top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 29, 2023




Nasamsam ng pinagsanib na tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BoC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), ang may 560 kilo ng shabu na may halagang

P3.8 bilyon, na itinago sa plastic ng chicharon at dried fish kamakalawa ng gabi sa isang bodega sa San Jose Malino, Mexico City, Pampanga.


Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa isang press briefing, ito na ang pinakamalaking huli ng ilegal na droga ngayong taon sa bansa.


Sinabi ni Remulla na ang shabu ay nagmula sa Thailand sakay ng Sitc Shekou at dumaong sa Subic Port in Subic Bay Freeport Zone noong Setyembre 18, 2023.


Nagawa umano ng crack team ng NBI na mapasok ang sindikato at nahubaran ng maskara ang mga sangkot sa pagpasok ng droga sa bansa.


Kinumpirma ni Remulla na may mga sangkot na dayuhan at may iniimbestigahan na rin na taga-BOC.


Inamin ni Remulla na napakasopistikado na ng operasyon ng sindikato dahil maski ang mga K-9 dogs ay nahirapan at dapat na muling sanayin sa pag-amoy ng ilegal na droga.


Gayunman, tumanggi si Remulla na magbigay ng pangalan sa mga taong sangkot sa sindikato.


Dahil sa naturang malaking huli, nakatakdang magkaroon ng masusing pakikipag-ugnayan ang NBI sa National Prosecution Service para sa pagsasampa ng kaso.


Magkakaroon din ng imbestigasyon sa kaso ang Anti-Money Laundering Council.

Layunin nito na kilalanin ang korporasyon na ginamit para sa pagpupuslit ng droga sa bansa.



 
 

ni Madel Moratillo | March 20, 2023



Irerekomenda ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Cong. Robert Ace Barbers ang pagpapataw ng death penalty sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Ayon pa kay Barbers, dapat ding patawan ng mabigat na parusa ang mga sangkot sa pag-recycle ng droga tulad ng mga law enforcers.

Giit ng Kongresista, panahon na rin upang amyendahan ang Dangerous Drugs Act of 2002 para maisama ang pagpataw ng mabigat na parusa sa sangkot sa drug recycling.

Dapat din aniyang magkaroon ng mahigpit na patakaran sa pag-imbentaryo ng mga ebidensya.

Una rito, sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, nabunyag na hindi lahat idinedeklara ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakukuhang ilegal na droga.

May mga asset din umano na sa halip na reward money, 30 porsyento ng droga ang hinihinging kapalit.

Sa susunod na pagdinig ng komite ipatatawag naman ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at PDEA.


 
 

ni Zel Fernandez | April 22, 2022


Sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba sa Tondo, Maynila noong Martes, Abril 19, kalaboso ang isang drug suspek matapos mahulihan ng P1.36 milyong halaga ng shabu.


Sa pinagsanib-puwersang pagkilos ng mga operatiba mula sa SOU NCR, PNP DEG, kasama ang SDEU PS2, CIDU DDEU MPD, RID/RDEU/RSOG NCRPO, and PDEA NCR, sinalakay ang Barangay 4 at naaresto ng mga awtoridad ang 47-anyos na drug suspek na kinilalang si Maria Mustapha KAMILAN.


Kasunod ng matagumpay na pagkakaaresto sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot, nagpahayag ng papuri at pagbati si PNP Chief General Dionardo Carlos sa mga awtoridad na naging bahagi ng isinagawang operasyon kontra-droga.


“We continue our efforts to monitor the production and trafficking of these illegal substances. Thus, the series of operation resulting to the arrest of drug suspects. Congratulations to our operating teams,” aniya.


Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page