top of page
Search

by Info @Editorial | December 9, 2025



Editorial


Diretsuhin na natin, kulang ang budget sa kalusugan, at madalas hindi pa nagagamit nang tama ang pondo. 


Habang tumataas ang bilang ng nagkakasakit, nananatiling hirap ang mga ospital — kulang sa gamot, gamit at tao. Hindi ito nangyayari dahil walang pera, kundi dahil madalas malabo kung saan napupunta ang pondo.Kaya mahalaga ang mahigpit na pagbabantay.


Hindi dapat pinapalampas ang budget deliberations. Dapat tanungin ang gobyerno kung paano ginagastos ang pondo para sa mga rural health unit, bakit hindi pa rin sapat ang sahod ng mga health worker, at bakit sa kabila ng malaking alokasyon ay may mga pasyente pa ring nakapila at naghihintay ng maayos na serbisyo.


Kung tunay na prayoridad ang kalusugan, dapat ito makita sa malinaw, sapat, at tapat na paggamit ng budget. Walang puwang para sa katiwalian at kapabayaan. 


Ang pondo para sa kalusugan ay hindi dapat nilulustay o ninanakaw kundi dapat ay nararamdaman sa bawat ospital, barangay health center, at pamilyang Pilipino.

 
 

by Info @Editorial | December 8, 2025



Editorial


Tuwing Kapaskuhan, tila dumodoble o triple pa ang bigat ng trapiko. 

Mula sa pamimili, Christmas parties, reunion at sabay-sabay na pag-uwi sa probinsya, halos lahat ay nagmamadali. 


Gayunman sa gitna ng sigla ng panahon, naroon din ang pag-init ng ulo — mga businang walang patid, singit dito, singit doon, at mga motorista’t komyuter na pagod na bago pa man makarating sa destinasyon.Sa panahong ito, kailangan ang dagdag-pasensya.


Ang kaunting lamig ng ulo ay malaking ambag sa kapayapaan ng lahat.Kasabay nito, dapat ding matiyak na ang pagpapatupad ng batas-trapiko ay hindi bantay-salakay. 


Sa maraming pagkakataon, nagiging mas magulo ang sitwasyon kapag may biglaang huli, hindi malinaw na pagbabawal, o tila patibong na naghahanap lamang ng lalabag. 


Sa Kapaskuhan, kung kailan mataas ang emosyon ng tao, mas dapat maging malinaw, maagap, at makatarungan ang mga otoridad.


Sa kabila ng lahat, ang Kapaskuhan ay simbolo ng pag-asa at kabutihan. Huwag nating hayaang mabura ito sa kalsada. 

 
 

by Info @Editorial | December 7, 2025



Editorial


Tatlong araw na tigil-pasada ang inaasahan mula Disyembre 9 hanggang 11, sa buong bansa.Ito ay bilang protesta umano sa walang habas na panghuhuli at pangongotong ng mga ahensya ng transportasyon.


Kasabay ng pagkondena sa sinasabing sunud-sunod at sistematikong panggigipit na ginagawa umano ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.


Tuwing may tigil-pasada, parehong nalalagay sa alanganin ang publiko at ang mga tsuper. Naaantala ang pasok ng mga manggagawa at estudyante, tumataas ang gastos sa biyahe, at bumabagal ang takbo ng ekonomiya. 


Ang ugat ng protesta ay malinaw: maraming tsuper at operator ang takot na mawalan ng kabuhayan dahil sa mataas na gastos at magulong pagpapatupad ng modernisasyon.


Kung ipipilit ng gobyerno ang pagbabago nang hindi isinasaalang-alang ang tunay na kalagayan ng mga tsuper, hindi matatapos ang tensyon. 


At kung patuloy namang magtitigil-pasada ang transport groups, ang taumbayan din ang unang tatamaan.


Sa dulo, simple ang punto: ang modernisasyon ay tama, pero ang paraan ay dapat makatao. Hindi kailangang may matalo — kung pareho lang handang makinig, magbigay at magtulungan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page