top of page
WINNER - TITO-KIKO SA 2028, ISINUSULONG-IG _reallysharoncuneta.jpg
Search

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 24, 2026



Sabi ni Doc Dialysis sa CKD



Dear Doc Erwin, 


Maraming salamat sa inyong walang sawang pagtugon sa aming mga tanong tungkol sa kalusugan. Dahil sa inyong column sa BULGAR, lalong lumalawak ang aming kaalaman kung paano iiwas sa sakit at paano mas aalagaan ang aming sarili.


Nakakabahala lang po dahil may kapitbahay ako na 28-anyos pa lang ay nag-uumpisa nang mag-dialysis dahil sa Chronic Kidney Disease (CKD). Ano po ang CKD? Bakit po kaya tila pabata nang pabata ang nagkakaroon ng sakit na ito, at ano po ang mga paraan para maiwasan namin ang ganitong karamdaman? – Izza





Maraming salamat sa iyong liham Izza. Tunay na nakakabahala ang kuwento tungkol sa iyong kapitbahay, ngunit sa kasamaang palad, hindi na ito pambihira sa ating panahon. Marami sa atin ang nagugulat na ang mga sakit na dati ay kadalasang matanda lang ang nagkakaroon, gaya ng Chronic Kidney Disease o CKD, ay unti-unti nang bumibiktima sa mas nakababatang populasyon. Mahalagang maunawaan natin kung bakit ito nangyayari at kung paano natin mapoprotektahan ang ating mga bato o kidneys habang maaga pa.


Ayon sa Philippine Society of Nephrology (PSN)–samahan ng mga dalubhasa sa kidneys, ang CKD ay ang unti-unting paghina ng ating mga bato sa loob ng tatlong buwan o higit pa. Isipin ninyo ang inyong mga bato bilang ang "filter" o tagasala ng inyong katawan; sila ang naglilinis ng dumi sa dugo, nagbabalanse ng tubig, at tumutulong sa pagkontrol ng ating presyon. Kapag ang mga batong ito ay napinsala, hindi na nila nagagawa ang kanilang tungkulin nang maayos. Ang masaklap dito, ang kidney damage ay madalas na "irreversible" o hindi na naibabalik sa dati kapag malala na ang pinsala. Para itong isang gripo na may baradong filter; habang tumatagal, lalong bumibigat ang trabaho ng mga kidneys hanggang sa tuluyan na itong masira at kailanganin na ng dialysis o transplant.


Bakit nga ba tila "pabata nang pabata" ang tinatamaan nito? Ang sagot ay nasa ating modernong pamumuhay. Ang mabilis na takbo ng buhay ngayon ay nagtulak sa marami, lalo na sa mga kabataan, na umasa sa "convenience foods.” Ang ating kinahihiligang "unli" culture—mula sa unli-rice hanggang sa mga maaalat na sawsawan, de-lata, at instant noodles—ay punumpuno ng sodium. Ang sobrang asin, na pinanggagalingan ng sodium, ay lubos na nakakasama sa ating katawan dahil pinatataas nito ang presyon ng dugo na direktang sumisira sa maliliit na ugat sa loob ng ating mga bato. 


Bukod sa madalas na pagkain ng mga maaalat, mahilig din sa matatamis na inumin gaya ng milk tea at softdrinks na mataas ang sugar content, kaya mas maagang nagkakaroon ng Diabetes at Hypertension ang mga Pilipino—ang tinatawag ng mga eksperto na "silent duo" na pangunahing sanhi ng pagkasira ng bato.


Bukod sa maling diyeta, isa ring dahilan ang kakulangan sa galaw. Dahil sa mga trabahong nakaupo lang sa harap ng computer at pagkahilig sa gadgets, marami ang nagiging "obese" o labis ang timbang, na isa ring malaking risk factor sa CKD. Hindi rin natin dapat kalimutan ang masamang gawi ng "self-medication." Marami sa atin, kapag nakaramdam ng sakit ng katawan o ulo, ay agad na umiinom ng mga pain relievers nang walang payo ng doktor. Kung ididikit pa rito ang bisyo ng paninigarilyo at pag-inom ng alak, ay mas mataas ang posibilidad na masira ang ating bato.


Binabansagan ngayon ng mga eksperto na isang "silent killer" ang CKD dahil sa maagang yugto ng karamdamang ito ay karaniwang walang nararamdamang anumang sintomas. Maaaring pakiramdam mo ay malakas ka pa, ngunit ang totoo ay unti-unti nang bumababa ang kakayahan ng iyong bato na linisin ang iyong dugo. Lalabas lamang ang mga senyales gaya ng pamamanas ng paa, madaling pagkapagod, pangangati ng balat, at pagbabago sa ihi (gaya ng pagbula o madalas na pag-ihi sa gabi) kapag nasa stage 4 o 5 na ang sakit. Sa puntong ito, madalas ay huli na ang lahat at tanging dialysis o transplant na lamang ang paraan upang madugtungan ang buhay.


Ngunit huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil marami tayong magagawa upang hindi humantong sa ganitong sitwasyon. Ang pinaka-epektibong depensa ay ang regular na pagpapatingin sa doktor. Kung ikaw ay mayroon nang high blood o diabetes, ang pag-inom ng gamot sa tamang oras at pagsunod sa diet na payo ng doktor ay hindi dapat ituring na pabigat kundi isang mahalagang proteksyon para sa iyong kinabukasan.


Simulan nating baguhin ang ating nakagawian: bawasan ang alat, piliin ang mga sariwang pagkain kaysa sa mga de-lata, at uminom ng sapat na tubig araw-araw sa halip na matatamis na juice o soda. Ang ating mga bato ay parang mga tahimik na bayani na hindi nagrereklamo hangga’t kaya pa nila, kaya tungkulin nating pakinggan sila bago pa sila tuluyang sumuko. Para sa ating mga nasa "middle-age" at maging sa mga kabataan, ang pinakamagandang pamana na maibibigay natin sa ating pamilya ay ang ating malakas na pangangatawan. Huwag nating hintayin na ang "silent epidemic" na ito ay kumatok sa ating pintuan. Tandaan, ang pag-iingat at pagbabago ng lifestyle ay laging mas mura, mas madali, at mas masaya kaysa sa anumang gamutan sa ospital. (Sarrah F. Serrano, MD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 23, 2026



Sabi ni Doc Seleniom at Vitamin E



Dear Doc Erwin, 


Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsulat ng mga makubuluhang impormasyong pangkalusugan. Ang inyong column sa BULGAR newspaper ay nakakadagdag sa aming kaalaman, na siyang nakabubuti sa aming pangkalahatan na kalusugan.


Ako po ay matagal nang kasal at kasalukuyan naming sinusubukan ng aking mister na magkaroon ng anak. Maituturing na pinagtagpo kami ng tadhana dahil pareho kaming vegetarian, kaya naman hindi naging mahirap para sa amin ang sumunod sa aming mga diyeta. Subalit sa kasamaang palad, mahigit tatlong taon na kaming hindi magkaanak. Dahil dito, nagpasya kaming kumonsulta sa doktor at doon namin nalaman na mababa ang kalidad ng semilya ng aking mister, habang ako naman ay may kondisyong Polycystic Ovary Syndrome (PCOS). Ayon sa aming doktor, ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit kami nahihirapang makabuo ng anak.


Nabanggit po ng aming doktor ang mineral na Selenium na maaari naming subukan pareho, at karagdagang Vitamin E naman para sa aking mister. Maaari ba ninyong ipaliwanag kung para saan ang Selenium at ang kombinasyon nito sa Vitamin E para sa kalalakihan? Nais ko rin pong malaman kung paano ang mga ito makakatulong sa aming pertilidad at ano ang mga natural na paraan upang makonsumo ang mga nasabing sustansya. — Grace





Maraming salamat Grace sa iyong liham sa BULGAR newspaper at sa patuloy na pagsubaybay sa “Sabi ni Doc” column.


Hindi maikakaila na napapanahon ang iyong katanungan dahil milyun-milyong mag-asawa sa buong mundo ang nakararanas ng emosyonal at pinansyal na mga hamon dahil sa kawalan ng kakayahang magkaanak. Ang selenium at Vitamin E ay may mahalagang papel sa pangangalaga ng pertilidad, lalo na sa mga mag-asawang nahaharap sa hamon ng pagbubuntis. Bilang isang mahalagang trace element, ang selenium ay bahagi ng 25 selenoproteins sa katawan na kritikal sa pagpapanatili ng cellular functions at paglaban sa oxidative stress. Ang oxidative stress ay isang kondisyon kung saan ang kawalan ng balanse ng free radicals ay maaaring makapinsala sa DNA ng semilya at makagulo sa proseso ng paghinog ng itlog sa kababaihan. Sa pamamagitan ng pag-inom ng selenium, nababawasan ang pinsalang ito, na nagbibigay ng mas malusog na kapaligiran para sa matagumpay na konsepsyon.


Para sa mga kalalakihan, ang kombinasyon ng selenium at Vitamin E ay napatunayang epektibo sa pagpapabuti ng kalidad ng semilya. Ayon sa isang klinikal na pag-aaral na inilathala noong 2011, ang pag-inom ng 200 micrograms ng selenium at 400 units ng Vitamin E araw-araw ay nagresulta sa higit 50% na pagbuti sa motility o paggalaw at morpolohiya ng semilya. Ang Vitamin E ay nagsisilbing katuwang ng selenium upang mas mapalakas ang antioxidant defense ng katawan, na direktang nakatutulong upang maging mas malakas at buhay ang mga semilyang susubok na bumuo ng sanggol.


Para naman sa mga kababaihang may Polycystic Ovary Syndrome (PCOS), ang selenium ay nagbibigay ng metabolic support. Ipinapakita ng mga pananaliksik mula 2015 hanggang 2022 na ang suplementasyon nito ay nakatutulong sa pagpapababa ng pamamaga at lipid peroxidation sa katawan. Higit sa lahat, pinapabuti nito ang insulin sensitivity, na madalas na problema ng mga may PCOS. Kapag mas maayos ang pagtugon ng katawan sa insulin, nagiging mas balanse ang mga hormones, na siyang susi upang maging regular ang obulasyon at mapataas ang tsansa ng pagbubuntis.


Dahil kayo ay mga vegetarian, mahalagang malaman na ang selenium ay matatagpuan sa mga pagkaing tulad ng Brazil nuts, beans, at lentils. Gayunpaman, dapat maging maingat sa tamang dosage dahil ang labis na selenium o selenosis ay maaaring magdulot ng pagkalagas ng buhok at pinsala sa lamang-loob. Ang sapat na konsumo para sa isang normal na diyeta ay humigit-kumulang 55 micrograms, at hindi dapat lumampas sa 800 micrograms. Pinakamainam na sundin ang payo ng inyong doktor tungkol sa eksaktong dosage ng supplement upang matiyak na ito ay makatutulong nang ligtas sa inyong hangarin na makabuo ng pamilya. (Dr. Alexis Angelo L. Sulit, RN, MD, JD)




Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 17, 2026



Sabi ni Doc Lion's Mane Mushroom


Dear Doc Erwin, 


Magandang araw po, Doc Erwin! Ako si Quintina, isang senior citizen mula sa Candaba, Pampanga. Isa po akong masugid na tagasubaybay ng dyaryong BULGAR, lalo na ng inyong “Sabi ni Doc” column. Malaking tulong po sa amin ang inyong mga payo tungkol sa kalusugan. 


Doc, nais ko sanang magtanong. Sa aking edad, madalas po akong makaramdam ng panghihina ng katawan at madaling pagkapagod, lalo na’t ako pa rin ang nag-aalaga sa aking mga apo araw-araw. Nabasa ko rin po na ang carnitine ay maaaring makatulong sa pagbawas ng timbang, na posibleng makabawas sa pananakit ng aking tuhod–dahil medyo mabigat na rin po ang aking timbang.


Bukod rito, makatutulong din ba ang L-carnitine para sa panghihina ng katawan na dulot ng pagtanda? Ligtas po ba ito para sa mga senior citizen tulad ko? Ano pa po ang mga benepisyo nito sa kalusugan at mayroon po ba itong mga side effects na dapat malaman?

Maraming salamat po at sana ay mapansin ninyo ang aking katanungan. — Quintina



Maraming salamat, Quintina, sa iyong liham at sa patuloy mong pagsubaybay sa “Sabi ni Doc” at sa pahayagang BULGAR.


Ang pagtanda o aging ay nagdudulot ng unti-unting paghina ng mga tungkulin ng katawan at ng mga organo. Kasama rito ang pagbaba ng kakayahan ng katawan na maayos na gamitin at balansehin ang enerhiya. May mahalagang papel dito ang mitochondria, na responsable sa paggawa ng enerhiya ng mga selula. Kapag nagkaroon ng pinsala sa mitochondrial DNA, maaaring bumaba ang kakayahan ng katawan na makagawa ng sapat na enerhiya para sa pisikal na aktibidad habang tumatanda ang isang tao.


Ang L-carnitine ay isang kemikal na sangkap na nagmumula sa mga amino acid na lysine at methionine. Natural itong ginagawa ng katawan at matatagpuan din sa ilang pagkain tulad ng karne at isda. Maaari rin itong inumin bilang dietary supplement. Tumutulong ang L-carnitine sa paggawa ng enerhiya sa pamamagitan ng paglipat ng taba papasok sa mitochondria ng mga selula kung saan ito ginagamit o “sinusunog” upang maging enerhiya.


Ayon sa isang pananaliksik na inilathala sa Journal of Translational Medicine noong 2025, ang pag-aaral tungkol sa carnitine pool ay hindi na lamang nakatuon sa fatty acid oxidation (FAO). Lumawak na rin ito sa iba’t ibang larangan tulad ng metabolismo ng enerhiya, mitochondrial homeostasis, epigenetic regulation, immune at inflammatory responses, at maging sa neuroprotection.


Sa isa pang pag-aaral na nalathala sa isang peer-reviewed journal noong 2021 tungkol sa musculoskeletal system, natuklasan na ang L-carnitine supplementation ay maaaring makatulong sa pagtaas ng enerhiya, pagpapabuti ng pisikal na kakayahan, at pagbawas ng pagkapagod. Ipinakita rin sa ilang pag-aaral na maaari itong makatulong sa mga programang rehabilitasyon, lalo na sa mga matatandang nakararanas ng matinding pagkapagod o pisikal na stress. Maaari rin itong makatulong sa pagpapabuti ng mental at kognitibong paggana.


Sa artikulong “L-Carnitine Supplementation in Older Women: A Pilot Study on Aging Skeletal Muscle Mass and Function” (2018), ipinakita na ang pagbaba ng L-carnitine sa katawan habang tumatanda ay maaaring magdulot ng panghihina at pagnipis ng kalamnan, o sarcopenia. Natuklasan sa pag-aaral na ang supplementation ay maaaring makatulong sa pagpapanatili ng lakas ng kalamnan.


Ayon naman sa mga pag-aaral na inilathala noong 2022 sa Saudi Journal of Biological Sciences, may iba’t ibang benepisyo sa kalusugan ang L-carnitine. Tumutulong ito sa metabolismo ng carbohydrates at sa paggawa ng enerhiya ng katawan. Kaugnay ng iyong tanong tungkol sa pagpapapayat, maaari rin itong makatulong sa pagbabawas ng timbang dahil sa papel nito sa pagpapahusay ng fat oxidation o proseso ng pagsunog ng taba sa katawan.


Bukod dito, ipinakita rin sa ilang pag-aaral na maaaring makatulong ang L-carnitine sa pagpapabuti ng glucose intolerance, kaya maaaring maging kapaki-pakinabang ito para sa mga pasyenteng may uremia at diabetes. Maaari rin itong makatulong sa pagbawas ng neuropathic pain, pagpapabuti ng nerve conduction, at pagpapalakas ng immune function. Mayroon din itong potensyal laban sa ilang neurological na karamdaman tulad ng Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, at iba pang uri ng neuropathies. Sa ilang pagkakataon, ginagamit din ang L-carnitine upang makatulong sa panunuyo ng mata at bilang suporta sa pagpapanatili ng kalusugan ng puso.


Ang karaniwang dosis ng L-carnitine para sa mga nasa hustong gulang ay mula 500 mg hanggang 2,000 mg bawat araw, depende sa payo ng doktor. Gayunman, mahalagang kumunsulta muna sa physician bago uminom ng suplementong ito, lalo na para sa mga senior citizen. Mas sensitibo ang mga nakatatanda sa side effects dahil sa unti-unting paghina ng atay at bato.


Ilan sa mga posibleng side effects ng L-carnitine ay pagkahilo, pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagbabago sa presyon ng dugo, at allergic reactions gaya ng pantal.

Mahalaga ring regular na magpatingin sa doktor, uminom ng sapat na tubig, at kumain ng masustansyang pagkain upang mapanatili ang lakas at kalusugan ng katawan sa ginintuang edad. (Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page