@Editorial | December 10, 2023
Kapansin-pansin na tumataas na naman ang presyo ng bigas. Umaangal na ang mga tindero at kamot-ulo na naman ang mga mamimili.
Kaugnay nito, inanunsyo na rin ng grupo ng mga magsasaka na maaari pa ring tumaas ang presyo ng bigas bago magsimula ang susunod na panahon ng anihan sa Marso.
Kabilang umano sa mga salik na puwedeng magpataas ng presyo ay ang mga agwat sa lokal na suplay at pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. Maaari rin umanong makaapekto sa supply ang El Niño weather phenomenon.
Kaya iminungkahi na ibalik ang price cap sa bigas upang maibsan ang taas-presyo.
Samantala, batay sa monitoring sa presyo ng bigas sa Metro Manila, ang local well-milled rice ay nasa P45 hanggang P57 na kada kilo, habang ang imported well-milled rice ay nasa P52. Sa ganitong presyo kaya may iba sa ating mga kababayan ang nag-adjust na sa sinasaing. Ang dating dalawang kilo kada araw, isa na lang para may maisaing pa kinabukasan.
Bakit nga kaya paulit-ulit na lang ang problema sa presyo ng bigas? Hindi na nga natupad ang ipinangakong P20, tumaas pa. Malamang, may nananamantala na naman sa sitwasyon. Walang pakialam sa kalam ng sikmura ng ibang tao basta sila, nagpapakasasa sa pera at kapangyarihan.
Kaya tulad ng hamon ng mga grupo ng magsasaka at matitinong opisyal sa ating gobyerno, solusyunan ang isyu sa bigas, at simulan ito sa pagpapanagot sa smuggler at hoarder. Kapag nawala ang mga abusado, tiyak gagaan ang buhay at aangat ang ekonomiya.