top of page
Search

by Info @Editorial | September 11, 2025



Editorial


Habang binabaha ang maraming lugar sa bansa, lumalabas ang mas malalang problema — korupsiyon sa flood control projects. 


Sa halip na solusyon, naging negosyo ito para sa ilang tiwaling opisyal.


Ayon sa mga lumalabas sa imbestigasyon sa Kongreso, may mga proyektong binayaran na kahit hindi naman natapos, may overpricing, at may mga kickback na ibinibigay umano sa ilang opisyal. 


Ginagamit ang pondo ng bayan para sa sariling interes ng iilan. Habang ang karaniwang Pilipino, paulit-ulit na nababaha at nawawalan ng tirahan.


Kaya dapat, alam natin ang nangyayari.


Dapat sinusubaybayan natin ang imbestigasyon, kilalanin ang mga sangkot, at manindigan para sa pananagutan. Kung wala tayong alam, madali tayong paasahin at lokohin.


Ang pondo para sa flood control ay galing sa ating buwis. Kaya may karapatan tayong malaman kung saan ito napunta. 


Ang pananahimik ay parang pagsang-ayon sa mali.


Kung gusto natin ng pagbabago, kailangan nating maging mulat. Hindi ito trabaho lang ng gobyerno — responsibilidad din natin bilang mamamayan na magbantay at magsalita.


Kung hindi tayo kikilos, tayo rin ang tuluyang lulubog sa baha at sa korupsiyon.



 
 

by Info @Editorial | September 10, 2025



Editorial


Walang ibang salitang babagay kundi iskandalo. Milyun-milyong pondo para sa flood control ang napunta sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal. 


Imbes na protektahan tayo laban sa baha, ginamit ang pera sa pansariling interes. Habang nilulubog ng ulan ang mga komunidad, may mga taong nagpapayaman mula sa pondong dapat ay para sa kaligtasan ng mamamayan.


Kung seryoso ang administrasyon sa kampanya laban sa korupsiyon, lahat ng sangkot, kahit kaalyado, kaibigan, o matataas na opisyal, ay dapat imbestigahan, kasuhan, at ikulong kung mapatunayang nagkasala. 


Hindi sapat ang imbestigasyon lang. Hindi sapat ang press release. Kailangang may managot.


Hindi ito simpleng pagkukulang — ito ay paglapastangan sa pondo ng bayan. Habang maraming Pilipino ang nalulunod sa baha, may mga opisyal na nalulunod sa pera ng taumbayan.


Hamon ito sa liderato. Kaya bang ipakita na hindi ito bulag sa katiwalian sa loob ng sarili nitong hanay?


At para sa taumbayan — huwag tayong manahimik. Tayo rin ay dapat manindigan.

 
 

by Info @Editorial | September 9, 2025



Editorial


Tatlong taon. Iyan ang panahon na meron tayong mga Pilipino para pag-isipan at paghandaan ang susunod na halalan. 


Gayunman, habang naghihintay tayo, patuloy na lumalabas ang mga balita ng katiwalian sa gobyerno partikular na sa mga flood control projects na dapat sana’y nagliligtas ng buhay at kabuhayan tuwing may baha. Imbes na maayos na imprastruktura, minsan ay sablay o palpak ang mga proyekto dahil sa korupsiyon at maling pamamalakad.


Ito ang malupit na katotohanan, dahil nasasayang ang pondo ng bayan dahil sa mga lider na inuuna ang sariling bulsa kaysa sa kapakanan ng mamamayan. Kaya hindi kataka-taka na taun-taon, nalulubog pa rin tayo sa baha, hindi lang sa tubig kundi pati sa problema. 


Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan at pipili ng mga lider na kilala lang sa kasikatan o matamis na salita, mauulit lang ang parehong pagkakamali.


Tatlong taon ang ibinigay sa atin para maging mas mapanuri. Dapat bantayan natin ang mga nakaupong opisyal, tanungin kung saan napupunta ang pondo, at ‘wag matakot maningil ng pananagutan. 


Ang halalan ay hindi palabas, ito ay desisyon kung sino ang bibigyan natin ng kapangyarihang gumamit ng buwis na pinaghirapan natin.


Kung gusto nating matapos ang katiwalian at umasenso ang bansa, dapat ngayon pa lang matuto na tayong pumili ng matitinong lider. Nasa kamay natin ang kapalaran ng Pilipinas — huwag natin itong sayangin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page