top of page
Search

by Info @Editorial | June 19, 2025



Editorial

Sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa tumitinding sigalot ng Iran at Israel, muling nayanig ang pandaigdigang presyo ng langis. 


Gaya ng dati, ang epekto nito ay ramdam na ramdam sa mga karaniwang Pilipino — lalo na sa sektor ng transportasyon. 


Isa sa mga unang hakbang, ang hiling ng mga tsuper ng jeep para sa pisong dagdag-pasahe. 


Ngunit ang tanong, makatarungan ba ang dagdag na piso sa pasahe?


Para sa mga tsuper, ito’y isang pangangailangan. Tumataas ang presyo ng diesel, at kasama nito ang mga maintenance cost at araw-araw na gastusin. Para sa kanila, ang dagdag-pasahe ay hindi luho kundi pantawid-buhay.


Ngunit para sa mga pasahero — lalo na ang mga minimum wage earner, estudyante, at mga manggagawa sa informal sector — ang bawat pisong pagtaas ay dagdag na pabigat sa araw-araw na pamumuhay. 


Kaya’t nararapat ang masusing pag-aaral ng gobyerno. Dapat timbangin ang pangangailangan ng mga tsuper at ang kapasidad ng mga pasahero. 


Maaari bang magpatupad ng pansamantalang fuel subsidy sa mga driver habang hindi pa bumababa ang presyo ng langis? 


Maaari bang palakasin ang alternatibong transportasyon o magkaroon ng dagdag na diskuwento para sa mga estudyante at senior citizens?


Sa huli, ang responsibilidad ng pamahalaan ay tiyaking hindi lamang ang ekonomiya ang umiikot, kundi ang bawat Pilipino ay dapat may kakayahan ding sumabay dito.

 
 

by Info @Editorial | June 18, 2025



Editorial

Sa kabila ng naglalakihang pondo para sa mga proyektong tila hindi naman ramdam, nananatiling kapos ang mga paaralan sa mga pangunahing pangangailangan. Paano makakapag-aral nang maayos ang mga kabataan kung walang tubig sa palikuran, patay-sindi ang kuryente, at may banta ng kaguluhan?


Habang panay ang press release ng mga opisyal, may mga guro at estudyante naman na araw-araw ay nakikipagbuno sa kakulangan. Hindi ito simpleng aberya — ito ay malinaw na kapabayaan.


Kung edukasyon ang “priority” bakit parang palaging huling naiisip ang mga paaralan?Oras na para hindi lang magtanong — kundi maningil.


Ang pag-aaral ay hindi lamang dapat umiikot sa mga libro at silid-aralan. Kailangan ng ligtas, komportable at maayos na kapaligiran. 


Ang edukasyon ay hindi lamang responsibilidad ng mga guro — ito ay tungkulin ng buong pamahalaan at lipunan. 

 
 
  • BULGAR
  • Jun 17, 2025

by Info @Editorial | June 17, 2025



Editorial

Pasukan na naman pero para sa ilang eskwelahan, hindi aralin ang inuuna sa unang linggo kundi baha.


Sa ilang pampublikong paaralan, tuwing may ulan o high tide, para kang papasok sa swimming pool imbes na classroom. Hindi biro ang kalagayan. Nagsasakripisyo ang mga guro at estudyante para maitawid ang pag-aaral.


Mula noon hanggang ngayon, problema pa rin ang baha sa ilang iskul. May inspeksyon, may pangako pero sa dulo, baha pa rin. 


Hindi ito dapat tinatanggap na “normal”. Hindi ito parte ng “Filipino resiliency”. Ang mga bata, dapat nag-aaral. Hindi lumulusong sa baha para lang makapasok.


Ngayong nagsimula na ang klase, sana naman magsimula na ring gumalaw ang mga dapat kumilos. Hindi lang ito tungkol sa imprastruktura. Ito ay tungkol sa dignidad, karapatan at kinabukasan.


Marami pang problema sa sistema at kalagayan ng edukasyon, huwag naman sanang dedmahin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page