by Benjamin Chavez @News | September 13, 2026

Apat na indibidwal ang naaresto matapos mabuwag ang isang drug den sa buy-bust operation sa Brgy. Caminawit, San Jose, Occidental Mindoro noong Setyembre 11.
Kinilala ang mga suspek sa alyas Pelagio, 58; Biboy, 25; Ramil, 34, at Hendric, 32, pawang residente ng nasabing barangay.
Narekober sa operasyon ang tinatayang 7.08 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P48,144.
Pinangunahan ng PDEA Regional Special Enforcement Team ang operasyon katuwang ang PDEA Occidental Mindoro, OMPPO-PDEU at San Jose MPS-MDET.
Mahaharap ang apat sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



