- BULGAR
- Jul 31, 2025
by Info @Editorial | July 31, 2025

Sa harap ng patuloy na lumalalang problema sa basura, isang malinaw na katotohanan ang dapat harapin ng mga lokal na pamahalaan, hindi sapat ang mga hakbang sa waste management.
Sa bawat tambak ng basura sa lansangan, kanal, at karagatan, ay repleksyon ng pagkukulang sa implementasyon, edukasyon, at disiplina.
Bagaman may umiiral na batas, maraming LGU ang hindi pa rin ganap na sumusunod dito. Kakulangan sa maayos na segregation, hindi sapat na pasilidad para sa composting at recycling, at limitadong impormasyon sa publiko ang ilan sa mga ugat ng problema.
Ang mga LGU ang nasa unang hanay ng serbisyo-publiko. Sila ang mas may kakayahang magpatupad ng mga programang akma sa lokal na kalagayan — mula sa pagkakaroon ng material recovery facilities, hanggang sa pagtatalaga ng community-based monitoring ng tamang pagtatapon ng basura.
Higit pa rito, kailangang maging aktibo ang mga barangay sa kampanya laban sa maling pagtatapon ng basura. Dapat itong samahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at nararapat na parusa sa mga lalabag.
Ang kalinisan at kaayusan ng isang komunidad ay hindi lamang isyu ng estetika — ito ay usapin ng kalusugan, kalikasan, at kinabukasan.




