top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 24, 2024




Inanunsiyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Miyerkules na siyam na item sa Suggested Retail Price (SRP) bulletin, kabilang ang apat na lata ng sardinas, isang powdered milk, at apat na brand ng sabon, ang nagtaas ng kanilang presyo.


Sa isang press conference ng National Price Coordinating Council (NPCC) meeting, sinabi ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles ng Consumer Protection Group na inaprubahan ang bagong pagtaas ng presyo noong ika-17 ng Enero.


Nagtaas ng presyo ang apat sa 15 stock-taking units (SKUs) ng lata ng sardinas ng P2.69 hanggang P2.73.


Tumaas naman ang presyo ng isa sa limang SKUs ng powdered milk ng P6.00, at umakyat sa P1.50 ang apat sa sampung SKUs ng sabon.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | October 4, 2023




Inanunsyo ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na tumaas ang produksyon ng bigas kung saan nakakuha ang bansa ng 52 araw na suplay ng bigas sa pagtatapos ng Setyembre.


Ito ang iniharap ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang sectoral meeting sa Malacañang para talakayin ang mga indikasyon na magiging batayan sa pagtataas ng price ceiling sa bigas na ipinataw sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39.


Sa kanilang presentasyon, tinukoy ng DA ang mga indikasyon na maghuhudyat ng pagtaas ng price cap, katulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa domestic market, pagtaas ng supply ng bigas at mga paborableng panlabas na salik tulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa buong mundo, at iba pa.


Sa press briefing ng Palasyo, sinabi ni DA-Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na natugunan na ang lahat ng mga parameter kabilang na ang masaganang suplay at ang pagbaba ng presyo gayundin ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mundo.


Sa pagtatapos ng Oktubre, sa puspusang pag-aani, ang supply ay katumbas ng 74 na araw.


Bumaba na rin ang presyo ng bigas malapit sa price ceiling na may average na presyo ng regular milled rice na humigit-kumulang P41.91 kada kilo at para sa well-milled na bigas ay P45.95.


"Kaya 'yun at inaasahan na magkaroon ng collaborations ang DA at DTI (Department of Trade and Industry) para mas ma-monitor at ma-survey ang mga presyo para hindi... muli, tumaas nang husto," pahayag ni Panganiban.


“So, iyon ang ginagawa namin at nakikipagtulungan kami sa lahat ng ahensya ng gobyerno – hindi lang ang DA kundi pati na rin ang DTI at DILG (Department of Interior and Local Government) para ipatupad ang anumang hakbang at guidelines na magagawa namin para ang mga mamimili at, siyempre, ang ating mga stakeholder, ang mga magsasaka, na nakinabang din (ito),” banggit pa ng opisyal.



 
 

ni Mai Ancheta @News | October 1, 2023




Nganga pa rin ang mga tricycle driver at delivery rider sa fuel subsidy na pinondohan ng gobyerno para mapagaan kahit paano ang budget mula sa epekto ng mataas na presyo ng gasolina at diesel.


Ayon sa ilang tricycle drivers na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA), hanggang ngayon ay wala pang ibinibigay sa kanila na fuel subsidy matapos kunin ng lokal na pamahalaan ang kanilang aplikasyon, at wala rin silang natanggap na fleet card.


Maging ang delivery riders na nag-apply ng fuel subsidy ay wala pa ring natatanggap na tulong mula sa gobyerno sa kabila ng pahayag ng Land Transpotation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kasama ang mga tricycle drivers at riders sa mga mabibigyan ng fuel subsidy.


Tinatayang 900,000 triycle drivers at 150,000 delivery riders ang naghihintay na mabiyayaan ng fuel subsidy.


Ayon sa LTFRB, wala pang ibibinigay na listahan ng benepisyaryo sa kanila ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industy (DTI) na siyang nakatoka sa mga tricycle driver at delivery rider.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page