top of page
Search

by Info @Editorial | January 14, 2026



Editoryal, Editorial


"Misis, kinatay ni mister."

"Estudyante, ginahasa, pinugutan."

"Batang lalaki, dinukot, pinagtataga."


Sobra na ang karumal-dumal na krimen sa bansa. Paulit-ulit ang balita ng pagdukot, panggagahasa at pagpatay.


Hindi sapat ang pakikiramay at galit sa social media. Ang kailangan ay agarang aksyon.

Dapat pabilisin ang imbestigasyon at tiyaking may napaparusahan. 


Kapag usad-pagong ang hustisya, lalo lang lumalakas ang loob ng mga kriminal. 

Hindi dapat palampasin ang kapabayaan.


Tigilan din ang paninisi sa biktima na para bang sila pa ang may kasalanan kung bakit naaabuso. 


Kailangan ding kumilos ang komunidad. Huwag manahimik kapag may nakikitang mali. Ang krimen ay hindi lang problema ng gobyerno—problema ito ng lahat.


Hindi na kailangan ng mahahabang paliwanag. Kailangan ng matibay na batas, mabilis na hustisya, at totoong malasakit. 


Higit pa sa paghuli sa salarin, dapat ding tanungin kung bakit patuloy na umuusbong ang ganitong karahasan. 


Nasaan ang sapat na serbisyong panlipunan? Nasaan ang pag-aaruga sa kabataan? Nasaan ang matibay na ugnayan ng komunidad at paglaban sa masasama? 


Kung patuloy nating babalewalain ang mga ugat ng krimen, paulit-ulit nating aanihin ang parehong trahedya.

 
 

by Info @Editorial | January 13, 2026



Editoryal, Editorial


Bagama't nakapagtala sa kasaysayan bilang pinakamaraming debotong lumahok na umabot sa higit siyam na milyon, hindi maikakaila na ang huling Traslacion ay nabahiran ng kaguluhan at pagbubuwis-buhay.


Ito ay isang masakit na paalala na ang matinding debosyon, kapag hindi nasabayan ng sapat na paghahanda at disiplina, ay maaaring humantong sa trahedya. 


Sa gitna ng pananampalatayang nagbubuklod sa milyun-milyon, lumitaw ang pangangailangang pagnilayan kung paano mapangangalagaan ang buhay at kaligtasan ng bawat deboto. 


Ang mga pagbabagong tinitingnan ngayon ng Quiapo Church para sa Traslacion 2027 ay hindi dapat ituring na paglayo sa tradisyon, kundi paghahanda at pag-aangkop—isang hakbang tungo sa mas ligtas, mas maayos, at mas makahulugang pagdiriwang.


Kung isasagawa nang may puso at may malay, magiging higit na makasaysayang halimbawa kung paano ang isang sinaunang tradisyon ay maaaring umangkop sa modernong panahon nang may respeto sa kultura at pananampalataya.


 
 

by Info @Editorial | January 12, 2026



Editoryal, Editorial


Namamayagpag na naman ang krimen, at mas masahol, may mga pulis na sangkot. 

Kapag ang kriminal ay may uniporme at baril ng gobyerno, doble ang pinsala. Hindi lang buhay at ari-arian ang nawawala, kundi pati ang tiwala ng mamamayan. 


Paano rerespetuhin ang batas kung ang nagpapatupad nito ang unang lumalabag?

Tama na ang palusot na “iilan lang sila.” Iilang pulis lang ba ang sapat para protektahan ang mga sindikato? Iilang pulis lang ba ang kayang magpaikot ng ebidensiya o magbenta ng proteksyon? Kung iilan man sila, bakit paulit-ulit?


May problema sa loob. May kultura ng pananahimik, takutan at palakasan. 

Simple ang dapat gawin: hulihin, imbestigahan, at ikulong ang sinumang pulis na sangkot sa krimen—walang special treatment. Tanggalin sa puwesto ang mga opisyal na nagtatakip. Gawing bukas sa publiko ang resulta ng mga imbestigasyon. Kung walang makulong, malinaw na may naglilinis ng rekord, hindi ng hanay.


Hindi ito laban sa matitinong pulis. Ito ay laban sa mga kriminal na sumisira sa kanilang pangalan. 


Kung seryoso ang gobyerno sa kapayapaan, magsimula ito sa sariling bakuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page