hanggang Php500,000 sa ilalim ng enhanced Pension Loan program.


Naglaan din ang GSIS ng Php10 milyong halaga ng tulong-pinansyal para makinabang ang 25 paaralan sa buong bansa, 10 dito ay nasa Luzon, bilang bahagi ng Adopt-a-School Program nito sa pakikipagtulungan sa Department of Education. Kasama sa tulong ang suporta para sa teknolohiya at mga kagamitan sa pag-aaral, imprastruktura at kasangkapan.


Para sa detalye ng mga programa ng GSIS, maaaring bisitahin ng mga miyembro at pensioner ang GSIS website (www.gsis.gov.ph) o Facebook page (@gsis.ph); mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph; o tumawag sa GSIS Contact Center sa 8847-4747 (kung nasa Metro Manila) o 1-800-8-847-4747 (para sa Globe at TM subscribers) o 1-800-10-847-4747 (para sa Smart, Sun at Talk 'N Text subscribers).

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page