top of page
Search

by Info @Editorial | May 28, 2025



Editorial

Sa wakas, aarangkada na ang pagsasaayos ng EDSA — ang pangunahing kalsada sa Metro Manila na matagal nang simbolo ng trapik at stress.


Gayunman, sa rami ng proyektong sinimulan ngunit hindi tinapos, hindi maiiwasan ang tanong: magiging tunay bang pagbabago ito o panibagong abala lamang? Hindi biro ang hamon ng ‘EDSA Rebuild’. Milyun-milyong sasakyan ang dumadaan dito. Araw-araw, napakaraming mamamayan ang umaasa sa kalsadang ito para makapasok sa trabaho, paaralan, o tahanan. Kaya’t kung hindi maayos ang pagpapatupad, maaaring lumala pa ang problema sa halip na maresolba.


Ang proyekto ay dapat maging bahagi ng mas malawak na plano para sa urban mobility — mula sa mas episyenteng pampublikong transportasyon, ligtas na kalsada para sa mga naglalakad at nagbibisikleta, hanggang sa modernong traffic control system.At higit sa lahat, dapat ito’y may accountability.


Kailangang masiguro na walang korupsiyon, walang palakasan, at walang shortcut. Dapat may malinaw na timeline, bukas sa publiko ang progreso, at may pananagutan ang mga opisyal kung may pagkukulang.Ang EDSA Rebuild ay pagkakataong maipakita ng pamahalaan na kaya nitong solusyunan ang matagal nang suliranin. 


Panahon na upang patunayan na ang gobyerno ay hindi lang magaling sa plano, kundi mahusay din sa pagpapatupad.


Samantala, payo naman sa lahat ng maaapektuhan ng proyekto, magbaon ng mas mahabang pasensya o mag-isip na ng diskarte kung paano makakaiwas sa EDSA para makarating pa rin sa pupuntahan nang hindi masyadong mapeperhuwisyo.


 
 

by Info @Editorial | May 27, 2025



Editorial

Sa gitna ng mga krisis, isa sa pinakamalaking hadlang sa tunay na kaunlaran ng bansa ay ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin — mga pabigat sa sistema na dapat nang tanggalin.Hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang mga ulat ng korupsiyon, kapalpakan, at pagiging inutil ng ilan sa mga nasa posisyon. 


Habang milyun-milyong Pilipino ang nagsusumikap at nagbabayad ng buwis, may iilan namang nagpapasasa sa kapangyarihan at benepisyo ng pamahalaan nang hindi nag-aambag ng sapat na serbisyo o malasakit. 


Sila ang mga taong ginagamit ang kanilang puwesto para sa pansariling interes.Ang pagkakaroon ng mga "inefficient" o "incompetent" na tauhan sa gobyerno ay hindi lamang nagpapabagal sa mga proseso — sila’y hadlang sa mabilis at makataong serbisyo. 


Ang paglilingkod sa taumbayan ay isang tungkulin, hindi pribilehiyo. Kung walang maipakitang resulta, kung wala namang malasakit sa bayan — tanggalin na.


Panahon na para maglinis. Sibakin ang mga pabigat — para sa mas maayos, mas tapat, at mas makataong pamahalaan.

 
 

by Info @Editorial | May 26, 2025



Editorial

Isa sa mga pangunahing suliranin na patuloy na hinaharap ng sektor ng edukasyon sa Pilipinas ay ang kakapusan sa bilang ng guro. 


Sa kabila ng pagtaas ng populasyon ng mga mag-aaral at ang pangangailangan para sa dekalidad na edukasyon, hindi sapat ang bilang ng mga kuwalipikadong guro na naglilingkod sa iba’t ibang paaralan, lalo na sa mga liblib at mahihirap na lugar.


Ang kakapusan sa guro ay nagdudulot ng iba’t ibang problema sa sistema ng edukasyon. 


Una, nagiging mahirap para sa mga mag-aaral na makakuha ng tamang gabay at atensyon mula sa kanilang mga guro. 


Nagiging mabigat din ang trabaho ng mga guro na nand’yan, na nagreresulta sa pagbaba ng kalidad ng pagtuturo. 


Bukod dito, nagkakaroon ng overcrowded classrooms na nakakasagabal sa maayos na pagkatuto ng mga estudyante.Upang masolusyunan ang problemang ito, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ng gobyerno at ng Department of Education (DepEd) ang pagdaragdag ng pondo para sa edukasyon, pagsasagawa ng training programs at pagpapalakas ng suporta sa mga titser.


Ang edukasyon ang susi sa pag-unlad ng isang bansa. Hindi maaaring isantabi ang problema sa kakapusan sa guro dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng kabataan at ng buong sambayanan. 


Dapat magkaisa ang pamahalaan, paaralan, at komunidad upang maresolba ang suliraning ito nang mabilis at epektibo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page