top of page
Search

by Info @Editorial | May 13, 2025



Editorial

Hindi nagtatapos ang papel ng mamamayan sa pagboto lamang. 

Sa halip, doon pa lamang nagsisimula ang tunay na hamon ng pagiging isang responsableng mamamayan — ang pagbabantay at paniningil sa mga nanalong opisyal kung sila ba’y tutupad sa kanilang mga pangako at gaganap nang tapat sa tungkulin.


Hindi maikakaila na sa panahon ng kampanya, marami sa mga kandidato ang todo-pramis ng magagandang plano para sa bayan. 


Ngunit ilan sa kanila ang matapos mahalal ay nalilimutan ang kanilang sinumpaang tungkulin. Ang iba pa nga ay nalulunod sa kapangyarihan, at sa halip na pagsilbihan ang taumbayan, ay sarili nilang interes ang inuuna. Kaya naman mahalaga ang pagbabantay. 


Ang demokrasya ay hindi lamang umiikot sa karapatang bumoto kundi sa aktibong partisipasyon sa integridad ng gobyerno. 


Kailangang ipaalala sa mga halal na opisyal na sila ay lingkod-bayan, hindi panginoon. Sa pamamagitan ng mapanuring pagtingin sa mga proyekto, paggamit ng pondo, at pamamalakad ng mga lider, maipapakita nating hindi tayo basta-bastang makalilimot o mapapaniwala.


Sa huli, ang tagumpay ng halalan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng bumoto o sa bilis ng bilangan ng boto, kundi sa kung paano natin sinisigurong ginagampanan ng mga halal ang kanilang tungkulin. 


Ang tunay na tagumpay ay kapag ang bayan ay nagkaisa, hindi lang sa pagpili ng pinuno, kundi sa patuloy na pagpapaalala sa kanila kung bakit sila naroon—upang magsilbi, hindi paglingkuran.


 
 

by Info @Editorial | May 12, 2025



Editorial

Ngayong araw, muling susubukin ang kinabukasan ng ating bayan. 

Milyun-milyong Pilipino ang dadagsa sa mga presinto upang pumili ng mga lider na mamumuno sa susunod na mga taon. 


Sa gitna ng init ng araw, mahahabang pila, at tensyon sa pagitan ng magkakaibang panig, isa lang ang hindi dapat matahimik — ang ating konsensiya.Sa boto ng bawat isa ay nakataya ang kinabukasan ng edukasyon ng mga bata, ang kalusugan ng mga mamamayan, ang trabaho para sa naghihirap, at ang hustisya para sa mga naaapi. 


Kaya ngayong araw, huwag basta bumoto. Bumoto nang may pagninilay. Bumoto nang may paninindigan.Walang perpektong kandidato, ngunit mayroong tama sa pagitan ng mali. Hindi sa kulay o kasikatan nasusukat ang isang lider, kundi sa kanyang kakayahan, katapatan, at malasakit sa bayan. 


Huwag hayaang madiktahan ng pera, takot, o impluwensya ang iyong desisyon. Tanging ang konsensiya lamang ang dapat mong sundin.Ngayong araw ng halalan, tahimik ang boto, ngunit malakas ang epekto. Isang araw lang ito sa kalendaryo, pero may bigat na maaaring maramdaman sa loob ng maraming taon. 


Kaya bago itiman ang bilog sa balota, tanungin ang sarili: ito ba ang lider na nais kong ipagkatiwala ang kinabukasan ng aking pamilya at ng aking bayan?

 
 

by Info @Editorial | May 10, 2025



Editorial

Walo katao ang naaresto at ikinulong dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa vote-buying o pagbili ng boto sa gitna ng halalan. 


Ang insidenteng ito ay muling nagpapaalala ng isa sa mga pinakamatagal nang suliranin ng ating bansa — ang pagbebenta at pagbili ng boto na sumisira sa dangal ng halalan.


Ang pagkakakulong ng mga indibidwal na ito ay isang mahalagang hakbang upang maipakita na may batas na ipinatutupad at may kaukulang kaparusahan sa mga lumalabag dito. Gayunman, ang insidenteng ito ay hindi pa sapat upang matigil ang kultura ng vote-buying sa bansa. Sa katunayan, ang insidenteng ito ay isa lamang sa napakaraming kaso na hindi nabibigyan ng aksyon.


Ang vote-buying ay hindi simpleng paglabag sa batas — ito ay paglapastangan sa karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga lider sa malinis at patas na paraan. 


Kapag pinili ng isang kandidato na bumili ng boto, ipinapakita lamang nito na hindi siya handang manalo sa pamamagitan ng galing, plataporma, at serbisyo. At kapag ang isang botante ay tumanggap ng pera kapalit ng kanyang boto, ipinagpapalit niya ang kinabukasan ng bayan para sa pansamantalang kaginhawaan.Hindi sapat ang pagkulong lamang sa mga maliliit na sangkot.


Kailangang habulin kung sino ang mga nasa likod ng mga operasyong ito — ang mga kandidato o tagasuporta na silang tunay na nakikinabang. 


Kailangang papanagutin hindi lamang ang mga utusan, kundi pati ang mga nasa itaas na nagbibigay ng utos.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page