top of page
Search

by Info @Editorial | October 13, 2025



Editorial


Ginulantang ng magnitude 7.4 na lindol ang Mindanao na tumama sa Davao Oriental noong Oktubre 10. 


Ayon sa inisyal na ulat ng Department of Education (DepEd), umabot na sa P2.2 bilyon ang pinsalang iniwan nito sa mahigit 500 paaralan, na nakaapekto sa higit 100,000 estudyante at halos 10,000 guro. 


Mahigit isang libong paaralan ang napinsala, at marami sa mga ito ay tuluyang sinuspinde ang face-to-face classes para bigyang-daan ang masusing inspeksyon.


Sa ganitong mga pangyayari, muling nabubuksan ang tanong, handa ba talaga ang ating mga paaralan sa mga kalamidad? Kung sa bawat lindol ay may mga gusaling bumabagsak, mga mag-aaral na nasusugatan, at klase na napipilitang itigil, kailangan nating balikan ang kalidad ng ating mga imprastruktura at ang kahandaan ng ating mga komunidad.


Hindi sapat ang pansamantalang solusyon tulad ng alternative learning modes. Dapat tiyakin ng pamahalaan na matibay, ligtas, at maayos ang mga gusaling pinagtuturuan ng ating kabataan. 


Ang disaster preparedness ay hindi dapat isinasantabi, kundi itinuturing na pangunahing bahagi ng sistema ng edukasyon.


Sa bawat trahedyang tulad nito, nawa’y mas pahalagahan natin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral. Sapagkat ang tunay na sukatan ng pag-unlad ng bayan ay hindi lang ang bilang ng mga paaralang itinayo, kundi kung gaano karaming buhay ang nailigtas at kabataang patuloy na nakapag-aral kahit sa gitna ng sakuna.

 
 

by Info @Editorial | October 12, 2025



Editorial


Marami ang napeperhuwisyo at talagang nagagalit na sa paulit-ulit na road reblocking lalo na kung maayos pa naman ang kalsada. 


Bakit kailangang sirain ang kalsadang wala namang sira? At sa wakas, nabigyang-pansin na ito makaraang suspendihin ang road reblocking sa buong bansa dahil sa tila modus operandi. Paulit-ulit na lang: maayos pang kalsada, babakbakin, tapos gagastusan muli. 


Habang nagtitiis sa trapik ang mga motorista, may mga kumikita sa likod ng pekeng proyekto. Perhuwisyong trapik para sa publiko, pero kita para sa iilan.


Tama lang na suspendihin ang mga proyektong ito. Pero hindi sapat ang suspensyon. Dapat may managot at may reporma.


Ang perang ginagastos para sa mga walang saysay na bakbakan ay buwis ng taumbayan. Dapat itong gamitin sa tama — sa mga kalsadang tunay na kailangan ng pagsasaayos, hindi sa mga proyektong gawa-gawa para pagkakitaan.

 
 

by Info @Editorial | October 11, 2025



Editorial


Hindi na sikreto na may mga massage spa na ginagamit sa prostitusyon o bilang sex den. 


Sa halip na magpagaan ng katawan, doon sinisira ang dangal — lalo na ng mga menor-de-edad.Ilang ulit nang may nasasagip na kabataang ibinubugaw sa mga spa na ito. 


Ginagawang negosyo ang laman, habang may mga opisyal na tikom ang bibig — o mas masahol, kasabwat pa.Huwag na tayong magbulag-bulagan. Hindi ito simpleng moralidad. Ito’y malinaw na krimen — prostitusyon, human trafficking, at pag-abuso sa kabataan.Kailangan ng tuluy-tuloy at seryosong operasyon. Hindi sapat ang isang raid. 


Panagutin ang mga operator, isara ang mga establisimyentong ito, at bigyang hustisya ang mga biktima.


Walang lugar sa lipunan para sa spa na ginagawang pugad ng prostitusyon. Buwagin, ikulong, iligtas ang kabataan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page