top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 10, 2023



Hindi kumurap si Pinoy cue star Zorren James Aranas sa harap ng mabagsik na pagsargo sa quarterfinals ng kasalukuyang hari ng World 9-Ball Championships na si Francisco Sanchez Ruiz, 10-9, upang mapanatiling buhay ang pangkampeonatong paglalakbay sa Peri Open 9-Ball sa Hanoi City, Vietnam noong Linggo.


Naging tulay ni Aranas ang panalo para makapasok sa semis kung saan makakasama niya rin ang mga kababayang sina Anthony Raga at Michael Feliciano. Ang Rusong si Fedor Gorst ang nagbabantang sumira sa planong All-Pinoy finals.


Maagang napag-iwanan si "Dodong Diamond" Aranas, 3-6, pero nangibabaw ang dugong mandirigma ng World Cup of Pool titlist mula sa Pilipinas kaya bumalikwas ito at naitakas ang tagumpay mula sa Kastilang itinuturing ding pangalawa sa pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo ayon sa World Pool-Billiards Association (WPA). Nauna rito, pinag-empake niya sina Truong An Bul (Vietnam, 10-7), Moritz Neuhaussen (Germany, 10-0) at Jose Alberto Delgado (Spain, 9-2).


Mula sa 8-8 na iskor, bumuga naman ng apoy si "The Dragon" Raga upang maitakas ang isang 10-8 na panalo sa round-of-8 kontra kay Dutch Niels Feijen at makapag-ambag sa nagaganap na dominasyon ng mga kinatawan ng bansa.


Tiyak nang may uusad sa finals na kinatawan ang Pilipinas dahil isang All-Pinoy match-up ang masasaksihan sa unang hati ng semi-finals matapos makuha ni Michael Feliciano ang karapatang makaharap si Aranas sa round-of-4. Ginamit na tuntungan ni "X44" Feliciano sa patuloy na pagsargo sa knockout round ng torneo ang mga tagumpay laban kina Kuo Po Cheng (Taiwan, 10-6), kababayang si Jefrey Roda (10-9), US Open podium finisher Sanjin Pehlivanovic (Bosnia, 10-4) at Ngo Quang Trung (Vietnam, 9-3).


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 14, 2023



Tatlong world champions at isang sumisibol na bilyarista sa katauhan ni Anthony Raga mula sa Pilipinas ang humakbang sa semifinals ng World Nineball Tour: European Open sa palaruan ng Hotel Esperanto sa Fulda, Germany.


Makakasama ni "The Dragon" Raga sa pagpuntirya sa upuan sa finals ang mga higante ng world billiards na sina "South Dakota Kid" Shane Van Boening (USA; 2022 World 9-Ball Championships winner), David Alcaide (Spain; hari ng 2017 at 2019 World Pool Masters) at ang pambato ng punong-abala na si "The Killer" Joshua Filler (2022 World Games gold medalist at 2018 World 9-Ball Championships ruler).


Nakapasok sa final 4 ang dehadong kinatawan ng lahing kayumanggi matapos kumawala sa galamay ni Wojciech Szewczyk, 10-7. Dikdikan ang duwelong Pinoy - Polish dahil dumaan sila sa mga iskor na 3-3, 5-5 at 7-7. Ang bituin ng Poland ay isa ring pandaigdigang kampeon dahil siya ang umangkin ng trono ng 2022 World 10-Ball Championships. Ang pinakahuling tagumpay naman ni Raga na minsan na ring naging 2nd placer sa malupit na China Open ay nasaksihan sa 2023 Sharks 10-Ball Masters Cup sa Quezon City.


Nauna rito, kasama sa mga nilapastangan ni Raga sa paligsahang magbibigay ng $30,000 sa magkakampeon at $15,000 naman sa runner-up sina double world champion Pin Yi Ko (Taiwan, round-of-32), 2018 World Pool Masters champ Niels Feijen (Netherlands, Losers' Bracket, Round 3), John Morra (Canada, round-of-16), Mateusz Sniegockli (Poland, round-of-64).


Ang mga pangunahing armas ng bansa sa $200,000 na kaganapan na sina 2023 World Cup of Pool champions Johann Chua at Zorren James Aranas ay nasipa na palabas ng torneo. Si Chua ay hanggang round-of-32 lang nakarating habang si Aranas ay napako sa preliminary stage ng palarong umakit ng may kabuuang 128 sa pinakamalulupit na manunumbok mula sa iba't-ibang parte ng globo.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | July 4, 2023



Muling isinulat ng Pilipinas ang kasaysayan sa larangan ng bilyar nang maitakas nito ang ikaapat na titulo sa prestihiyosong World Cup of Pool na nagwakas sa Pazo de Feiras E Congresas De Lugo, Spain.


Sa loob ng isang linggo, naipakita ng pinagsamang husay nina Zorren James Aranas at Johann Chua na sa larangan ng pagtumbok, Pilipinas ang dapat na tingalain matapos daigin ang Spain "A" (7-5), Spain "B" (7-2), Taiwan (9-8), Austria (9-8) at Germany (11-7).


"I feel great. It feels amazing to win a world title. It's such an honor to win with James. We've known each other since we were 13 years old. We went to school together. To win with him is amazing. This has always been our dream," saad ni Chua sa Matchroom Sports.


"It's a special achievement to win the World Cup of Pool. I am aggressive at the table. I cannot sleep if I do not approach it like that. It's my first achievement at this sort of prestigious event.


It's my first world title."


Ito'y sa kabila ng iba't-iba't malahiganteng mga balakid na humarang sa mga Pinoy cue artists. Kasama sa listahan ng mga balakid ang pagtrato sa kanila ng mga organizers bilang wildcard at ang katotohanang ang torneo ang naging unang salang ng tambalan sa world stage.


Bukod pa rito ay ang nakakalulang kalibre ng mga nakasagupa nila. Ang Spain "A" ay host ng torneo at may "hometown crowd" na armas; 2022 World Cup of Pool winner at pinangunahan ni WPA no. 1 at 2023 World 9-Ball king Francisco Ruiz Sanchez. Apat na pandaigdigang titulo naman ang kapwa nasa sinturon ng Taiwan (World Cup of Pool: 1, World 9-Ball Championships: 1, World 10-Ball Championships: 2) at Austria (World Cup of Pool: 2, World 9-Ball Championships: 2). At siyempre, si 2-time World 9-Ball Championships titilist Joshua Filler naman ang angkla ng 2011 at 2021 World Cup of Pool champions Germany.


Naging hudyat na rin ang koronang napanalunan nina "Dodong Diamond" Aranas at "Bad Koi" Chua ng pagwawakas ng sampung taon ng tagtuyot na naranasan ng bansa sa paligsahan. Sina Dennis Orcullo at Lee Van Corteza ang huling kinatawan ng Pilipinas na nakaakyat sa trono ng World Cup of Pool (London, England; 2013). Nauna rito ay dalawang beses pumagitna sina Efren Reyes at Francisco Bustamante (Manila; 2009 at Newport, Wales; 2006).


Sa naturang kampeonato, mag-uuwi sila ng $60,000 top purse. Ang Pilipinas sa ngayon ang pinakamaraming napagwagiang titulo sa World Cup of Pool sa apat na korona sa kabuuan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page