top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | June 1, 2023



Hello, Bulgarians! Kaugnay ng pagdiriwang ng Hypertension Awareness Month noong nakaraang buwan, nagpaalala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko laban sa pagkakaroon ng mataas na presyon o altapresyon, lalo na ngayong tag-init.


Ang altapresyon ay ang labis na pagtaas ng blood pressure na dumadaloy sa mga ugat ng isang tao o kapag ito ay umabot o mas mataas sa 140/90 mmHg. Ang mga maaaring dahilan nito ay edad, namana sa magulang, nakuha sa paninigarilyo, sobrang timbang, pagkain ng sobrang maalat at matataba, at kakulangan sa ehersisyo.


Ayon sa survey na isinagawa ng Philippine Heart Association, 12 milyong Filipino ang mayroong altapresyon, 65% dito ay alam ang kanilang kondisyon, 37% ang nasa gamutan (treatment) at 13% naman ay nakuha na ang tamang presyon ng dugo.


Upang matulungan ang lahat na makaiwas sa altapresyon, binigyang-diin ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr., ang kahalagahan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta Package, ang pinalawak na primary care benefit para sa lahat ng Filipino. “Layunin ng PhilHealth Konsulta na maagang makita ang anumang karamdaman at maagapan ang paglala ng sakit gaya ng hypertension. Kasama sa paketeng ito ang konsultasyon, health screening, laboratory at mga gamot,” paliwanag ni Ledesma.


Idinagdag pa niya na, “Sa unang konsultasyon ay mayroong health risk assessment kung saan malalaman halimbawa kung hypertensive ang isang tao, mabibigyan ng gamot, at mamo-monitor ang kanyang kondisyon. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang paglala ng karamdaman.”


Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang check-up, health screening at assessment, mga laboratoryo at gamot kasama na ang sa altapresyon na nakalista sa Philippine National Formulary kagaya ng enalapril, metoprolol, amlodipine, hydrochlorothiazide at losartan.


Hinikayat din ni Ledesma na magparehistro at gamitin ang benepisyo ng PhilHealth Konsulta “Upang makaiwas sa mas magastos na gamutan bunga ng paglala ng kondisyon ng pasyente sa mga sakit na maaari namang maagapan gaya ng mataas ng presyon ng dugo.”


Ang lahat ng miyembro ng PhilHealth ay maaaring magparehistro sa mapipiling Konsulta provider sa pamamagitan ng self o assisted registration. Kung self-registration, maaari itong gawin gamit ang Member Portal na maa-access sa www.philhealth.gov.ph. Maaari namang magtungo sa alinmang PhilHealth Local Insurance Office para sa assisted registration.


Tiniyak din ni Ledesma na binabayaran ng PhilHealth ang confinement dahil sa altapresyon na may paketeng P9,000 sa mga accredited Levels 1-3 hospitals sa buong bansa.


 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | May 31, 2023

HELLO, Bugarians! Ngayong buwan ng Mayo, ipinagdiwang ang kapayapaan sa walumpu't siyam (89) na mga lugar sa limampu't siyam na bansa upang gunitain ang mga pagsisikap ng mga mamamayan na itaguyod ang kapayapaan. Noong ika-25 Mayo, nagtipon ang limang libong (5,000) katao sa Peace Gate ng Seoul Olympic Park sa South Korea, at inaasahan na libu-libong indibidwal ang makikilahok sa mga kaganapan hanggang sa katapusan ng buwang ito.

Opisyal na pinamagatang 'HWPL's 10th Annual Commemoration of the Declaration of World Peace and the Peace Walk', ang pandaigdigang pagdiriwang isinagawa ng isang internasyonal na NGO na Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL) na kaugnay ng United Nations Economic and Social Council sa pakikipagtulungan ng mga pampubliko at pribadong organisasyon sa iba't-ibang bansa.


Inalala ni Chairman Lee Man-hee ang mga gawaing pangkapayapaan ng HWPL sa nakaraang sampung taon at sinabi, "Sampung taon na ang nakalipas mula nang tayo ay mangakong magtulungan, at simula noon ay patuloy tayong nananawagan para sa kapayapaan ng buong mundo. Pinagtibay natin na ang kapayapaan ay dapat ituro sa tahanan at paaralan, at ang bawat isa ay dapat maging mga mensahero ng kapayapaan. Pumunta ako sa Mindanao sa gitna ng labanan upang palakasin ang tinig ng kapayapaan at gumawa ng pangako na hindi na magkaka-giyera muli."


Sa parehong araw, magkakasabay na ginanap sa iba't-ibang panig ng Pilipinas ang paggunita sa loob ng mga paaralan at komunidad sa Cavite, Laguna, Lucban, Tarlac, Nueva Ecija at Cotabato City. Mga Monumento ng kapayapaan, itinatag sa mga paaralan at Pamantasan. Ang mga paaralan at Unibersidad na sumusuporta sa inisyatibang peace education ng HWPL ay nagtatag ng mga monumento ng kapayapaan bilang tanda ng pangakong lumikha ng isang mapayapang kapaligiran sa loob ng kampus.


Unang nagdiwang sa buwan ng Mayo ang Victorious Christian Montessori (VCM) sa GMA, Cavite; ito ang unang pribadong paaralan na nagtuturo ng HWPL Peace Education bilang isang hiwalay na asignatura mula sa K-12, Kasabay ng unveiling ceremony ng peace monument, inilunsad din nila ang Peace Education Organization at nagdaos ng panunumpa para sa mga opisyal. Nakilahok din ang mga mag-aaral sa iba't-ibang aktibidad tulad ng pagsulat ng mga mensahe at panalangin para sa kapayapaan sa freedom wall, recycle drive at pagbibigay-donasyon ng mga lumang laruan at damit para sa mga nangangailangan.


Sa mga pampublikong unibersidad na sakop ng Commission on Higher Education (CHED), libu-libong mag-aaral, opisyal ng paaralan, at mga peace advocates ang nakiisa sa unveiling ceremony ng mga monumento ng kapayapaan sa Tarlac Agricultural University (TAU) at Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST). Isinagawa ang proyektong ito sa pakikipagtulungan sa Volunteer Individuals for Peace (VIP), isang NGO na pinamumunuan ni CHED Commissioner Dr. Ronald L. Adamat.


Nasasabik si Dr. Engr. Feliciana Jacoba, presidente ng NEUST, na isagawa ang kanilang flag ceremony sa gitna ng kanilang kampus kung saan nakatayo ang bagong istruktura. Sinabi rin niya na sa pamamagitan nito. "ginagarantiya at matibay na susundin ng unibersidad ang pagtataguyod ng kapayapaan" sa loob at labas ng kanilang paaralan.


Sa ngayon, mayroon ng labinlimang (15) mga monumento ng kapayapaan ang HWPL sa buong Pilipinas; siyam (9) sa mga ito nasa loob ng mga kampus.


Peace Wall


Binuksan sa publiko ang isang Peace sa Pila, Laguna. Ito ay dinisenyo ng lokal na artist na si Kirk Ryan San Jose mula sa ideya ni Mrs. Vikki Yu, HWPL Regional Coordinator, sa pakikipagtulungan sa DepEd Laguna Pila Sub-office. Bilang bahagi ng inisyatibang peace education, nilalayong palaganapin ang kamalayan sa kapayapaan ng mga kabataan lalo na sa mga mag-aaral, sa pamamagitan ng graffiti o street art.


Peace Float


Libo-libong mga tao at turista ang dumayo sa pahiyas Festival ngayongtaon sa Lucban, ang "art capital" ng Quezon. Kilala bilang isa s pinakamakukulay na pista sa bans, ito ay ginugunita tuwing ika-15 ng Mayo bilang pasasalamat ng mga residente sa Diyos para sa kanilang ani at pagkilala sa patron ng mga magsasaka na si San Sisidro Labrador.


Kabilang sa mga magagarang float na pumarada ay ang HWPL Peace Float, kung saan nakasulat ang katagang "Peace is Here."

















































 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | May 29, 2023




Hello, Bulgarians! Ang Carlos Palanca Foundation, Inc., isponsor at tagapangasiwa ng ika-71 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, ay nagpapaalala sa mga nais lumahok sa patimpalak na ipasa na ang kanilang akda bago ang takdang petsa na Mayo 31, 2023.


Ngayong taon, tumatanggap ang pinakamatagal at pinaka-prestihiyosong patimpalak pampanitikan ng mga entry para sa 20 kategorya, kabilang ang:

  • English Division – Short Story, Short Story for Children, Essay, Poetry, Poetry Written for Children, One-act Play, at Full-length Play

  • Filipino Division – Maikling Kuwento, Maikling Kuwentong Pambata, Sanaysay, Tula, Tula Para sa mga Bata, Dulang May Isang Yugto, Dulang Ganap ang Haba, at Dulang Pampelikula

  • Regional Languages Division – Short Story-Cebuano, Short Story-Hiligaynon, at Short Story-Ilokano

  • Kabataan Division – Kabataan Essay at Kabataan Sanaysay


Kabataan Essay: “Emerging out of the Pandemic, what are the most pressing issues surrounding mental health among youth and how can Society and Government help in addressing these concerns for the growth and well-being of our younger generations?”


Kabataan Sanaysay: “Sa pagsulong mula sa Pandemya, ano ang mga pinakamabibigat na isyung pumapalibot sa kalusugan ng isip ng mga kabataan, at paano makatutulong ang Lipunan at Pamahalaan na tugunan ang mga ito para sa ikauunlad at ikabubuti ng ating mga nakababatang henerasyon?”


Maaaring ma-sumite ng isang entry lamang bawat kategorya. Ang mga gawang nakatanggap ng parangal sa ibang paligsahan sa araw mismo o bago ang Mayo 31, 2023 ay hindi tatanggapin. Ang mga gawang nailimbag o naisa-produksyon na sa pagitan ng Hunyo 1, 2022 hanggang Mayo 31, 2023 at mga gawa na hindi pa naisa-produksyon o hindi pa nailimbag ay maaring ipasok sa patimpalak. Tanging mga gawang hindi pa naisa-produksyon ang maaaring ipasa sa kategoryang Dulang Pampelikula.


Matatagpuan ang mga tuntunin at entry forms sa opisyal na website ng Palanca Awards, <http://www.palancaawards.com.ph/>.


Lahat ng mga akda ay dapat ipasa ONLINE sa opisyal na website ng CPMA. Ang Carlos Palanca Foundation ay HINDI TUMATANGGAP NG MGA PRINTED AT EMAIL SUBMISSIONS para sa lahat ng kategorya.


Ang mga papalaring manalo ay pararangalan sa isang espesyal na seremonya bago matapos ang taon. Makipag-ugnayan sa tanggapan ng CPMA sa <CPFoundation@palancaawards.com.ph> o sa (632) 8843-8277 / (632) 8478-7996 para sa iba pang katanungan. Hanapin si Ms. Leslie Layoso o Ms. Susan Castillo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page