top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 16, 2023



ree

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-44 na Executive Order ang bagong proyekto na "Walang Gutom 2027: Food Stamp Program" ng DSWD bilang flagship project ng pamahalaan.


Itinalaga rin ng Presidente ang ahensiya bilang pangunahing tagapagpatupad ng proyektong may layuning bawasan ang kagutuman sa bawat pamilyang may mababang kita o kabilang sa laylayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng P3,000 na tulong-pinansyal.


Makakatanggap nga ng mga Electronic Benefit Transfer cards ang mga benepisyaryo na maaaring magamit sa pagbili ng mga piling pangangailangan tulad ng pagkain mula sa ilang mga partners na tindahan.


Ang pagpapatupad nito ay ayon sa Sustainable Development Goal No. 2 ng United Nations na wakasan ang gutom, makamit ang seguridad sa pagkain, at mapabuti ang lagay ng agrikultura sa taong 2030.


Pahayag ni Marcos sa utos na pinirmahan nu'ng Oktubre 12 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, "The DSWD shall undertake the necessary steps for the successful implementation and expansion of the Food Stamp Program including, but not limited to, the identification of eligible beneficiaries and collaboration with relevant stakeholders to ensure efficient and timely distribution and use of food stamps."





 
 

ni BRT @News | September 23, 2023



ree

Pabor ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na taasan ang pinansyal na ayuda na natatanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) subalit kakailanganin umano nito ng pondo.


Sa deliberasyon ng panukalang 2024 budget kahapon, sinabi ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee na ang purchasing power ng ayudang natatanggap ng 4Ps beneficiaries ay lumiit dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic at inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


Batay sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong Mayo, ang P31,200 na maximum na maaaring makuha ng isang pamilya na benepisyaryo ng 4Ps kada taon ay nasa P14,524 na lamang ang halaga ngayon.


Ayon kay Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong, sponsor ng budget ng DSWD, pabor ang national advisory council na itaas ang ayuda.


Nakipag-ugnayan na rin umano ang DSWD sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay nito.


Sinabi rin ni Limkaichong na handa ang DSWD na magsumite ng kopya ng resolusyon ng council sa Kongreso na siya ngayong magdedesisyon kung maglalagay ng pondo para dito.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 10, 2023



ree

Maaari umanong tumaas pa ang P15,000 financial assistance para sa mga qualified rice retailers na apektado ng price cap sa regular at well-milled rice sa bansa.


"Nakausap natin ang Pangulo. Inatasan niya ang DTI (Department of Trade and Industry) at DSWD na mag-calibrate pa para masiguro na kung kulang pa 'yun, hindi tayo mag-aatubili na mag-adjust at magdagdag pa," pahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.


Pinangunahan ni Gatchalian at ng mga lokal na opisyal ang distribusyon ng cash grants sa Commonwealth Market sa Quezon City, Agora Market sa San Juan City at sa Maypajo Market sa Caloocan City base sa instruksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


May kabuuang 232 small rice retailers ang nakatanggap ng P15,000 cash grant – 48 sa Quezon City at 48 sa San Juan City habang 136 na benepisyaryo ang nakatanggap ng cash assistance sa Caloocan City.


"Para sa Pangulo, importante na mapangalagaan ang kapakanan ng mga MSME (micro, small, and medium enterprises). Alam natin na may sakripisyo sila ngayong mga panahon na ito kaya gusto ng gobyerno na matulungan sila. Alam natin na kahit negosyante sila, maliliit silang negosyante," sabi ng kalihim.


Pinasalamatan din niya ang mga rice retailers sa kanilang pag-unawa at pakikipagtulungan upang maging bahagi ng solusyon sa mga nagdaang pagtaas ng presyo ng bigas.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page