top of page
Search

by Info @Editorial | August 30, 2025



Editorial


Paulit-ulit ang mga pangako ng transparency at good governance, pero nananatiling malalim ang ugat ng korupsiyon sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno. 


Bawat taon, lumalabas ang mga ulat ng overpriced na kagamitan, ghost projects, at mga proyektong natapos lamang sa papel — habang ang pondo ng bayan ay nauuwi sa bulsa ng iilan.


Sa ngayon, anomalya sa flood control projects ang hinuhukay. Kamakalawa lang nang ibulgar naman na maging ang school buildings ay pinagkaperahan din daw ng mga opisyal. 


Ang masaklap, ang mga naaapektuhan nito ay ang mga ordinaryong mamamayan. Ang pondo na dapat sana’y para sa serbisyong panlipunan ay nauubos sa mga "kickback" at "under the table deals". 


Sa halip na makakita ng progreso, ang mamamayan ay naiipit sa palyadong mga proyekto.


Hindi sapat ang simpleng paglalantad. Kailangang kalkalin, busisiin, at papanagutin ang mga nasa likod ng mga kuwestiyonableng proyekto. 


Bukod dito, dapat suportahan ng publiko ang mga whistleblower na may tapang magsiwalat ng katiwalian. Ang isang malinis na gobyerno ay hindi lamang tungkulin ng mga nasa puwesto — ito ay responsibilidad nating lahat bilang mamamayan.


Kung hindi natin kakalkalin ang ugat ng korupsiyon sa mga proyekto ng pamahalaan, patuloy tayong malulubog sa kahirapan. Panahon na para magising, kumilos, at manindigan.


 
 

by Info @Editorial | August 29, 2025



Editorial


Sa dami ng Pilipinong bumibili online, dumarami rin ang nabibiktima ng substandard o pekeng produkto. 


Maganda sa picture, pero ‘pag nai-deliver na, kung hindi sira, mababa ang kalidad, o minsan ay delikado pa.


Hindi ito simpleng isyu. Panlilinlang ito. Pera ang nilalabas ng tao — pera na pinaghirapan — pero ang kapalit, basura.


Nasaan ang proteksyon sa mamimili? Kulang ang aksyon mula sa mga online platform at sa gobyerno. 


Maraming seller ang paulit-ulit na nagbebenta ng peke o sirang produkto pero hindi agad napaparusahan. 


Kailangan na ng mas mahigpit na regulasyon. Kailangan ng mabilisang aksyon sa reklamo. At dapat, may parusa ang mga mapagsamantala at manlolokong seller.


Hindi sapat ang paalala. Kailangan ng konkretong aksyon.Pataasin ang standards. I-screen ang mga nagbebenta. Huwag nang hintayin pang may maperhuwisyo o masaktan bago kumilos.


Ang online shopping ay dapat magdala ng ginhawa, hindi sakit ng ulo. 

Panahon na para mas protektahan ang mamimili. 



 
 

by Info @Editorial | August 28, 2025



Editorial


Sa kabila ng kawalan ng isang tiyak na batas na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na magsugal, may mga lingkod-bayan na kusa namang umiiwas dito. 


Sa panahon ngayon kung kailan laganap ang mga bisyo at tukso, lalo na sa paligid ng mga may kapangyarihan at pera, ang disiplina ay mahalaga.


Hindi na kailangang sabihan pa o pilitin. Kusang loob nang iwasan ang pagsusugal — isang aktibidad na bagama’t legal sa ilang lugar, ay hindi angkop sa imahe ng isang lingkod-bayan. Bakit? Sapagkat ang sugal ay madalas na kaugnay ng katiwalian, pagkakautang, at kapabayaan sa tungkulin.


Kapag ang isang opisyal ay nakikita sa mga casino o babad sa online gambling, nabubuo agad ang duda ng publiko. “Saan kaya kinukuha ang ipinansusugal niya?” “Nakakapagtrabaho pa ba siya nang maayos?” Mga tanong na hindi na kailangang itanong kung sila ay kusa nang umiwas sa ganitong gawi.


Ipakita natin na may mga nananatiling tapat, mga lider at empleyadong inuuna ang tiwala ng publiko kaysa pansariling aliw.


Ang ganitong asal ay nagbibigay ng magandang halimbawa lalo na sa mga kabataan. Kung ang mga taong nasa gobyerno ay marunong umiwas sa sugal, bakit hindi natin kaya?


Ang pinakamahalagang pagbabago ay nagsisimula sa loob — sa konsensiya, prinsipyo, at sa malasakit sa bayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page