top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 17, 2023




Patuloy ang joint investigation ng Senate Committee on Energy at Committee on Public Services kaugnay sa malaking problema sa brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng mababang uri ng pamamalakad ng electric cooperatives.


Kaugnay nito, ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, ang pagpasok ng mga private players tulad ng More Electric and Power Corporation (More Power), ang susi para mapabuti ang power service at maiwasan na ang paulit-ulit na brownout.


Ayon sa mambabatas, sa loob lamang ng tatlong taon mula nang mabigyan ng legislative franchise ay nagawang maresolba ng kumpanya ang malaking problema sa brownout at mataas na singil sa kuryente sa Iloilo City.


Ayon naman kay More Power President and Chief Executive Officer Roel Castro, mula nang i-takeover ng kumpanya ang power supply sa Iloilo City mula sa Panay Electric Company (PECO) ay nakapag-invest na ng P1.5 bilyong halaga ng investments na nakatuon para sa modernisasyon ng power distribution facilities.


Bunsod ng modernisasyon, nabawasan ng 90% ang power interruptions, naiwasan ang overloading at illegal connections na nagresulta sa pagbaba ng system loss na ipinapasa sa mga consumer, ang response time sa consumer complaints ay agad ding natutugunan sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto at bumaba ang singil sa kuryente.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 12, 2023




Nagpatupad ng ikalawang yugto ng bill deposit refund para sa kanilang eligible consumer ang More Electric and Power Corporation (More Power), electricity provider sa Iloilo City.


Ang kusang pagsasauli ng bill deposit ay inisyatibo ng kumpanya bilang pagpapahalaga sa mga consumers na hindi pumalya at nagbabayad ng kanilang electric bill sa tamang oras sa loob ng 36 buwan o tatlong taon.


Matatandaang noong Mayo, unang nagbalik ng bill deposit ang nasabing kumpanya, nitong Hunyo naman ay nasa 20 consumers ang nakatanggap, habang ngayong Hulyo, 65 konsyumer ang mabibigyan ng refund at hanggang sa pagtatapos ng taon ay inaasahang nasa 777 customers pa ang magiging eligible sa programa.


Ipinaliwanag ni More Power President at CEO Roel Castro na hindi reward ang bill deposit refund kundi karapatan ng mga konsyumer sa ilalim ng Magna Carta for Residential Consumers.


Ayon naman kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Atty. Monalisa Dimalanta, karapat-dapat lamang na ikomenda ang More Power sa magandang halimbawa na ipinapakita nito sa ibang distribution utilities.

Ikinatuwa rin ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang maayos na serbisyo ng More Power.


"This exemplary act sets the benchmark for others to follow," ani Francis Cruz, Special Assistant to Mayor Jerry Treñas.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 11, 2023

ni Mai Ancheta @News | July 11, 2023




Magbabawas ng singil sa kuryente ngayong Hulyo. Ayon kay Joe Zaldariaga, Meralco Corporate Communications Head, tatapyasan ng P 0.7213 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente ngayong buwan kaya ang magiging overall rate sa bill ay lalabas na lang na P11.1899 per kilowatt hour.


Kung ang isang consumer ay kumukonsumo ng 200 kilowatt per hour kada buwan, lalabas na P144 ang mababawas sa bill ngayong Hulyo.


Sinabi ni Zalderiaga na bumaba ang singil sa generation charge ng 64 centavos kada kilowatt hour ngayong buwan, pangalawang straight na buwan na ito.


Mananatili ring suspendido hanggang Agosto ang pangungolekta ng feed-in tariff allowance kaya bumaba ang singil sa taxes charge ng Meralco.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page