top of page
Search

by Info @Editorial | May 20, 2025



Editorial

Ngayong tapos na ang halalan, panahon na upang isantabi ang bangayan, paninira, at walang tigil na pamumulitika. 


Tapos na ang labanan ng kulay at pangalan. May nanalo, may natalo, at sa kabila ng lahat, iisa ang dapat manaig, ang kapakanan ng bayan.


Ang halalan ay isang mahalagang bahagi ng ating demokrasya. Ito ang panahon ng pagpili kung sino ang karapat-dapat mamuno. Ngunit matapos ang botohan, dapat nang magkaisang muli bilang iisang sambayanan. Hindi makabubuti sa bansa kung watak-watak ang taumbayan dahil sa ‘di pagkakaunawaan sa pulitika.


Sa mga halal na opisyal, ito na ang panahon ng pagseserbisyo. Hindi na kampanya ang kailangan kundi mabilis, epektibo at tapat na aksyon. Gamitin ang ipinagkatiwalang posisyon upang isulong ang tunay na reporma at solusyon sa mga isyung kinahaharap ng mamamayan—mula sa kahirapan, edukasyon, kalusugan, hanggang sa kapayapaan.


Sa mamamayan, maging mapagmatyag at responsable. 

Suportahan ang mga programang para sa ikabubuti ng lahat at itama ang mali sa paraang marangal at makabayan.

 
 

by Info @Editorial | May 19, 2025



Editorial

Sa nakaraang eleksyon, kapansin-pansin ang mas mataas na antas ng partisipasyon ng mga kabataan. 


Sila’y hindi lamang nanood sa gilid—bagkus, aktibong lumahok, nagparehistro, bumoto, at nagbantay sa proseso. Ipinakita nilang sila’y handa nang makibahagi sa pagpapasya para sa kinabukasan ng bansa.


Ang kanilang boto ay hindi lamang simpleng papel sa balota. Ito ay simbolo ng tiwala—tiwala na ang demokrasya ay buhay pa, at ang bawat boto ay may saysay. Tiwala na ang kanilang boses, gaano man kabago sa larangan ng pulitika, ay may kakayahang bumago sa sistema.


Kasabay ng tiwalang iyon ay ang isang paalala: huwag silang biguin. Huwag sayangin ang pag-asang kanilang inalay. 


Ang mga nahalal na opisyal ay may moral at panlipunang obligasyong tuparin ang kanilang mga pangako—ang ipaglaban ang edukasyon, trabaho, kalikasan, at karapatang pantao, mga isyung malapit sa puso ng kabataan.Panahon na upang patunayan na ang boto ng kabataan ay hindi sayang. Panahon na upang ipadama sa kanila na hindi sila nagkamali sa pagtitiwala. 


Ang kanilang paglahok ay pagmamahal sa bayan—suklian natin ito ng tapat, makatao, at makabayang pamumuno.


 
 

by Info @Editorial | May 18, 2025



Editorial

Tapos na ang eleksyon, kasunod nito, nabuhay naman ang pag-asa ng sambayanan para sa mas magandang bukas — hindi lamang sa mga pangakong binitiwan ng mga nanalong kandidato, kundi lalo na sa mga batas na inaasahang maipapasa para sa ikabubuti ng nakararami.


Tungkulin ng mga senator at congressman na lumikha ng mga batas na tumutugon sa mga pangunahing isyu ng bansa: kahirapan, edukasyon, kalusugan, seguridad, at karapatang pantao. 


Kaya inaasahan nating ang mga halal na opisyal ay magsisilbing tunay na boses ng kanilang nasasakupan.Hindi rin sapat ang pagiging aktibo sa mga pagdinig o paglalabas ng opinyon sa media. Ang sukatan ng tunay na serbisyo ay nasa kalidad at kabuluhan ng mga panukalang batas na ihahain — mga batas na may direktang epekto sa buhay ng bawat Pilipino. 


Nasa kamay ng mga mambabatas ang kapangyarihang magbago ng landas ng bansa. Ang tanong, gagamitin ba nila ito para sa pansariling interes, o para sa kapakanan ng bayan?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page