ni Lolet Abania | November 23, 2021

Limampu’t anim mula sa kabuuang 100 pampublikong paaralan ay walang naiulat na anumang COVID-19 infection sa kanilang mga estudyante at mga guro sa unang linggo ng pilot implementation ng face-to-face classes, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Martes.
“Sa unang linggo ng ating pagpapatupad ng pilot limited face-to-face [classes] ay wala po tayong naitalang kaso ng COVID sa mga lugar na ito,” ani DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa isang press conference.
“As we have emphasized, we have so far gathered information from 56 out of the 100 for the 100 public schools,” sabi ni Garma.
May ilang pampublikong eskuwelahan naman ang nag-report ng mga hamon na naranasan ng mga estudyante na nakiisa sa pilot in-person instruction.
Ayon kay Garma, 18 paaralan ang nag-ulat na ilang estudyante ang hindi na nakasama sa programa dahil sa pagkakasakit ng mga ito gaya ng lagnat, ubo, sipon at iba pa. Pito naman ang nagsabing ang kanilang mga estudyante ay nag-a-absent dahil sa nahihirapang pumunta sa eskuwelahan at umuwi ng bahay. Labing-isa ang nag-report na ang kanilang mga estudyante ay maraming obligasyon at mga errands sa bahay.
Tatlo naman ang hindi makapasok dahil sa natural calamities o kalamidad, habang 11 eskuwelahan ang nag-ulat na ang kanilang mga estudyante ay hindi pa handa na pumasok sa klase.
Sinabi rin ni Garma na habang nagkaklase, ilang kindergarten learners ang nahihirapang magsuot ng kanilang face masks sa buong oras nila sa paaralan.
“Isa ito sa mga bagay na gusto nating talagang ma-integrate sa ating face-to-face learning, na masanay at maunawaan ng ating mga maliliit na mag-aaral kung bakit kailangan na palaging suot ‘yung kanilang face masks,” sabi ni Garma.
“First time po ng mga bata na bumalik at tumungtong sa school, first time nilang makasalamuha ‘yung kanilang mga kaklase, ngayon lang sila makaka-interact with their teachers. So hindi maiiwasan ang ating mga pupils ay hindi talaga mapapanatili sa upuan lamang, talagang tatayo sila, maglalakad, maglalaro,” paliwanag ni Garma, kung saan pinag-iisipan na rin ng DepEd kung paano mareresolbahan ang sitwasyon.
Panawagan ni Garma, ang mga matatanda ay dapat magsilbing ehemplo sa mga estudyante sa pagsusuot ng face masks dahil sa ilan sa mga indibidwal sa paligid ng mga paaralan ay nai-report na walang suot na face masks.
Giit naman ni DepEd Secretary Leonor Briones, “The temptation might be to emphasize what the challenges are na kung i-proportion mo ‘yan sa more than 100,000 teachers na nagbigay ng feedback, hindi naman ganu’n kalaki... Pero overall, it was expected na kitang-kita naman na lahat-lahat natutuwa.”






