- BULGAR
- Jul 19, 2025
by Info @Editorial | July 19, 2025

Habang abala ang mga pulitiko sa pagpapasikat at pagbabangayan sa social media, isang mas malalim na problema ang tila nababalewala — ang patuloy at talamak na bentahan ng sanggol sa internet.Hindi ito bagong balita. Ilang beses nang nailathala ang mga kasong may mga sanggol na ibinebenta sa Facebook groups, buy-and-sell pages, at kahit sa mga pribadong chat groups.
May ilan pa ngang may resibo, parang ordinaryong transaksyon lang. Habang sinasabi ng pamahalaan na nakabantay sila, patuloy naman ang pagkalat ng mga post ng mga batang ibinebenta online.
Tila walang matibay na mekanismo para bantayan ang cyberspace laban sa child trafficking.
Walang sapat na suporta para sa mga ina na gustong iligtas ang anak sa kahirapan. At higit sa lahat, parang walang malinaw at matatag na direksyon para tapusin ang ganitong uri ng krimen.Hindi sapat ang pahayag na iimbestigahan, ang kailangan ay konkretong polisiya at aksyon.
Mas mabilis na rescue and response system, at mabigat na parusa sa mga sangkot — kasama na ang mga opisyal na nagpabaya.




