top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 27, 2025

by Info @Editorial | December 27, 2025



Editoryal, Editorial


Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 28 bilang ng firework-related injuries (FWRI) sa buong bansa sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.

Sa abiso nitong Pasko, nabatid na mula Disyembre 21 hanggang 25 ay may naitala silang walong bagong kaso ng FWRI.


Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay 50% na mas mababa kumpara sa 58 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2024.


Batay sa datos, natukoy na 68% ng mga biktima ngayong taon ay nasa edad 19 pababa.

Taun-taon, may nasusugatan at napipinsala dahil sa kawalan ng disiplina at pag-iingat sa paggamit nito. Paulit-ulit na ang paalala, pero paulit-ulit din ang aksidente.


Ang paputok ay delikado. Isang maling sindi, hawak, o pagbili ng ilegal na paputok ay maaaring magdulot ng paso, pagkaputol ng daliri, o mas malalang pinsala. Madalas, mga bata ang biktima dahil pinapayagang magpaputok nang walang gabay.


Responsibilidad ng mga magulang at nakatatanda na pigilan ito. Kailangan din ng malinaw na pagbabawal at mahigpit na pagbabantay. Kung hindi kayang maging responsable, huwag na lang gumamit ng paputok.


Mas mahalaga ang kaligtasan kaysa ilang minutong ingay at liwanag.

 
 

by Info @Editorial | December 23, 2025



Editoryal, Editorial


Halos sunud-sunod na naman ang mga balita tungkol sa mga kabataang nasasangkot sa rambol lalo nang mag-umpisa ang Simbahang Gabi. 

Sa halip na silid-aralan at ligtas na komunidad, sila'y nasa lansangan gumagawa ng karahasan. 


Hindi ito simpleng usapin ng disiplina; ito'y palatandaan ng kakulangan sa gabay, oportunidad at maagap na aksyon ng pamahalaang lokal.


May mahalagang papel ang Local Government Units (LGUs) sa pagharap sa problemang ito. Sila ang pinakamalapit sa komunidad—alam nila kung saang barangay ang mataas ang panganib, kung sinu-sino ang mga kabataang nangangailangan ng tulong, at kung anong mga programa ang epektibo. Gayunman, kung umaaksyon lang kapag may nasaktan o may nangyaring insidente, patuloy na mauulit ang problema.


Kailangang palakasin ang preventive programs: after-school activities, sports at arts programs, at skills training na nagbibigay ng direksyon at pag-asa sa kabataan. 


Buhayin ang ugnayan ng paaralan, barangay at magulang upang maagang matukoy ang mga batang naliligaw ng landas. 


Tiyakin din ang maayos at makataong pagpapatupad ng batas, na nakatuon sa rehabilitasyon at hindi lamang parusa.


Hindi rin maaaring kalimutan ang ugat ng problema—kahirapan, kawalan ng trabaho ng magulang, at kakulangan ng ligtas na espasyo para sa kabataan. Dito dapat pumasok ang malinaw na plano at sapat na pondo ng LGUs. 


Maunawaan sana natin na ang kabataan ay hindi problema; sila ay yaman. Ngunit kung pababayaan, ang yaman ay maaaring maging panganib—hindi dahil sa likas na masama, kundi dahil sa kakulangan ng gabay at oportunidad.


Panahon na upang kumilos ang LGUs. Ang kinabukasan ng komunidad ay nakasalalay sa kinabukasan ng kabataan.


 
 

by Info @Editorial | December 22, 2025



Editoryal, Editorial


Tuwing dumarating ang holidays, kasabay ng kasiyahan ang isang problemang hindi na bago—ang tambak na basura. 


Mula sa pinagbalatan ng handa, sobra-sobrang plastic ng mga regalo, hanggang sa single-use containers, tila nagiging tradisyon na rin ang pagdami ng kalat. 


Sa halip na matapos sa masasayang alaala, naiiwan ang mabigat na tanong: hanggang kailan ba natin hahayaang maging sakit sa ulo ang basurang tayo rin ang may gawa?

Hindi maikakaila na ang holidays ay panahon ng pagbibigayan at pagsasama-sama, ngunit hindi ito dapat maging dahilan ng kawalang-disiplina. 


Ang mga estero at kalsada na nababarahan ng basura ay nagdudulot ng baha, sakit, at polusyon—mga problemang bumabalik sa atin paglipas ng selebrasyon. 


Panahon na para baguhin ang nakasanayan. Ang mga simpleng hakbang tulad ng tamang segregasyon, paggamit ng reusable containers at pag-iwas sa sobrang pagbili ay malaking tulong na. 


Kung gusto nating matapos ang taon nang magaan, dapat magsimula tayo sa pagbabawas ng basurang iniiwan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page