top of page
Search

by Info @Editorial | August 17, 2025



Editorial


Sa gitna ng isyu na may kaugnayan sa ilegal na droga, panawagan ngayon ang pagpapatupad ng mandatory at regular na drug testing partikular sa lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan. 


Simple lang umano ang dahilan: Paano magtitiwala sa mga tagapagpatupad ng batas kung sila mismo ay gumagamit ng ilegal na droga?


Ang mga lingkod-bayan ay may tungkuling magsilbi nang tapat at may integridad. Kung ang mga ordinaryong empleyado sa pribadong sektor ay kailangang sumailalim sa drug test, mas nararapat ito sa mga nasa gobyerno. Hindi sapat ang iisang drug test sa simula ng trabaho. Kailangan itong gawing regular upang matiyak na nananatiling malinis ang bawat kawani.


Hindi ito panghihimasok sa personal na buhay. Ito ay bahagi ng pagiging isang responsableng lingkod-bayan. Ang pagtutol dito ay nagtataas naman ng tanong: May itinatago ba?


Kung may mahuli sa drug test, dapat may malinaw na aksyon — rehabilitasyon, suspensyon, o pagtanggal sa serbisyo, depende sa kaso. Pero dapat din tiyaking patas ang proseso. Walang dapat gamitin ang drug testing sa paninira sa pulitika o personal na interes.


Ang gobyerno ang dapat maging ehemplo sa laban kontra-droga. Kaya kung seryoso tayo sa pagbabagong gusto nating makita, magsimula tayo sa mga nasa loob ng sistema.


 
 

by Info @Editorial | August 16, 2025



Editorial


Ang kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na i-unlink ang e-wallets mula sa online gambling platforms ay isang hakbang sa tamang direksyon. 

Sa wakas, may malinaw nang aksyon laban sa isang bisyong tahimik ngunit matindi ang epekto sa pamilyang Pilipino. 


Sa rami ng kuwento ng mga nasira ang buhay at naubos ang kabuhayan dahil sa sugal sa internet, matagal nang hiling ng Simbahan, civic groups, at concerned citizens ang mas mahigpit na regulasyon.


Ngunit dapat nating aminin na hindi sapat ang unang hakbang. Ang pagbigay ng 48 oras para alisin ang mga link sa e-wallet apps ay maaaring makatulong, ngunit hindi nito agad mapuputol ang mismong transaksyon. Kahit walang in-app links, kung may paraan pa rin para magbayad direkta sa mga gambling sites gamit ang e-wallets, mananatiling bukas ang pinto para sa adiksyon.


Nauunawaan ang posisyon ng ilan na ang total ban ay maaaring magtulak sa underground gambling. Pero kung patuloy na pahihintulutan ang online gambling sa maluwag na regulasyon, mas maraming Pilipino ang mababaon sa utang at depresyon.


Ang usapin ay hindi lamang ekonomiya, kundi moralidad at kaligtasan ng mamamayan.

Mahalagang maging malinaw at buo ang plano ng pamahalaan. Kung papayagan man ito, dapat may mahigpit na identity verification, spending limits, at monitoring para maiwasan ang pagsasamantala. 


Kung ipagbabawal naman, dapat mas matindi ang enforcement laban sa mga ilegal na operator. Hindi maaaring manatili sa gitna dahil habang nag-aalangan ang gobyerno, patuloy ang operasyon ng mga sugal na sumisira sa mga pamilya.


Ang laban sa online gambling ay hindi matatapos sa pag-unlink ng e-wallets. Ito ay dapat magsimula pa lang ng serye ng mga reporma sa batas, pagpapatupad, hanggang sa edukasyon ng publiko.


 
 

by Info @Editorial | August 15, 2025



Editorial


Hindi lahat ng nakakatawa ay tama. Hindi lahat ng viral ay dapat tularan.

Dumarami na ang mga vlogger at content creator na gumagawa ng mga prank na delikado, bastos, at walang konsiderasyon sa kapwa. 


May mga gumagawa ng eksenang nakakagulat o mga gawaing pang-kriminal para lang makakuha ng views. Sa huli, may nasasaktan, napapahiya, o nagagalit — at ang malala, minsan may nabibiktima pa ng trauma o aksidente.


Isa itong uri ng iresponsableng paggamit ng social media. Sa halip na maging plataporma para magbahagi ng makabuluhang content, nagiging playground na ito ng mga prank na nakakasama sa ibang tao.


At tayong mga manonood, may papel din. Huwag nating suportahan ang ganitong klaseng content. Huwag i-like, i-share, o panoorin. Dahil habang pinapalakpakan natin sila, lalo lang silang nahihikayat gumawa pa ng mas delikado.


Simple lang ang panawagan: Tigilan na ang wa’ ‘wentang content.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page