top of page
Search

by Info @Editorial | July 16, 2025



Editorial


Lumalala ang mga krimen na pawang mga TNVS drivers ang biktima. Halos araw-araw, may ulat ng holdap, pananakit, at paminsan, pagpatay. 


Ang mga drayber na tapat na naghahanapbuhay ay nagiging biktima ng mga kriminal na nagpapanggap lang na pasahero. Ito ay isang malinaw na senyales na kulang ang proteksyong ibinibigay sa kanila.Hindi sapat ang “emergency button” o ride-tracking feature sa app. Kapag ang driver ay nasa panganib, bawat segundo ay mahalaga. Kailangan ng mas mabilis na tugon mula sa mga pulis. 


Kailangan din ng mas mahigpit na background check sa mga pasahero. Kung may ID ang driver, dapat may malinaw ding pagkakakilanlan ang pasahero.Masasabing responsibilidad ng TNVS companies na tiyaking ligtas ang kanilang mga driver. 


Hindi puwedeng kita lang ang habol, habang pinapabayaan ang mga driver sa lansangan. Kailangan ng aktibong koordinasyon sa mga awtoridad, regular na safety training, at malinaw na protocol sa oras ng panganib.Hindi rin dapat manahimik ang pamahalaan.


Ang mga TNVS driver ay bahagi ng pampublikong transportasyon. Dapat silang protektahan tulad ng ibang manggagawa. Kung hindi sila ligtas, apektado ang milyun-milyong pasahero araw-araw.Panahon na para kumilos. Ang kaligtasan ng TNVS drivers ay hindi opsyon — ito ay obligasyon.

 
 

by Info @Editorial | July 15, 2025



Editorial


Sa panahon ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, kasabay din nito ang paglawak ng mga paraan upang makapanloko. 


Isa na rito ang paggamit ng deepfake videos — mga pekeng video na ginagamitan ng artificial intelligence (AI) upang gayahin ang mukha, boses, at kilos ng isang tao. 


Kaugnay nito, muling nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko tungkol sa patuloy na paglaganap ng mga deepfake video.Hindi na bago ang ganitong modus, ngunit ang antas ng realismong naipapakita ng mga deepfake video ngayon ay tunay na nakababahala. 


Ginagamit ang imahe ng mga kilalang personalidad, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno o mga respetadong negosyante, upang magmukhang lehitimo ang mga investment schemes na sa huli ay isa lamang trap para sa mga walang kamalay-malay.


May mahalagang papel na dapat gampanan ang bawat sektor ng lipunan. 

Ang gobyerno ay kailangang palakasin ang mga batas laban sa cybercrime, lalo na sa paggamit ng deepfake. 


Ang media at social media platforms naman ay may responsibilidad sa fact-checking at mabilis na pagtugon sa maling impormasyon. 


Higit sa lahat, ang mamamayan ay dapat maging mapanuri, mapagbantay, at huwag basta-bastang magtiwala sa mga nakikita online.

 
 

by Info @Editorial | July 14, 2025



Editorial


Sa panibagong pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), tiniyak ng ahensya na hindi lamang ang mga manggagawang nasa Metro Manila ang makikinabang sa inaasahang pagtaas ng sahod, kundi pati na rin ang mga minimum wage earners sa mga rehiyon sa labas ng kabisera. 


Sa mga nakaraang taon, naging sentro ng mga umento sa sahod ang Metro Manila. Bagama’t ito ay isang makatuwirang hakbang, madalas ay tila nababalewala ang katotohanang ang gastusin sa probinsya ay patuloy ding tumataas. 


Gayunpaman, higit pa sa pangako ang kinakailangan. Mahalaga ang masusing konsultasyon sa mga regional wage boards upang matiyak na ang itataas na sahod ay sapat at naaayon sa tunay na kalagayang pang-ekonomiya ng bawat rehiyon.


Kailangan ng transparent na proseso, mabilis na implementasyon, at mahigpit na monitoring upang matiyak na makararating sa bawat empleyado ang inaasahang benepisyo.


Ang dagdag-sahod ay hindi lamang tungkol sa pisikal na kita. Isa rin itong pagkilala sa kontribusyon ng bawat manggagawa sa ekonomiya ng bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page