top of page
Search

by Info @Editorial | October 1, 2025



Editorial


Kasalukuyang binubusisi sa Senado at Kamara ang panukalang P6.793 trilyong national budget para sa 2026. 


Dito pa lang, dapat nang maging malinaw: hindi ito ordinaryong usapin. Ito ang magtatakda kung saan mapupunta ang pera ng taumbayan.Sa dami ng isyu ng korupsiyon, hindi na puwedeng ipikit ng mga mambabatas ang kanilang mga mata. 


Kailangang suriing mabuti ang bawat item, bawat ahensya, at bawat sentimo.Hindi ito panahon ng palakasan o padulas. Panahon ito ng masusing pagtatanong at paninindigan. Kung may alokasyong hindi malinaw ang layunin o mukhang sobra-sobra, alisin. 


Kung may ahensyang paulit-ulit nang nasasangkot sa anomalya, bawasan ang pondo at imbestigahan.Huwag na sanang maulit ang mga dating pagkakamali — kung kailan aprubado na ang badyet, naibayad na’t lahat saka naman mabubunyag ang mga iregularidad. 


Matuto na sa kasaysayan. Huwag nang hayaang ang kaban ng bayan ay mapasakamay ng mga mapagsamantala.


Ang taumbayan ay naghihintay ng magandang resulta. Kung talagang para sa bayan ang pondo, dapat may pananagutan at malinaw ang direksyon.

 
 

by Info @Editorial | September 30, 2025



Editorial


Hindi na bago sa Pilipinas ang pananalasa ng malalakas na bagyo.

Daan-daang paaralan ang nasisira — nawawasak ang mga silid-aralan, nalulusaw ang mga gamit, at nawawalan ng ligtas na lugar ang mga bata para matuto. Hindi sapat ang puro pangakong “aayusin agad” kung wala namang konkretong aksyon. 


Sa bawat araw na nade-delay ang pag-aayos ng mga nasirang eskwelahan, nawawalan ng oras sa pag-aaral ang mga bata. 


Hindi puwedeng ipagpaliban ang edukasyon.Dapat ay may mabilis at malinaw na plano ang gobyerno at mga lokal na opisyal para sa agarang rehabilitasyon ng mga paaralan. 

Ilaan agad ang pondo, iprayoridad ang mga lugar na matinding naapektuhan, at siguruhing may transparency sa paggamit ng pondo. Walang dapat mapunta sa bulsa ng mga korup.


Isa pa sa pinakamahalagang mapagtuunan ay ang paggawa ng mas matitibay na eskwelahan, ‘yung ‘di basta bumibigay sa bagyo. Utang na loob, tigilan na ang paggawa ng mga palpak na proyekto. Maawa kayo sa buhay ng mga bata na puwedeng malagay sa panganib.



 
 

by Info @Editorial | September 29, 2025



Editorial


Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglilipat ng tinatayang P36 bilyong pondo mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa mga pangunahing programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Kabilang sa mga tatanggap ng dagdag-pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). 


Hindi maikakaila na may mga tagumpay ang nasabing programa. 


Gayunman, lumulutang din ang mga isyung bumabalot sa programa kabilang ang umano’y pamumulitika sa pagpili ng benepisyaryo, kawalan ng malinaw na monitoring sa progreso ng mga pamilya, at ang posibilidad ng labis na pag-asa sa ayuda ng gobyerno.Dahil dito, kailangang magsagawa ng malawakang pagsusuri sa implementasyon ng 4Ps. 


Dapat malaman kung totoo bang umaahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo o kung ito ba ay naging pansamantalang lunas lamang sa matagal nang problema ng kahirapan. 


Panahon na para busisiin, linisin, at iayos ang 4Ps — hindi upang buwagin ito, kundi upang matiyak na ito’y tunay na nakatutulong at hindi lamang nagsisilbing pampalubag-loob sa kahirapan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page