top of page
Search

by Info @Editorial | July 28, 2025



Editorial

Sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso, muling nabuhay ang pag-asa ng sambayanang Pilipino para sa mga repormang matagal nang hinihintay. 


Gayunman, sa kabila ng maraming ipinapasang panukalang batas taun-taon, iisa ang tanong ng taumbayan: makabuluhan ba ang mga batas na ito? Marami sa mga mambabatas — bago man o beterano — ang agad na naglalatag ng mga panukala, ngunit kapansin-pansin na ang ilan ay tila gawa lamang para mag-iwan ng marka sa papel, hindi sa buhay ng mamamayan. 


Ang tunay na sukatan ng mambabatas ay hindi ang dami ng batas na kanyang naisabatas, kundi ang lalim ng epekto nito sa lipunan. Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, krisis sa edukasyon, kakulangan sa maayos na serbisyong pangkalusugan, at lumalalang kawalan ng trabaho, ang kailangan ng bayan ay mga makabuluhang polisiya — hindi mga pabida o pampapogi. Nawa’y gamitin ang kapangyarihang gumawa ng batas hindi para sa sarili, kundi para sa tunay na kapakanan ng bawat Pilipino. 


Kung ang batas ay dapat salamin ng adhikain ng bayan, maging malinaw sana sa bawat mambabatas — mula Kamara hanggang Senado — na ang kanilang trabaho ay hindi paminsan-minsang tungkulin. Ito ay panghabambuhay na responsibilidad sa bawat taong nagtiwala sa kanila.


Kailangan natin ng mambabatas na hindi lang gumagawa ng batas, kundi gumagawa ng magandang pagbabago.

 
 

by Info @Editorial | July 27, 2025



Editorial


Sa tuwing may malakas na bagyong dumadaan, libu-libong Pilipino ang nawawalan ng hanapbuhay. 


Nasira ang mga bangka, binaha ang palayan, at nagsara ang mga negosyo. Hindi sapat ang ayuda na biglaang ibinibigay —kailangan ng matibay at tuluy-tuloy na kabuhayan.


Ang trabaho ay susi para makabangon ang mga nasalanta. Dapat maglatag ang gobyerno ng mga programang nagbibigay ng trabaho.


Kailangan ding tulungan ang maliliit na negosyo na makabangon sa pamamagitan ng pautang, pagsasanay, at suporta.


Bukod sa pansamantalang solusyon, dapat ding ituro ang mga kabuhayang hindi madaling masira ng kalamidad — tulad ng online work, urban gardening, at iba pang alternatibong hanapbuhay. 


Hindi maiiwasan ang bagyo, pero puwedeng maiwasan ang matinding kahirapan kung may trabaho at kabuhayan ang mga tao pagkatapos ng sakuna. 

 
 

by Info @Editorial | July 26, 2025



Editorial


Sa tuwing dumaraan ang malalakas na bagyo, likas na ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtulong sa kapwa. 


Maraming nagsasagawa ng relief operations, donation drives, at iba pang paraan upang maipaabot ang tulong sa mga nasalanta. Subalit, hindi rin maiiwasang mapansin ang ilang indibidwal at grupo na ginagawang plataporma ang trahedya para sa pansariling kapakinabangan — lalo na sa larangan ng pulitika at social media.


Minsan ay mas maraming effort pa ang inilalaan sa documentation kaysa sa aktuwal na pagtulong.


Hindi dapat gawing entablado ng pagpapapansin ang kalamidad. Ang tulong ay dapat mula sa taos-pusong malasakit, hindi mula sa kagustuhang makakuha ng likes, views, o boto. 


Ang mga biktima ng kalamidad ay nangangailangan ng mabilis at epektibong tulong, hindi ng palabas. Hindi nila kailangan ng mga camera o press release — ang kailangan nila ay pagkain, tubig, gamot, at ligtas na matutuluyan. 


Tungkulin ng mga nasa posisyon — lalo na ang mga lingkod-bayan — na tumugon sa pangangailangan ng mamamayan sa oras ng sakuna. Hindi ito dapat isinasabay sa kampanya o anumang political agenda. 


Sa parehong paraan, ang mga pribadong indibidwal at organisasyon ay inaasahang maging mas sensitibo. 


Huwag na nating haluan ng gimik ang pagtulong. Sa halip, pairalin natin ang tunay na diwa ng pagkakaisa: taos-puso, maagap, at walang kapalit. Sa ganoong paraan, hindi lamang tayo nakakatulong — nagiging inspirasyon din tayo sa lipunan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page