top of page
Search

by Info @Editorial | June 1, 2025



Editorial

Habang papalapit ang rebuilding ng EDSA, isa sa pinakamainam na solusyon upang maiwasan ang matinding trapiko ay ang alternatibong work arrangements tulad ng work from home at flexible hours.Napatunayan noong pandemya na epektibo ang ganitong setup.


Bukod sa pag-iwas sa biyahe, nababawasan ang gastos at stress ng mga manggagawa. Tumataas din ang productivity kapag may balanseng oras ang mga empleyado.


Ngunit kailangan dito ang tamang koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor. Dapat suportahan ang maliliit na negosyo at tiyakin ang maayos na internet at digital tools para magtagumpay ang ganitong sistema.


Ang EDSA rebuilding ay isang malaking hamon, ngunit maaari rin itong maging pagkakataon para isulong ang makabagong paraan ng pagtatrabaho. Sa halip na puro sakripisyo, piliin natin ang solusyon.

 
 

by Info @Editorial | May 30, 2025



Editorial

Patuloy ang pagdami ng mga kaso ng child cybersex exploitation sa Pilipinas. 

Isa sa mga pinakabagong ulat ay nagpapakitang hindi na lang ito problema ng mga urbanisadong lugar — maging sa mga liblib, lumalaganap na rin ang ganitong uri ng pang-aabuso.


Nakababahala ito lalo na’t maraming bata sa kanayunan ang walang sapat na proteksyon at edukasyon laban sa mga panganib ng online exploitation. 


Ang mas masaklap, ang ilan sa mga kasong ito ay mismong mga magulang o kamag-anak pa ang sangkot — ginagamit ang inosenteng kabataan para kumita mula sa mga dayuhang kliyente online.


Hindi sapat na sa lungsod lang nakatuon ang pansin ng mga awtoridad. Kailangang mas palakasin ang presensya ng mga ahensya ng gobyerno sa mga lalawigan. 


Dapat na ring magkaroon ng mas masusing surveillance, community awareness, at access sa teknolohiya para mapigilan ang mga kaso ng online sexual abuse bago pa lalong lumala.Mahalaga rin ang papel ng mga lokal na pamahalaan.


Kailangang magsagawa ng mga programa sa ligtas na paggamit ng internet at pagpapabatid ng mga karapatan ng kabataan. Kung saan, lahat ay dapat na lumaking ligtas, may dangal, at malaya sa pang-aabuso. 


Panahon na para seryosohin ang laban sa cybersex trafficking — hindi lang sa lungsod, kundi lalo na sa mga probinsya kung saan kadalasang nakakubli ang krimen sa katahimikan.


 
 

by Info @Editorial | May 29, 2025



Editorial

Ang pagsasaayos ng EDSA ay isang hakbang tungo sa mas maayos at episyenteng daloy ng trapiko. 


Gayunman, sa likod ng proyektong ito ay ang ‘di maikakailang epekto sa kabuhayan ng mga manggagawa, maliliit na negosyante, at arawang kumikita.Marami sa mga apektado ay mga street vendor, tsuper ng jeep, bus, tricycle, at delivery riders na umaasa sa tuluy-tuloy na galaw ng trapiko para sa kanilang kita. 


Ang matinding trapiko, mga pagsasara ng kalsada, at rerouting ay nagdudulot ng pagkaantala sa kanilang operasyon. 


Maaapektuhan din ang mga pasaherong araw-araw sumasakay patungo sa kanilang trabaho — na ang ilan ay nale-late o nawawalan pa ng kita dahil sa pagkaantala.Sa ganitong panahon, mahalagang gumanap ng aktibo at makataong papel ang pamahalaan. Kailangan ng konkretong hakbang tulad ng pagbibigay ng financial assistance, alternatibong ruta at hanapbuhay, pati na rin ang malawakang impormasyon at konsultasyon sa mga apektadong sektor. 


Dapat ay hindi lamang isinusulong ang modernisasyon ng imprastruktura, kundi pati na rin ang kapakanan ng mga taong direktang tinatamaan nito.Ang EDSA Rebuilding ay isang proyekto ng pagbabago — ngunit hindi ito dapat magdulot ng permanenteng pasakit sa mga maliliit. 


Sa halip, dapat itong maging daan para sa isang pag-unlad na sabay na isinasaalang-alang ang kaginhawaan, kabuhayan, at kinabukasan ng bawat mamamayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page