top of page
Anjo Yllana - FB Live.jpg
Search

ni Mylene Alfonso @News | June 11, 2026



Bongbong Marcos sa lindol sa Mindanao - FB

Photo: Pangulong Bongbong Marcos sa lindol sa Mindanao - FB



Magbibigay ang pamahalaan ng tig-P50,000 ayuda sa bawat pamilya na namatayan dahil sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Lunes.


Ito ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa General Santos City upang inspeksyunin ang mga lugar na naapektuhan at pangasiwaan ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa mga residente.


“Lahat ng pamilya na meron silang casualty na biktima na nasawi, magbibigay tayo ng tig-P50,000 para sa kanila, para tulong dun sa kanilang naging malapit sa kanila na namatay,” pahayag ni Marcos.

 
 

ni Jeff Tumbado @News | June 10, 2026



Magnitude 7.8 Lindol - BFP

Photo: BFP



Umakyat na sa 38 ang nasawi habang 4 ang patuloy na pinaghahanap kasunod ng pagtama ng magnitude 7.8 sa Mindanao, ayon kay OCD Deputy Administrator Asec. Bernardo Alejandro IV.


Samantala, nasa 478 naman ang naitalang nasugatan.


Nasa P562.8 milyon naman ang naitalang damage sa infrastructures sa Region XI at XII.

Patuloy naman ang pagtugon ng pamahalaan para matiyak ang kapakanan ng mga naapektuhan ng naturang lindol.

 
 

ni Jeff Tumbado @News | June 9, 2026



Magnitude 6.8 na lindol sa Gen San Mindanao

Photo: Ang idinulot na pinsala ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Sarangani at mga kalapit na lalawigan nitong Lunes ng umaga. (Mai Ancheta)



Nakapagtala na ang Office of Civil Defense (OCD) ng 19 na bilang ng mga nasawi sa  magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani at mga kalapit na lalawigan nitong Lunes ng umaga.


Ayon sa OCD, 16 sa mga nasawi ay mula sa Region 12 o Soccsksargen, habang tatlo ang nasawi sa Davao Region, mayroon namang inisyal na bilang na 134 ang nasugatan sa malakas na lindol at pito ang nawawala.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyari ang tectonic earthquake alas-7:37 ng umaga.


Una itong naitala sa magnitude 7.0 ngunit kalauna'y itinaas sa magnitude 7.8.

Natukoy ang sentro ng lindol sa layong 32 kilometro timog-kanluran sa Maasim, Sarangani, sa lalim na 33 kilometro.


Karamihan sa mga biktima ay natabunan ng mga bumigay na gusali at landslide, at patuloy ang ginagawang search operations sa mga gumuhong establisimyento.

Kabilang sa mga naapektuhang gusali sa malakas na lindol ay mga commercial establishment, mga paaralan at mga konkretong bahay.


Kasama rin sa napinsala sa lindol ang isang gusali ng General Santos City Airport, kaya sinuspinde ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang commercial flights. Limitado lamang sa government, military at humanitarian flights ang paggamit sa  airport .


Napalitan naman ng takot ang excitement ng maraming estudyante sa Mindanao dahil naitaon ang malakas na lindol sa unang araw ng pasukan ng mga estudyante.

Agad na nagpalabas ng tsunami warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) para sa maagap na paglikas ng mga residenteng  nakatira sa tabing-dagat sa Sarangani.


Dahil sa naganap na kalamidad, kinansela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang klase sa lahat ng antas sa  mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol.


Kasunod ng lindol sa karagatan, naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad sa Pilipinas at Indonesia at agad na pinayuhan ang mga residente sa mga baybaying lugar na lumikas patungo sa mas mataas na lugar.


Binalaan ng Phivolcs na maaaring dumating ang unang bugso ng alon ng tsunami sa pagitan ng alas-7:37 hanggang alas-9:37 ng umaga at posibleng magpatuloy nang ilang oras.


Tumagal ng humigit-kumulang 30 segundo ang malakas na pagyanig sa Koronadal City, na naging sanhi ng malawakang pagkaantala sa serbisyo ng internet, kuryente at tubig sa ilang bahagi ng South Cotabato at mga kalapit na lugar.


Patuloy namang nagsasagawa ng damage assessment ang mga awtoridad at mino-monitor ang lawak ng mga pagkaantala sa serbisyo habang nagpapatuloy ang mga emergency response operation sa mga apektadong komunidad. 


Samantala, sa gitna ng pangamba, ipinaliwanag ng mga opisyal na datos ng PHIVOLCS, ang magnitude nitong 7.8 ay magkaiba ang sukat kumpara sa inaasahang magnitude 7.2 na "Big One" mula sa West Valley Fault sa Metro Manila. Bagama’t pareho maituturing na mapanira at malalakas na pagyanig, iba ang lokasyon at uri ng fault na pinagmulan ng mga ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page