- BULGAR
- Jun 7, 2025
by Info @Editorial | June 7, 2025

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, hindi na limitado sa mga personal na interaksyon ang panlalait sa anyo at katawan ng isang tao.
Sa social media, isang post lang ang kailangan upang mambastos, manira ng imahe, at makapanakit ng damdamin.
Isa sa pinakatalamak na anyo ng online harassment ngayon ay ang body shaming — ang panlalait sa pisikal na anyo ng isang tao, tulad ng pagiging mataba, payat, maitim, may peklat, o kahit sa simpleng pagkakaiba sa ‘pamantayan’ ng kagandahan o kakisigan.Nakababahala na tila normal na lang ito sa online spaces.
Marami ang nagtatago sa likod ng anonymous accounts at malayang bumabato ng masasakit na salita, hindi iniisip ang epekto nito sa mental health ng kanilang binibiktima.
Ang masaklap, maraming biktima ang napipilitang manahimik, magdusa sa depresyon, mawalan ng kumpiyansa sa sarili — at sa ilang malulungkot na kaso, umaabot pa sa pagpapakamatay.Hindi sapat ang simpleng pangaral o paalala.
Panahon na para papanagutin ang mga body shamers. Dapat kilalanin ng batas ang online body shaming bilang isang uri ng cyberbullying na may karampatang parusa.
Kailangan ng konkretong hakbang — mula sa gobyerno, social media platforms, at edukasyon.
Ang online body shaming ay hindi dapat palagpasin — dapat itong aksyunan.




