top of page
Search

by Info @Editorial | July 1, 2025



Editorial

Isang nakababahalang tagpo ang naitala kamakailan kung saan na-hulicam ang ilang estudyanteng piniling tawirin ang rumaragasang ilog habang nakataas ang kanilang kamay upang hindi mabasa ang kanilang bag. Ang eksenang ito, na tila ordinaryo na lang sa mga taga-roon, ay malinaw na salamin ng matinding kakulangan sa imprastrukturang dapat sana’y nagtataguyod sa edukasyon at kaligtasan ng mga kabataan.


Hindi dapat maging normal ang ganitong uri ng panganib. Hindi dapat maging bahagi ng araw-araw na buhay ng isang bata ang paglulusong sa lebel-leeg na ilog, lalo’t ang layunin lamang nila ay makapag-aral at makauwi nang ligtas. 


Nakalulungkot na ang ilang estudyante ay napipilitang isugal ang kanilang buhay dahil sa kawalan ng isang simpleng tulay.


Ang mga otoridad tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at lokal na pamahalaan ay kailangang kumilos, hindi lang sa paggawa ng ulat kundi sa konkretong aksyon. 


Ang edukasyon ay karapatan ng bawat bata, ngunit paano ito maisasakatuparan kung ang mismong daan patungo rito ay puno ng panganib? 


Sa halip na ipagkibit-balikat ang pangyayaring ito, gamitin sana natin ito bilang panawagan para sa tunay na pagbabago at pagkilos — hindi bukas, kundi ngayon.


 
 

by Info @Editorial | June 30, 2025



Editorial

Hindi na raw nakakagulat na maraming kabataan ngayon ang nasasangkot sa krimen. Sa isang sistemang pinababayaan ang edukasyon, kulang sa oportunidad, at puno ng korupsiyon, saan sila kakapit?


Habang ang mga opisyal ng gobyerno ay abala sa pulitika at pansariling interes, ang kabataan ay nahuhulog sa mga bitag ng kahirapan at karahasan. Tila walang maayos na programa at walang malinaw na direksyon. Sa madaling salita, bulok ang sistema.


Ang kabataan ay produkto ng lipunan. Kung sila’y naliligaw ng landas, ibig sabihin, may mga nagkukulang. 


Nabigong maibigay ang maayos na edukasyon, kabuhayan, at proteksyon para sa mga kabataan. Sa halip na paaralan, kalsada ang tahanan ng marami. Imbes na aklat, droga at armas ang nahahawakan nila.


Hindi pa huli ang lahat, sagipin at bigyan ng pag-asa ang mga kabataang nasasangkot sa krimen at ilayo ang mga nalalantad sa masamang gawain.

 
 

by Info @Editorial | June 29, 2025



Editorial


Ang ilegal na droga ay matagal nang salot sa lipunan. Ngunit sa halip na mapuksa, tila lalo pang lumalakas at lumalawak ang operasyon ng mga sindikato. 


Ang mas nakababahala, lantaran na itong naisasagawa — hindi lamang sa mga lansangan, kundi pati na rin sa mundo ng internet.Dati, ang droga ay itinatago sa madidilim na sulok ng mga eskinita, sa likod ng mga bakod o sa mga tagong lugar. 


Ngayon, ito ay naglipana sa mga social media platform, group chats, at mga online marketplace na animo’y ordinaryong produkto lamang ang ibinebenta. 


May mga nagde-deliver pa direkta sa bahay gamit ang mga courier na walang kamalay-malay sa laman ng kanilang mga dala.


Nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga pangako at kampanya laban sa droga, marami pa ring lugar at institusyon ang tila bulag o tikom ang bibig.


Sa ilang kaso, may mga opisyal pa umanong sangkot o nagsisilbing protektor ng mga sindikato. 


Kailangan ng mas pinaigting na aksyon at matalinong estratehiya mula sa pamahalaan. Kailangang paigtingin ang cyber surveillance, i-regulate ang mga platform kung saan nagkakaroon ng bentahan, at palakasin ang rehabilitasyon at edukasyon sa mga komunidad.


Responsibilidad din ng bawat mamamayan ang makialam. Isumbong ang kahina-hinalang aktibidad. Gabayan ang mga kabataan. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page