top of page
Search

by Info @Editorial | May 25, 2025



Editorial

Habang papalapit ang pagbubukas ng klase, muling humaharap ang bawat mag-aaral, magulang, at guro sa hamon ng paghahanda — hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi pati na rin sa emosyonal at mental. 


Ang pagbabalik-eskwela ay hindi lamang basta pagpasok sa silid-aralan, ito ay panibagong yugto ng pagkatuto, pagkakaisa, at pangarap. Hindi maikakaila na ang paghahanda para sa pasukan ay nagsisimula sa bahay. 


Ang mga magulang ay nagsusumikap upang makabili ng mga gamit, uniporme, at iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak. 


Ngunit higit pa sa materyal na bagay, ang tunay na paghahanda ay nasa pagbibigay ng suporta at gabay sa mga mag-aaral upang mapagtagumpayan nila ang bagong taon ng pag-aaral.


Sa mga guro, ang pagbabalik-eskwela ay hudyat ng panibagong misyon. Sila ang haligi ng kaalaman at disiplina sa loob ng paaralan. Kinakailangan ang masusing pagpaplano, dedikasyon, at malasakit upang matugunan ang pangangailangan ng bawat mag-aaral — lalo na sa panahong ito na patuloy pa rin nating nararamdaman ang epekto ng mga nagdaang krisis sa edukasyon.


Sa mga mag-aaral naman, ang simula ng klase ay pagkakataong itama ang dating pagkukulang, magsikap nang higit, at linangin ang mga talento’t kakayahan. 


Ngayong pasukan, simulan natin ang paghahanda sa tamang pag-iisip at positibong pananaw. Panahon na upang magkaisa ang buong komunidad para sa iisang layunin — ang maitaguyod ang dekalidad at makataong edukasyon para sa lahat.

 
 

by Info @Editorial | May 24, 2025



Editorial

Sa ilalim ng isang gobyerno na nangangakong maghahatid ng maayos, mabilis, at tapat na serbisyo, walang puwang ang mga opisyal at empleyado na inutil, pabaya, o tiwali. Kaya’t kung may dapat sibakin — sibakin.


Ang posisyon sa gobyerno ay hindi gantimpala para sa mga kaalyado o kaibigan, kundi isang mabigat na responsibilidad para sa bayan. Ang bawat manggagawa sa gobyerno ay tagapamahala ng mahahalagang ahensya: edukasyon, kalusugan, agrikultura, transportasyon, at iba pa. Ang kanilang kakayahan o kakulangan ay may direktang epekto sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.


Kung may opisyal o tauhan na hindi makapaghain ng solusyon sa krisis, palaging may sablay sa pagpapatupad ng programa, o paulit-ulit na nababalot sa kontrobersiya — bakit mananatili pa siya sa puwesto?


Sa isang sistemang madalas ay tikom ang bibig sa kapalpakan ng mga kaalyado, ang desisyong magsibak ay senyales ng tapang at paninindigan.


Ngunit hindi sapat ang sibak lang nang sibak. Dapat masiguro na ang ipapalit ay may tunay na kakayahan. Dapat ito’y may track record ng serbisyo, hindi ng kampanya.


Kung nais ng pamahalaan na mapanatili ang tiwala ng publiko, kailangang ipakita nito na ang kapalpakan ay may kapalit — at ang serbisyo-publiko ay hindi puwedeng gawing personal na negosyo.


 
 

by Info @Editorial | May 23, 2025



Editorial

Kamakailan, isang edad 14 na babae ang naging biktima ng panggagahasa matapos makipagkita sa isang 34-anyos na lalaki sa nakilala lang sa isang online gaming application. 


Ang krimeng ito ay dapat nang ikabahala ng buong lipunan — sapagkat hindi na bago ang ganitong modus sa digital na mundo.


Sa panahon ngayon, ang internet ay naging pangunahing larangan ng social interaction ng kabataan. Ngunit sa kabila ng mga benepisyo ng teknolohiya, kalakip din nito ang mga panganib tulad ng online grooming, panlilinlang, at pang-aabuso ng mga mapagsamantalang indibidwal.


Ang kasong ito ay malinaw na paalala na ang mundo ng internet ay hindi ligtas para sa mga bata kung sila ay walang sapat na gabay. 


Maraming magulang kasi ang abala o kampante at iniisip na ang kanilang mga anak ay ligtas basta nasa bahay. Ngunit ang katotohanan, mas marami nang banta sa loob ng cellphone kaysa sa labas ng kalsada.


Hindi man natin laging kayang bantayan ang bawat sandali ng ating mga anak, ngunit kaya nating turuan sila ng self-awareness at discernment. Mahalaga ring makipag-ugnayan ang mga magulang sa isa’t isa at sa mga guro upang sama-samang maprotektahan ang mga kabataan. 


Kaya mahalagang ipaalala sa mga magulang na bantayan ang online activities ng ating mga anak. Kaunting tanong gaya ng “sino ang ka-chat mo?” o “ano ang nilalaro mo?” ay maaaring makaiwas sa trahedya. 


Ang pag-iingat ay hindi hadlang sa kalayaan ng kabataan kundi ito’y isang hakbang upang mapanatili ang kanilang kaligtasan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page