top of page
Search

by Info @Editorial | September 2, 2025



Editorial


Pagsapit ng Ber months, unti-unti nang nararamdaman ang simoy ng Pasko. Masaya ang panahon — maraming sale, handaan, at pamimili. Pero habang abala tayo sa paghahanda, dumarami rin ang mga manloloko. Ngayong panahon, mas aktibo ang mga online scammer. 


May mga pekeng online seller na hindi nagpapadala ng produkto, at may mga phishing link na nagnanakaw ng impormasyon. 


Sa text at tawag, may mga nagpapanggap na taga-bangko o nagsasabing nanalo ka sa promo — pero ‘budol’ lang pala. Sa mga mataong lugar tulad ng palengke, terminal, at mall, doble-kayod din ang mga salisi. 


May nagpapanggap ding kamag-anak o nangangailangan ng tulong para makapanloko.Kaya paalala sa lahat: magdoble-ingat.


Huwag agad magtiwala, lalo na sa online. I-double check ang mga transaksyon. Bantayan ang gamit sa pampublikong lugar. Huwag magbigay ng personal na impormasyon sa ‘di kilala.


Masarap ang Pasko, pero mas masarap kung ligtas tayong lahat laban sa mga manloloko.

 
 

by Info @Editorial | September 1, 2025



Editorial


Sawang-sawa na ang taumbayan sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na walang alam at nagpapakasasa lang sa pera at kapangyarihan. 


Kaya malinaw ang panawagan: Salain nang mas maigi ang mga iniluluklok sa puwesto.

Hindi dapat nauuna ang koneksyon kaysa sa kuwalipikasyon. Hindi dapat inuuna ang utang na loob kaysa sa tunay na kakayahan. 


Ang mga nasa gobyerno, lalo na sa matataas na posisyon, ay dapat may ‘K’, karanasan, kakayahan at katapatan.


Hindi puwedeng ilagay ang sinuman sa puwesto dahil lang kaibigan, kamag-anak, o kakampi sa pulitika.


Hindi rin sapat na walang kaso — dapat malinaw ang record, malinis ang pangalan, at may napatunayang serbisyo sa bayan. Kung may bahid na ng korupsiyon, bakit pa bibigyan ng kapangyarihan?


Sa serbisyo-publiko nakasalalay ang kapakanan ng mamamayan. Kaya’t dapat lang na ang ilagay sa bawat posisyon ay ang pinaka may “K” — hindi dahil kilala, kundi dahil karapat-dapat.


Kung gusto nating umasenso, magsimula tayo sa mas mahigpit na pagsala sa mga taong magiging kinatawan at lider sa gobyerno.

 
 

by Info @Editorial | August 31, 2025



Editorial


Nakakagalit. Nakakahiya. Nakakatakot. Ito ang mga salitang paulit-ulit na pumapasok sa isipan tuwing may balitang pulis na sangkot sa krimen.Pulis na nagnanakaw. Pulis na tumatanggap ng kotong. Pulis na nang-aabuso.


Pulis na gumagamit o nagtutulak ng ilegal droga. Pulis na pumapatay nang walang dahilan. Sila ang mga taong dapat nanghuhuli ng masama, pero sila mismo ang gumagawa nito.Hindi natin maikakaila — may mga pulis na tapat sa tungkulin. Pero gaano pa ba karaming masasamang pulis ang kailangang mahuli bago tayo matauhan? 


Hindi sapat ang paulit-ulit na “iimbestigahan.” Kailangan ng mas mabigat na aksyon.


Hindi dahilan ang “stress sa trabaho” o “gipit sa buhay.” Lahat tayo dumaranas n’yan, pero hindi lahat ay pumapatay o nagnanakaw. Kapag pulis ka, mas mataas ang inaasahan. May kapangyarihan ka, pero may mas malaking pananagutan.


Ang mas masaklap, minsan mismong mga opisyal pa ang nagtatakip. Saan pa tayo lulugar kung ang tagapagtanggol ay siya ring umaabuso?


Dapat lang na tanggalin, kasuhan, at ikulong ang mga pulis na kriminal. Hindi sila exempted sa batas — sila pa nga ang dapat unang sumunod dito. Kung hindi sila marunong rumespeto sa batas, wala silang karapatang magdala ng baril at uniporme.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page